Magandang araw….
Kami po na mga Persons Deprived of Liberty (PDL) ng Virac Disrtrict Jail ay buong pagpapakumbabang lumapit at nananawagan sainyo at sa inyong buong pamunuan ng BJMP na nakakasaklaw sa aming panawagan at hinaing na sana po ay magkaroon o mabigyan kami ng Special Time Allowance for Loyalty (STAL) dahil sa super typhoon Rolly na dito unang tumama sa probinsiya ng Catanduanes.
Ito po ay amin nang inilapit sa aming Jail Warden na si Jail Inspector Camilo Batuhan ngunit ayaw niya po kaming bigyan ng STAL sa kadahilanang hindi naman daw nagiba ang pasilidad ng Virac District Jail dahil maliit lang ito at naka-slab o semento ang bubong at napapaligiran ng pader na bakod kaya kung sakali man po na magiba ito ay siguradong patay kaming lahat ng mga PDL dito sa jail bago kami mabigyan ng STAL.
Pero ito naman po ang punto namin: unang una, muntik na po kami lahat mamatay nang pinasok ang aming dorm at visiting area ng lampas-tuhod na tubig dagat at kung nagkaroon jng high tide pa ay tiyak nalunod kaming lahat sa mga selda. Kaya ang ginawa noon ng naka-duty na personnel na si JO2 Pelagio Villafuerte ay binigay na ang susi sa bawat dorm para mabuksan at kung sakaling tumaas pa ang tubig dagat ay maililigtas namin ang aming mga sarili sa maari naming ikamatay sa dala ng super typhoon Rolly.
Nasa amin na po ang lahat na pagkakataon para umalis o tumakas habang niraragasa ng bagyo ang jail. Bukas na ang lahat ng selda, bukas na rin ang lahat ng gate at puede na kaming tumakas.
Outnumbered din namin ang humigit kumulang na 5 BJMP personnel na naka-duty sa 84 na PDL, kung gusto naming tumakas lahat. Pero hindi namin ginawa at lakas-loob naming hinarap ang super typhoon Rolly.
Alam niyo po, 90% ng mga PDL dito sa jail ay mga sentensiyado na at karamihan ditto ay mga double life, reclusion perpetua pero hindi kami tumakas kahit nasa amin na lahat ang pagkakataon para gawin ito.
Ang super typhoon Rolly ang pinakamalakas na bagyong tumama sa Catanduanes at nalagay pa sa alanganin ang lahat ng mga buhay ng mga PDL tapos wala daw ng STAL dito?
Dati kasi dito sa Virac District Jail ay nagkaroon na ng STAL ang mga PDL dahil sa bagyong “Nina” noong 2016 na nasira din ang mga bintana at pinto ng lugar kung saan inevacuate ang mga PDL na hindi naman po lingid sa ating kaalaman na mas malakas itong si super typhoon Rolly.
At ang malala po doon ay hindi kami inevacuate sa kabila ng ang kinatatayuan ng Virac District Jail ay tapat ng boulevard nakaharap sa dagat at ilang metro lang ang distansya sa dagat. Samantalang noong mga nakaraang warden dito sa Virac District Jail ay inevacuate na kami kahit hindi ganoon kalakas ang bagyo para sa kaligtasan ng mga PDL dahil din sa banta ng storm surge.
Pero nitong super typhoon Rolly, parang isinugal lahat ng aming warden ngayon ang aming mga buhay at pinabayaan lang kami dito sa jail, ni walang typhoon guard o kahit tinakpan man lang ng yero ang aming mga dorm para sa aming kaligtasan.
Pinabayaan kami n gaming warden at alam naming na pwede kami magsampa ng kasong administratibo sa kanyang pagpapabaya sa amin at hindi pag-evacuate sa amin sa kabila ng banta mng super typhoon Rolly na alam naman po sana nasa gilid lang ng dagat ang jail.
STAL lang naman po sana an gaming hinihingi ditto na alam naman naming na 84 PDL dito na entitled kami magkaroon dahil sa nangyari at yun naman po ay naayon sa batas. Kahit po kami mga PDL, sana naman po ma-exercise pa rin namin ang aming constitutional rights. Hindi naman po kami humihingi ng sobra, ang sa amin lang ay yung tama at naaayon din sa Saligang Batas.
Sana po ay iyong mapagtuunan ng pansin at aksyon ang aming kahilingan at panawagan.
Maraming salamat po.
(Nilagdaan ng labingwalong PDL na humiling na huwag silang pangalanan at baka mapag-initan)