Hindi pa natatapos ang gulo sa Ukraine vs. Russia, may gulo na naman. Ang tantiya ng mga observers ay abot na sa 800 katao ang patay sa bansang Sudan, puwera iyong mga sugatan at mga may tama lang pero buhay. May mga tama lang siguro. Pero ang nakakaawa ang mga sibilyan na wala namang kalam-alam sa kung ano ang pinag-aawayan ng dalawang panig. Pulitika rin marahil at hindi magkasundo sa hatian. Sa Third World countries kasi, naririyan ang maraming suwitik. Puro gusto nasa taas sila dahil pag nasa taas, ang trono ay hawak mo at ang impluwensiya, kapangyarihan, lahat ay hawak mo. Tingnan Ninyo ang mga Teves, sa imbestigasyon sa Senado nagpapatunay na ang kuwarta at impluwensiya ay magkasama lagi. Kahit anong sabihin ng maski sino, iba ang may kuwarta ka kaysa pobre. Makalusot ka man minsan lang yan mangyayari. Kapag makuwarta ka, lahat ay kuha mo. Magagandang babae, mamahaling alak, kapangyarihan, katanyagan lahat ng gusto mo kuha pero ang hindi lang nila kaya ang gusto ng Diyos na kapag pinakialaman ka, tapos na ang lahat ng galing mo na naglalahong parang sabon na ginamit mo para manatili ka sa puwesto mo. Para ka ring sabon na nawawala na parang bula.
*****
Walang kuwenta ang mga nangyayari sa SEA games dahil ang alam natin mga native lang maglalaban at hindi kasama ang taga-ibang bansa. Ang mga basketbolista ng Cambodia mga taga-ibang bansa pati mga boxer at iba pang manlalaro. Akalain mong natalo tayo sa overall ng Cambodia? Muntik pa tayong matalo sa basketball. Pero sa totoo, tayo ang pasimuno ng lahat. Meron tayong Jacob, meron tayong Thompson meron tayong Sato, meron tayong Miller, meron pa tayong Standhardinger at marami pang iba. Kaya siyempre gagaya rin ang iba. Bakit, tayo lang ang marunong mangdaya? Parehas lang para ang laban ay maganda. Matagal na tayong mandaraya kaya panahon na para sila naman ay kumilos sa matagal na nating maling ginagawa. Eksperto tayo sa pandaraya na ngayon lang natuklasan ng mga kalaban kaya kumilos na sila dahil kung hindi patuloy silang magigisa sa sarili nilang mantika.
*****
Nag-resign si VP Sara Duterte sa Lakas-CMD ni dating pangulo ng Pilipinas, Gloria Arroyo, na Senior Deputy Speaker ng House of Representatives pero ngayon hindi na. Gusto siguro maging speaker pa rin. Hindi napatinag sa puwesto niya si Romualdez kaya tumalsik si Arroyo sa pag-aakalang malakas pa siya. Sa halip na tumalsik iyong speaker, siya (Arroyo) ang lumipad at nawala tuloy sa pagka-senior deputy speaker niya. Pero di bale marami namang ipinagbibiling loudspeaker diyan at mga bago pa at masosolo pa niya at wala pa siyang kaagaw. I am sorry pero Manay Glo, laos ka na. Ipaubaya mo na ang lahat sa mga bata pa. I am sorry!!
*****
Hindi na kailangan mag-imbestiga pa ang Senado sa mga nawawalang droga na nakumpiska ng mga pulis. Dapat ikulong ang lahat pati na iyong PNP chief, magdamagan kayong imbestiga diyan walang mangyayari. Alam na ng mga tao kung saan napunta at kung kanino. Kaya nagsasayang lang kayong mga senador at kongresman sa walang kuwentang bagay. Ang dapat sa mga iyan, ikulong lahat kasama ang mga senador na may mga kaso pero naka senador pa. Iyong nag iimbestiga at iniimbestigahan parepareho, anong makukuha mo diyan? Nagmomoro moro lang kayo. Puro kayo kalokohan.
*****
Si Panelo halatang kampi kay Arroyo sa mga nangyayaring rigodon sa Kongreso kung saan sangkot si Arroyo at VP Sara. Pero ako, baliktarin man ang mundo, kung saan si Sara doon pa rin ako. Ang totoo kaedad ko si Arroyo pero ayaw ko na sa kanya. Wala naman tayong mga magandang buhay sa administrasyon niya. Ang haba din ng kanyang panunungkulan pero walang nangyaring maganda sa buhay natin. Sabi ko nga masarap ang buhay pag nasa taas ka. Kung iyon ang hanap niya, pumunta siya sa taas at isama niya si Panelo na pareho niyang datan.
*****
Maganda ang ipinakita ng mga boxer natin lalo na si Palicte kalaban iyong Cambodian kung saan isang round pa lang lagapak na iyong Cambodian. Pero sa totoo hindi natin kayang panatilihin ang dating puwesto natin sa nakaraang SEA games. Ang galing ni Yulo na lumaban sa athletics katulad niya mga dapat purong Filipijno. Hindi katulad sa ibang mga player natin na mga may halong Pinoy lang. May apelyido bang Pinoy na Knotts, may Pinoy bang Standhardinger, apelyido bang Pinoy ang Williams? Wala naman niyan kaya tayo ang unang mandaraya sa kahit anong sports manalo lang tayo. We got the dose of our own medicine.
*****
Natalo si Pacquiao sa isinampang kaso sa kanya ng Paradigm ng Amerika. Pinagbabayad siya ng haiagang 5 million dollars pero on appeal ang kaso kaya wala pang katiyakan kung talo na nga siya. Hindi pagtupad sa kontrata ang kaso or breach of contract kaya nangyari ang lahat. Mahilig si Pacquiao sa breach of contract. May contract pa siya na palagay ko ito na ang pinakamabigat. Ang kontrata niya dati sa Catolico pero lumipat siya ng ibang relihiyon. Dati mayroon siyang rosaryohan, ngayon wala na. Mas mabigat ang kontratang ito dahil Diyos ang kakontrata niya. Hay buhay, maluto, gulay.
*****
Ang highest paid volleyball player sa ngayon ay si Alyssa Valdez at siya pa ang pinaka-popular sa lahat ng mga volleyball player na babae. Alam ba ninyo na ang pinakasikat sa Russia ay si Vladimir Putin at si Zelensky naman sa Ukraine? Sikat silang mga kriminal na sa bansa nila maraming namamatay dahil sa kawalang kuwentang ipinaglalaban nila na maraming tao ang nadamay sa walang katuturang paniniwala nila. Kaya panalo si Alyssa Valdez. Si Putin, Zelensky at Biden, sila ang mga tanga ng taon.