ni: Anthony T. Emerenciana
October 23, 2012
Marahil kung sinunod ko ang aking mga magulang na kumuha na lang ako ng kursong Edukasyon, marahil isa na akong Teacher ngayon. Nakakatuwa nga, wala sa isip ko na maging isang Nurse. Kahit ako sa sarili ko, noong kabataan ko hilig ko na ang magturo…minsan mag-isa lang ako..kunwari may tinuturuan ako, kinakausap ang sarili minsan may mga imaginary friends pa akong nalalaman. Siyempre ako yung teacher, at ako din ang estudyante.
Mahilig din akong mag imbento ng mga pangalan at ililista ko sa aking maliit na notebook at minsan ay ang mga lumang class record ng papa ko. Hayun, gagawa ako ng honor roll at magco compute ng mga grades at syempre laging first honor sa akin yung naisip ko na may pinakamagandang pangalan.
Minsan napagtripan ko yung totoong Report Card ng mga estudyante ng Tito ko. Binago ko lahat ng mga grades dun at ginawan ko ng bagong honor roll. Huli ko na lang nalaman na kailangan pa pala ng mga estudyante niya yun para makapasok ng High School.
Kung babalikan ko ang kinalalakhan ko, kahit ako man ay nagtataka kung bakit naging Nurse ako na kung tutuusin lumaki sa pamilya ng mga Teachers. Simula sa mga Lolo at Lola ko, mga Tiyo at Tiya at maging ang Papa ko hindi malalayong maging Teacher din ako anupa’t namulat at lumaki ako sa apat na sulok ng classroom ng aking ama.
Isa siguro sa mga dahilan ay nais kong maiba o maging iba. Bago ako mag kolehiyo natatandaan ko pa ang araw na pinilit ako ng aking ama na kumuha na lang ako ng kursong edukasyon sa isa mga pinakamalapit na paaralan sa aming lalawigan, subalit sinuway ko siya. Alam ko, masakit ang loob niya sa akin anupa’t ang kanyang pagiging Guro ang siyang bumuhay sa amin na pilit kong tinatalikuran. Wala naman siyang nagawa, at di na niya ipinilit pa ang mga bagay na yaon.
Sa madaling salita naging Nurse ako. Ewan, di ko alam kung bakit. Kung tutuusin wala naman talaga sa hinagap na magiging Nurse ako. Hindi ko nga nakita ang sarili ko na magtratrabaho sa ospital anupa’t noong bata pa ako’y makita ko lang ang bubong ng aming ospital sa aming bayan ay kinakabahan ako. Mas magiging totoo pa ako sa sarili ko na minsan nakita ko ang sarili ko na isang broadcaster sa TV o sa radyo.
Pero naging Nurse ako…astig no?
Minsan hindi pa rin ako makapaniwala na Nurse nga ako. Kailanman ay hindi na absorb sa utak ko na kailangan kong magpaka Nurse dahil Nurse nga ako.
Pero wala akong pinagsisihan sa landas na tinatahak ko. Marahil noong una naguguluhan ako at hindi ko talaga alam kung anu ang pinasukan ko. Noong nasa College of Nursing ako- isa lang akong regular na estudyante ng Nursing- papasok sa school, makikinig ng lecture, mag re return demo ng nursing skills, mag be bed making, mag be bed bath, gagawa ng Nursing Care Plan mag-duduty at kung anu-anu pang Nursing ek-ek sa eskwelahan at ospital. Isa lang ako sa mga regular na Nursing student na walang passion sa Nursing. Hindi ko nga alam kung paano ko nalampasan ang apat na taon na ganun lang.
Maaaring sasabihin ng iba isa ako sa mga ipokritong Nurse na walang magawa sa buhay at nakikisunod lang sa uso ( na talaga namang nasa tugatog ng kausuhan ang nursing noong panahong iyon). Eh ano ngayon? naging Nurse ako. Yabang lang.
Subalit hindi lang pala nagtatapos sa pagkuha ng lisensya ang pagiging mayabang. Dahil ang totoong kayabangan ay mapapatunayan sa totoong mayabang na mundo…at sa mayabang na mundong ito walang puwang ang isang mayabang Nurse na katulad ko.
Sa totoo lang nagyayabang yabangan lang ako. Kung baga, kailangan ko lang humugot ng positibong bagay sa loob ko para maka survive sa totoong mundo na ginagalawan ng isang Nurse na katulad ko.
Bawal ang mahina…tutumba ka.
Bawal sumuko…paano mo mapapatunayan na worthy ka?
At higit sa lahat bawal panghinaan ng loob anupa’t isa ka sa mga sandalan ng mga taong pinanghihinaan din ng loob.
Nurse ako…para sa mga naging pasyente ko…isa akong Hero.
Yung tipong pag andyan ka parang ang mga bagay na imposible ay posible.
May passion nga ba ako sa Nursing.
Sa totoo lang..OO!
Minsan kasi kailangan kong magsinungaling at maging totoo ako sa sarili ko.
at mahal ko ang karerang tinatahak ko.
Hindi man natupad ang mithiin ng aking ama na maging Teacher ako, natupad naman ang mithiin na aking Ina na maging Nurse ako- na minsan niyang pinangarap sa buhay niya.
Nurse ako.
July 24, 2019
Unang araw ko sa DepEd.
Nanumbalik ang mga alaala sa pamilyar ba lugar na ito. Mga masasayang araw ng high school. Hindi ko lubos maisip na ako ay babalik, hindi bilang isang bisita, ngunit isang ganap na guro.
Marami ang nagtatanong kung bakit ko tinahak ang propesyon ng pagtuturo sa kabila ng ilang taon ko sa propesyon ng pagna-nursing. Subalit pawang ngiti lamang ang aking naisusukli.
Sa buhay ng tao, may mga pagkakataon na hindi mo alam kung saang landas ang iyong patutunguhan. Ang alam ko lang, masaya ako sa aking ginagawa.
Kahit hindi sabihin ng aking ama, masaya din siya sa bagong daan na aking tinatahak.