TINGNAN NATIN | Jex F. Lucero:

NAKARARAMING PINOY ANG SIGAW AY BBM

Sa nakaraang mga survey ng mga presidentiables ng SWS at Publicus Asia ang nanguna ay si Bongbong Marcos (BBM), SWS 47% at sa Publicus Asia 56%. Pangalawa si Leni, 15% at 18%. Wow, pumapangalawa si Leni!!

*****

Sabi ng mga taga-Bicol, landslide ang panalo ni Leni sa Bicol at walang duda yan! Sabi naman ng mga Ilocano, landslide din daw ang panalo ni BBM sa Ilocandia! Tanong: ilang milyon ba botante ng Bicolandia, Region 5? Ilang milyon ba ang mga botante ng Ilocos Region, 1, 2, 3? Masyado tayong dehado, isang region lang tayo!

*****

Kung pagbabasehan ang mga survey, SWS, Publicus Asia at mga kalye survey, lumalabas na pagsama-samahin ang resulta ng lahat na mga kandidato sa pagka-pangulo hindi pa kayang talunin ang rating ni Bonbong Marcos. Kahit isama pa iyong mga undecided. Sa ngayon, ang tandem na BBM-SARA ang pinakamalakas! Masakit man sa kalooban ng may mga sariling tandem pero kitang-kita ang totoong nangyayari sa takbo ng pulitika natin. Ang masakit pa, lumalabas na one-sided ang laban! Ang layo ng diperensiya! Mahirap at masakit aminin pero iyan ang totoo!!!

*****

Pero kung iyan naman ay kung ngayon gagawin ang eleksyon. Malayo pa ang eleksyon at marami pang magaganap na mga pagbabago. Ang dapat gagawin ng mga naghahabol dahil lumalabas na kulang ang mga pagsisikap nila, sige lang ng sige. Malay ninyo, makuha ang laban sa mga pambobola at mga kasinungalingan, di ba? Hangga’t sa maubos ang bigay ng mga sponsors ninyo, sige lang! Pag natalo, hagulgol lahat hangga’t sa bumaha ng luha sa buong bansa! Natural lang yan sa mga talunan, di ba?

*****

Ang inaabangan ng mga kalaban ng nangungunang kandidatong pangulo na si BBM ay ang resulta ng disqualification case na dinidinig ngayon sa Comelec? Pag ma-disqualified nga naman si BBM, malaki ang tsansa ng mga nasa pangalawa, pangatlo at maging iyong sa panghuli dahil labu-labo na ang labanan. Pero ang tanong madidisqualify nga ba si BBM? Kung ako ang tatanungin, malaking YES ang sagot ko! Iyon ang nasa dasal at sa panaginip nila Isko, Manny, Leni, at Ping! Iba naman ang nasa isip ko, hindi katulad ng dasal at pangarap ng apat na mga ambisyoso!

*****

Pababa nang pababa ang Alert level ng Covid-19 sa buong bansa, maging dito sa ating probinsiya. Kita nyo, kaya din naman pala nating gawin ang sumunod sa mga bagay na dapat sudin kung gusto natin? Ang hirap sa atin kung hindi tayo babrasuhin, hindi tayo kikilos. At lalo kung hindi muna tatamaan tayo mismo at mga kasama sa pamilya. Ngayon meron na namang umaastang sakit na sabi nga nila mas matindi at mas mabilis makahawa (Omicron) at meron ng may mga tama sa Amerika at ilang bansa sa Europa lalo sa mismong pinagmulan ng Omicron variant na South Africa. Ingat lang po tayo!

*****

Ang nangyayari naman sa ilang bansa sa Europa ay kakaiba. Doon ang mga tao ay gumagawa ng mga pagpoprotesta laban sa kanilang gobyerno. Ayaw na nila ng mga lockdown, ng mga paghihigpit sa kanilang mga kilos at iba pang mga protocols na ipinatutupad ng gobyerno para makaiwas sa sakit. Gusto yata ng mga taga-Europe mga tao na ang susundin at hindi na ang gobyerno? Iba naman ang trip nila!

*****

Ang sabi ang nagpatalsik daw kay Marcos,Sr. ay ang Amerika sa pamamagitan ng CIA. At ito ay ginawa rin kay Noriega ng South Amerika, CIA rin. Ginawa rin ito sa Iraq, pinabagsak si Sadam at buong mag-anak nila at mga kakampi sa paratang na ito ay may itinatagong weapons of mass destruction at later wala naman itong katotohanan pala at ayon sa ulat gawa din ito ng CIA. Ginawa rin ito kay Qadaffi ng Libya; bagsak ang rehimen ni Qadaffi at ubos pamilya ni Qadaffi pati mga kaaiyado niya, ang may gawa CIA rin. Pinaandaran din ang Syria, hindi umubra ang CIA dahil nakialam ang Russia. Sinubukan din ang Pinas sa pangunguna ng mga senador sa Senado ng Amerika, hindi umubra kay Duterte ang angas ng Amerika. Nilaro sila ni Duterte, kumapit ito ng husto sa China, nakipagkaibigan sa bansang Russia at iba pang kaibigang bansa tulad ng Jordan, Israel at iba pang bansa sabay sa bantang termination of Visiting Forces Agreement (VFA). Ngayon ang Biden government lumambot sa foreign policy ni Duterte. Sabi ni Duterte kaalyado ng Pinas ang Amerika pero ang ibinibigay na mga armas pandigma iyong mga gamit pa sa pangalawang digmaang pandaigdig. Saan ka nga naman nakakita ng ganun? Pinagbayad ni Duterte ang Amerika sa paggamit ng Pinas sa mga war exercises. Natuto ang Amerika, nagpadala ng mga makabagong armas sa Piliponas at marami pang dadating. Ganyan kagaling si PRRD makipaglaro sa mga bigating bansa. Sino ang presidenteng nakagawa niyan? Ikaw, Isko, Nanay, pambansang kamao, Pingpong, kaya ba ninyo ginawa ni PRRD? Ikaw, BBM kaya mo ba yon? Sana kaya mo rin dahil ikaw ang pinaka-magaling maglaro sa larangan ng pulitika! Ikaw ang nakita kong may pinaka-mahinahong ulo sa panahon ng kailangan ng hinahon ng isang taong ginigipit, sinasakal, nilalait, binabastos, tinatapaktapakan, ginagawang kawatan, at iba pang mga paghamak sa iyong pagkatao ay kalmado ka lang! Sana ang iba pang mga kandidato ay katulad mo! Iyan marahil ang pangunahing rason kung bakit ang nakararaming Filipino ang sigaw ay BBM!!!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: