TINGNAN NATIN:

SENTRO NG COVID-19 DELTA VARIANT ANG INDONESIA

Ang sentro ngayon ng Covid-19 ay ang bansang Indonesia. Isang kapitbansa natin dito sa Southeast Asia at malapit na malapit sa bansa natin. Nakaka-alarma at nakakatakot! Katunayan, sa maniwala kayo sa hindi, napakaraming mga Indonesians sa Mindanao. Alam ko iyan dahil tumira ako ng may apat na taon sa nasabing lugar. At sa maniwala kayo sa hindi, ang mga Filipino at Indonesians ay halos walang pinagkaiba. Para talagang mga Pinoy ang mga Indons. PaIibhasa kalapit-bansa lang natin. Pero nakakalungkot ang nangyayari sa kanila ngayon. Araw-araw ay may sumusundong ambulansiya sa mga bahay-bahay. Hindi mga pasyente ang mga sinusundo kundi mga patay para dalhin sa mga libingan tulad ng mga nangyayari noon sa Italy, Brazil, India at maging sa Amerika noon at ngayon nga dito na sa Indonesia. Ang sabi ng gobyerno ng Indonesia, naging matindi ang tama sa bansa nila ng Covid dahil napakarami pang hindi nababakunahan at dahil sa mass gatherings lalo at katatapos pa lang ng Ramadan at iba pang pagsunod sa relihiyon nila. Pero ang talagang dahilan kaya marami ang tinamaan ng Covid ay ang pagdami ng Delta variant na kasalukuyang ngayong rumaragasa sa nasabing bansa.

******

Ang ibang bansa na ang mga tao ay sobrang titigas ng ulo tulad ng India, Brazil, Italy at Amerika noon, maging ng Pakistan, Afghanistan at ibang bansa sa Africa, puwera ang mayayamang bansa, tiyak na hindi sila sasantuhin ng Delta variant. Lalong hindi tayo makaliligtas sa mga sakit na ito kung hindi tayo susunod sa mga ipinapayo sa atin ng gobyerno. Walang dudang magkakaubusan tayo kung pagiging mga pilosopo natin ang ating paiiralin! Sigurado iyan! Kaya mga orag-oragon sige sana ang kaoragan nindo ta maabot saindo ang hanap nindo! Pagkatapos na tinamaan kayo ng sakit, sisihin ninyo ang mga nasa gobyerno na lahat-lahat ay ginagawa naman nila! Sisisihin ninyo si Duterte at mga frontliners, samantalang tayong mga tigas-ulo ang may kagagawan ng lahat. Sana matuto tayong susunod sa kung ano mga sinasabi ng mga nakakaintindi laban sa Delta variant o sa Covid-19. Ngayon dalawa pagpipilian natin, susunod ba tayo sa gobyerno o susunod tayo sa mga nauna na sa atin papuntang langit/impiyerno? Libre na ako dahil bakunado na ako ng Pfizer at, sabi ni San Pedro, burado na pangalan ko sa listahan!

*******

Lumabas ang survey ng Publicus Asia at tungkol ito sa “Trust and Approval Ratings” ni Pangulong Duterte. At dito ay napatunayang ang pinagkakatiwalaan at gusto ng mga Filipino ay si PRRD pa rin. Trust and approval rating 88% at 88% at si VP Leni, lagapak na naman! Kahit anong pagpupumilit ng kampo ng kababayan nating si Trillanes, wala at talagang hindi gusto ng mga kababayan natin ang ating kababayan bise presidente.

*******

Naungkat ng mga LGBT (mga bakla at mga tomboy) ang komentaryo noon ni Manny Pacquiao ang tungkol sa sinabi niyang mabuti pa raw ang mga hayop at nakakakilala ng kapuwa nila hayop. Galit na galit ang mga LGBT at isinusumpa nilang ikakampanya nilang huwag iboboto itong si Pacquiao kahit anong kandidatuhan nito. Ang patama kasi ni Pacquiao ay sa mga LGBT na pumapatol sa kapuwa nila lalaki at mga babae na pumapatol sa kapuwa nila babae. Labag daw ito sa relihiyon na kung saan kaanib si Pacquiao. Matatandaan nating maging iyong sikat na wrestler na si Batista na tagahanga pa mandin ni Pacquiao ay nagalit ito sa tinuran ni Pacquiao dahil ang kanya raw ina ay isa ring LGBT. Dumadami ang kalaban ni Pacquiao dahil sa ambisyon niyang maging presidente! AB-POL. Sci. Sa UMAK tatlong buwan lang graduate agad! Nakakabaliw!

*******

Kandidatong presidente at bise presidente sina Sen. Lacson at Sen. Sotto at tinagurian ito ng mga netizen na PI-SOT. Iyong PI stands for Ping at iyong SOT stands for Sotto kaya naging PISOT! Ay pisot! Ang sagwa, ano? Sa Bisaya ang ibig sabihin ng pisot ay hindi pa binyagan. Sa atin ang pisot ay hindi ko alam baka magprotesta na naman diyan iyong mga banal na aso! Ako sa tingin ko, hinding hindi na kakandidato si PRRD at ang malamang na magtatandem ay si Sarà Duterte at Bongbong Marcos. Puwede rin ang Robredo at Poe, Mahirap magsama ang Pacquiao-Moreno dahil parehong ambisyoso at parehong mataas ang lipad ng saranggola ni Pepe! Gusto ni Pakyaw presidente, gusto naman ni Moreno presidente, kaya mahirap masyadong mga matataas ang lipad!

******

Umatake raw iyong aswang noong kalakasan ng ulan. May isa raw babae ang tinangay ng aswang sa itaas. Napakalayo daw ng pinagdalahan ng aswang. Hinabol daw ito ng isang lalaki at sa kamalasang palad hindi raw ito naabutan. Makaraan ang tatlong araw nakauwi na ang babae at ito ay mamamatay na. Ang ginawa daw mg lalaki ay kinatay na lang iyong babaeng tinangay ng aswang at ginawang pulutan! Babaeng pato pala akala ko tao!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: