ni: Jex F. Lucero
Sa ibang probinsiya ang binibigyang prayoridad ay ang problema sa pandemic o itong COVID-19. Lahat ng probinsiya sa buong Pilipinas ang priority nila ay ang sakit na COVID. Kahit saan maging sa buong mundo, nakatutok ang atensyon nila sa paglaban sa pandemya. Seryoso lahat ang pakikipaglaban maging pambansang pamahalaan ay tutok na tutok at walang puknat ang ibinibigay na serbisyo. Sukdulang magkalubog-lubog sa utang ang buong bansa malabanan lang ang demonyong sakit na COVID. Na hanggang ngayon ay hindi pa lumalayas.
*******
Pero dito sa atin iba ang kaisipan ng. mga opisyal ng gobyerno natin? Kamakailan isang mayor ang nagsabing wala raw gustong tumanggap ng isang COVID patient. Pero di nagtagal, naayos na rin daw. Makaraan ang ilang araw iyong tatlong nababalitang nagposibo ay naging apat na at ito ay may posibilidad na maging lima, sampu, kinse hanggang maging beinte lalo at nag-uuwian na mga OFW. Hindi naman natin ginugusto na mangyari ang ganito sa atin. Pero kaya ba nating pigilan ang sakit na ito? Walang makapagsasabi kung ilang bilang ang aabutin o ang tatamaan ng COVID pero sa buong mundo ang trend sa pagdami ng sakit ay pataas at hindi pababa. Iyan ang dapat nating paghandaan.
*******
Ang tanong: handa ba ang probinsiya natin kung sakaling umabot sa bilang ng sampu, kinse, beinte o higit pa ang magpositibo sa ating mga kababayan? May sapat na pondo ba ang probinsiya natin sakaling umabot sa sukdulan ang pakikipaglaban natin sa COVID? Sapat na ba ang mga pasilidad ng hospital natin para sa mga nagkakasakit kung saka-sakali? Ni wala tayong mapagdadalhan ng mga nagpopositibo at ni wala tayong sapat na mga gamit laban sa nasabing sakit. Hindi ba at iyan ang totoo? Kung bigla sandamukal na tao ang tamaan sa atin, sa palagay ba ninyo madali lang tayo makakakuha ng mga pangangailangan natin? Sa akala ba ninyo makakatakbo lang tayo kaagad sa ibang probinsiya para humingi ng saklolo?
********
Sa labanang ito sabi nga, we are on our own. Papaano kung ang mga inaasahan nating probinsiya halimbawa ay marami ring inaatupag na may sakit papaano na tayo? Wala tayong gamot, walang medical oxygen na numero unong kailangan ng mga may sakit na COVID? Saan tayo kukuha? Tanong: sapat ba ang lahat na pangangailangan ng probinsiya natin sa oras ng mga kagipitan? Maaasahan na ba ang dami ng puwedeng pagdalhan ng mga pasyente kung sakaling dumating ang hindi natin inaasahang dumating? Paalaala lang po sa mga magagaling nating opisyal ng gobyerno natin sa probinsiya, baka magkamali kayo ng hakbang kayo sigurado ko ang mananagot kung saka-sakali. Bakit?
*******
Iyan ang tanong, Bakit? Hindi ba at mas inuuna ninyo ang bumili ng mga gamit sa motorpool ng probinsiya? Mas importante ba iyon kaysa kinakaharap nating problema? Buong mundo sangkot sa problema sa pandemya pero kayo pinagkakabalahan ninyo, iba? Ang gusto ninyong bilihin iyong mga panghukay. Ayos iyong mga panghukay tulad sa bansang Brazil kung saan ang mga patay na inililibing Doon ay maramihan at kinakailangan talaga ang mga panghukay. Ang hinahandaan ba ninyo iyong dami ng puwedeng mamatay dahil sa COVID o ibang COVID. Sa nakita ko, tatlong excavator ang bibilhin ninyo mga panghukay. Ang dami ninyong bibilhin at aabot ng 150 milyong piso ang halaga ng mga nasabing equipment. Ang ipinagtataka ko lang, iyong mga dapat na bibilhin ng probinsiya para sa matinding problema nating kinakaharap ay wala ni isa man lang doon? Ganoon na ba kaimportante ang mga nais ninyong bilihin? Papaano kung lumala ang sitwasyon sa COVID? Magagamit ba iyong mga panghukay na Iyon? Ay oo nga pala panghukay sa paglilibingan ng maraming tinamaan ng COVID. Sorry! Kung sabagay uutang din lang kayo sa LBP. At mamamayan ang magbabayad.
******
Paalaala lang sa mga opisyal ng probinsiya natin baka sa bandang huli sa mga mukha ninyo tatama ang ginagawa ninyo? Kung puwede lang ang pagtuunan ninyo ng seryosong pagpapahalaga ay iyong makakatulong sa mga tao lalo at kalusugan ang nakataya sa digmaang ito. Baka sa bandang huli, lahat ng paninisi ay tumama sa inyo at hindi ninyo makayang lusutan. Alalahanin ninyo kalusugan ng mamamayan ang nakataya kaya beware!