Hindi mo na mahagilap iyong mga matatapang at mayayabang na mga pulitiko ngayon. Nangngulontoy din pala sila pag ang kaharap nilang kalaban ay parang mga Ninja. Pero ito talagang si Manny Pacquiao, kakaiba ang tapang. Iyong ugali niya pag nasa parisukat (ring) ay ganoon din siya kahit ang kalaban ay hindi niya kita. Pero may katapat siya rito sa Catanduanes. Hindi pa bumababa ang direktiba ni Duterte, ginagawa na niya kung ano ang dapat gagawin. Sino ba sa buong Pilipinas ang nakapamigay ng isang sakong bigas sa kanyang mga nasasakupan. Sino???? Ginawa ito ng alkaldeng ito habang ang mga tao sa buong Pilipinas ay nasa mahigpit na pangangailangan dahil lockdown nga sa buong Luzon. Iyan si alkalde Emeterio “Bong” Tarin ng bayan ng Viga dito sa probinsiya ng Catanduanes.
******
Wow!.Nasaan na iyong mga mayayabang at matatabil na mga pulitiko diyan na kung umasta akala mo kung sinong pagkagagaling iyon pala pag nabalitaan ang paglabas ni Corona, bahag ang buntot ng mga inutil. Gayahin ninyo si Mayor Bong Tarin talad na talad ang buong katawan sa kalabang hindi nagpapakita. Kumbaga patay kung patay at bahala na ang nasa itaas. Iyan ang totoong tao. Hindi katulad ng iba diyan na hanggang blah…blah..talsik laway, yabang ditto, yabang kahit saan. Ito ang panahon kung hanggang saan talaga ang klase ng isang pulitikong ang pagmumukha bukod sa katulad sa mumurahing plastik ay toilet paper pa. Come on, mga mayayabang at matatabil na mga pulitiko, ipakita ninyo ang galing ninyo! Ito ang panahon para mapatunayan ninyo sa inyong mga nasasakupan na mga oragon kamo na bako sana kamong mga hambugon.
******
Habang sa buong Pilipinas ang mga taga-LGU ay nagrerepack ng ipamimigay nilang bigas, si Mayor Bong Tarin ay tapos nang mamahagi at kasalukuyan ng pinagsasalu-saluhan ng mga mahihirap at maging ng mga nakaririwasa ang tig-iisang sakong bigas na ipinamigay niya bawat pamilya. Kung hindi ako nagkakamali, walang pamilyang hindi binigyan ang LGU ng Viga. Tanong ko lang kung nagawa ng LGU ng Viga ang mamigay ng tig-isang sakong bigas sa bawat pamilya, bakit hindi ito magawa ng taga ibang bayan? Hindi natin alam ang dahilan nila. Basta ang masasabi natin ay ang galing galing mo, Mayor Tarin!
*****
Bakit daw sa Catanduanes State University (CSU) ay para daw bale wala iyong direktiba ni Pangulong Duterte kung saan concerned dito ang mga empleyado na dapat ay bawal ang lahat ng empleyado pumasok maliban sa mga itinalagang skeletal force. Diyan daw sa CSU, tila lahat daw ng empleyado ay skeletal force. Bawal yan at dapat may mananagot diyan sa hindi pagsunod sa ipinatutupad ng gobyerno. O baka naman sinisipag lang talaga mga empleyado o baka naman merong mga gustong magpakitang gilas at patunayang hindi siya tinatablan ni COVID-19. Sabi sa direktiba ng gobyerno, skeletal force. Kung merong nag-utos galing sa mga nakakataas, may problema siya lalo at marami kayo diyan sa CSU. Delikado ang panahon at pag may tinamaan sa inyo dahil sa tigas ng ulo ninyo, bahala kayo sa buhay ninyo.
******
Ito ang panahon kung saan ay nakararanas ang isang tao ng pagkabagot, pagkainip, pagkabuwisit, at pagkaturete lalo nang ikaw ay sanay sa buhay na tingin sa bawat lugar matao man hindi ay masaya ka. Pero kung sa loob ng halos isang buwan, ang tanging nakikita mo ay ang apat na sulok ng dingding ng kuwarta mo at hindi ka makalabas dahil may nag-aabang sa iyong veerus sabi nga ni Duterte, tiyak yan patay kang bata ka. Napakahirap ng buhay! Para kang nabibilang sa mga bilanggo sa isang kulungan. Kahit mayaman ka o ano ka pa, para ka ring bilanggo dahil takot ka ki COVID-19. Dito ipinaranas ng Diyos sa lahat na ang tao mayaman man o mahirap ay pantay-pantay. Na lahat tayo ay kayang tepokin ni COVID-19 anumang oras na nagkamali tayo.