ANG MGA PASUGAL SA LAMAY

ni Jex F. Lucero

Pag sinabing lamay, simple lang ang ibig sabihin niyan at iyan ay tungkol sa isang yumao o may namatay. Ito ay karaniwang inaabot ng isang linggo o mahigit pa lalo kung may mga hinihintay pang mga kamag-anak na nanggaling sa malalayong lugar. Pero may mga kulturang o kaugalian ang mga kababayan natin sa panahon ng paglalamay sa ating mga yumao o mga patay. Ito ay ang pagpapa-sugal habang nagkakaroon ng paglalamay. Talamak ito at talagang ipinagdiriwang ito ng mga sugarol kung saan ay mababalitaan mo sa mga sugarol na nagkakaroon ng mga natalo ng sampung libo at umaabot hanggang singkuwenta mil o higit pa ang mga big-time na mga manunugal. Pangkaraniwan na ito sa atin at tila hindi na kayang pigilan na marahil maliban lang kung magkakaroon ng batas o isang ordinansa na ipatutupad laban sa pagsusugal sa panahon ng mga lamay..

******

Hindi ko alam kung may ganitong ordinansa nang ipinasa sa labing-isang munisipyo. Ang karaniwang sugal na nilalaro sa mga lamay ay tong-its, mahjong, lucky nine, blackjack, at iba pang mga sugal. Ang hindi ko mawari ay ang katotohanang pinahihintulutan ito ng mga namatayan. Hindi lahat siyempre. Pero sa totoo lang karamihan lalo sa pamilya ng mga naghihikahos Sabi nakakatulong daw ang ganito sa namatayan dahil ang ‘tong’ kung tawagin nila ay ibinibili ng mga pagkain o mga snacks sa mga nakikilamay at iba pang mga gastusin sa namatayan. Tila may punto sa ganoong parte lalo sa mga naghihirap o mga naghihikahos para lang mairaos ang nakaugaliang paglalamay na minsan inaabot ng isang linggo. Ang tanong: hindi ba bawal ang mga nabanggit kung mga klase ng sugal?

******

Hindi kaya sa palagay ninyo ay parang nawawala ang respeto o pagbibigay galang sa yumao o namatay? Isipin na lang natin na sa mismong lugar kung saan nakaburol ang isang namayapa ay nagkakaroon ng mga nagsusugal na ang iingay at minsan nagbubugbugan pa dahil nagkaroon ng hindi pagkakintindihan ng mga sugarol. Siguro kung magagawa lang gumawa ng pagsasanay ang patay ay babangon at sisigaw ng tumigil kayong mga maiingay kayo. O di kaya sasabihin sa mga kamag-anak ng namatayan na patigilin ang sugal dahil sobrang ingay at gugulo ninyo? Karamihan sa atin ay mga Katoliko o sabihin nating kahit ano pang relihiyon meron tayo, dapat ang respeto o paggalang sa yumao ay ibinibigay natin. At sa tingin ko ang pagkakaroon ng mga pagsusugal sa panahon ng paglalamay o ika nga pagluluksa sa namayapa ay isang masamang naging kaugalian nating mga Pilipino. Para sa akin ito ay kawalang respeto sa isang namayapa. Dapat ay ipagbawal ito at gawing iligal ang pagpapa sugal sa mga mayroong patay.

******

Kung ang sugal sa mga lamay ay meron na tayong ordinansa rito, salamat. Kung wala pa, pakiusap naman konting respeto sa mga namamahinga na. Kamakailan sa Manila maraming nahuling mga nagsusugal sa isang lamay dahil may ordinansa o batas sa kanila na bawal ang pagsusugal sa mga lamayan. Mahigpit ang pagpapatupad ni Yorme Isko Moreno sa siyudad ng Manila. Bukod sa nakakawalang paggalang sa mga yumao, ito ay ginagawang hanapbuhay ng mga sugarol at ito ay pinagkakakitaan ng mga sindikato tulad ng pinahahalaba ang araw ng pagpapalibing ng patay para kumita pa sa sugal.(Napanood ko ito sa isang pelikula). At naniniwala ako sa husay ng mga Pilipino pagdating sa kawalanghiyaan kung saan pati mga patay pinagkakakitaan. Dapat ang mga sugarol na ito sa mga lamayan ang siyang pinaglalamayan. Mga wala kayong respeto sa mga namayapa na dapat binibigyan ng malaking paggalang sa huling pananatili nila sa ating mundo. Tunungon na tabi ang pasugal sa mga may gadan. Itao ta tabi ang dakulang respeto sa sainda.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Discover more from Catanduanes Tribune

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading