ni Jex F. Lucero
Ang pinakamalaking isyu ngayon ay ang tungkol sa novel corona virus na ngayon ay pinaikli na ang pangalan at ginawa nang COVID-19. Medyo nakakatakot na ang sakit na ito at marami na ang namamatay sa Hubei, sa China at umaabot na ito ng halos 1,600 at dumadami pa. Ang masama, hindi lang China ang tinatamaan kundi maging ibang bansa. Mabuti na lang dito sa atin at mahusay ang pamamalakad ng mga taga-DOH sa kabila ng pambabatikos ng mga nagpapapansin na mga pulitikong KSP. Paalaala pa rin ng mga taga-DOH na doble ingat pa rin tayo lalo ang sakit na ito ay nakakahawa. Tulad din daw ang sakit na ito ng mga pulitikong magnanakaw na nakakahawa kaya lalong dumadami ang magnanakaw sa ating gobyerno. Nakaw pa more at mismong si Duterte ay umaming hindi niya kayang sawatain ang korapsyon sa ating gobyerno.
******
Marami ang sinususpinde ngayon ang ating gobyerno tulad ng mga laro at maging mga paglalakbay sa ibang bansa. Ginagawa ito ng gobyerno natin para makaiwas sa sakit na Covid-19. Ang payo ng mga taga-DOH iwasan ang pagpunta sa maraming mga tao o pakikisalamuha dito. Pero ang sabungan dito sa atin ay buwelong-buwelo sila. Wala silang pakialam sa Covid-19, ang sa kanila kinse-beinte, ponggo singko, siyete diyes at meron at wala wala. Hindi nila alam na sa pakisalamuha nila sa mga walang paligo at kapustahan sa sabungan ay napakabilis ng hawa-hawa ng kung anong uri ng sakit. Pero hindi ito nakikita ng mga nasa gobyerno natin. Tuloy ang salpukan ng mga manok. Pero iyong mga larong volleyball at basketball sa UAAP bawal. Samantalang mas grabe ang hawaan sa sabungan? Bawal ang mga laro pero ang pagpasok sa eskuwela hindi bawal? Samantalang ayon sa DOH iwasan ang makihalubilo, huwag pupunta sa lugar na maraming tao, kaya dapat suspindihin na hangga’t maaga ang mga klase sa eskuwela. Iyon ngang pag-umuulan suspendido ang klase, ito pa kayang may kumakalat na nakahahawa at nakamamatay na sakit?
******
Ang isa pang isyung pinagkakaguluhan ngayon sa Kongreso ng mga sumisipsip sa isang TV network na mga kongresista ay ang pag-renew ng prangkisa ng ABS-CBN. Nakatakdang mag-expire ang prangkisa ng nasabing TV network sa March 30, 2020. Si Cong Lito Atienza ang atat na atat na gusto at agad-agad ay talakayin na sa Kongreso ang nasabing isyu gayong may isinampang quo warranto ang Solgen sa Supreme Court. Atat na atat dahil iyong anak niyang si Kim ay empleyado ng ABS. Maliwanag ang dahilan! Pero sabi naman ni Speaker Cayetano pwede naman daw mag-on the air ang ABS kahit mag-expire pa ang prangkisa nito. Ang dapat daw unahin sa Kongreso ay iyong tungkol sa Covid-19, iyong sa Taal Volcano at iba pa. Bakit nga naman pinagmamadali ng mga lukotoy sa Kongreso ang prangkisa ng ABS? Alin ang mas importante ang prangkisa ng ABS o ang kumakalat na sakit sa buong mundo, ang problema sa Taal Volcano at ang sunod-sunod na pag lindol? Sa mga may interes sa nasabing network na nakikinabang dito lalo malapit na ang 2022, mas makalaya nga ang ABS. Mga sipsip!
******
Pagsikil daw sa press freedom kung hindi makapag-renew ng prangkisa ang ABS? Aw iyo daw? Sabi ni Duterte may mga kaso ang nasabing network tulad ng swindling laban sa kanya (Duterte). Ayon sa pangulo, nagbayad siya ng dalawang milyon sa ABS noong nakaraang eleksyon pero hindi ito lumabas sa halip ang inilabas ay iyong sa mga kinikilingan at pinapaboran ng nasabing network. Iyon ay simpleng kaso ng estafa at paniniil sa sinasabing press freedom. May mga ilan pang mga senador ang nabiktima ng ABS tulad ni Escudero at Cayetano. Press freedom ba ang tawag diyan na supilin mo ang mga hindi mo pinapaboran at hindi mo kinikilingan? Sino ngayon ang manunupil at maniniil? Ang ABS o ang mga na estafa na mismong si Duterte? At isa pa sinasabi rin ng mismong si Duterte na may utang na 1.6 bilyong piso itong ABS sa DBP at ito ay matagal na at hanggang ngayon ay hindi nababayaran? Ano ba iyon, libre? Iyong mahihirap hindi nililibre, tapos itong ABS na saksakan ng yaman ang mga Lopez libre sa utang at wala ng bayaran? Iyan ang press freedom! Makayamyam sana!
******
Nadagdagan na naman ang kasong tutulugan ng mahimbing ng mga pulis natin. Remember the case of Larry Que na hanggang ngayon ay unsolved case pa rin? Ngayon ito na naman ang kaso ng mga Besa na tulad ng kay Larry Que ay hindi alam ng mga pulis kung sino ang mga culprit o may gawa ng mga krimen. Pag ganito ng ganito ang sitwasyon sa atin kailangan ay maging maingat ang bawat isa sa atin at huwag masyadong aasa na mapoprotektahan tayo ng mga otoridad. Huwag tayong aasa masyado sa kanila dahil ang totoo sarili nila mismo ay hindi nila maprotektahan. Ilang pulis na ang itinumba sa atin pero wala ring kalutasan ang kaso nila? Anong ibig sabihin niyan? Simple di ba na hindi kaya ng mga pulis natin na protektahan at pangalagaan ang kaayusan at katahimikan ng ating probinsiya. Ganun lang ibig sabihin n’yon!