VIWAD VS. SP

Hindi magastos ang labanan sa mga kakandidatong gobernador at bise gobernador sa ating probinsiya. Kung tutuusin nga sabi ng isang pulitiko ay parang mga wala silang kalaban. Kaya iyong mga linta sa ilog ay wala silang malaking kikitain!


Ang tila mahigpit ang banggaan ay sa mga kandidato sa pagka-kongresman. Dalawang kandidato diyan ang puwedeng mambabato ng pera tulad ng ginagawa ni Manny Pacquiao na nambabato ng pera ng ito ay nasa Cebu pero pagdating sa mga survey kulelat! Dito sa atin, isa sa tatlong kandidato sa pagka-kongresman ang gagawa ng malaking milagro!


Sinampahan na raw ng kasong disqualification ang nangunguna sa lahat na klase ng survey sa buong bansa, mapa-online survey, Publicus Asia survey, at ang pinaka-popular sa lahat na kalye survey na si Bongbong Marcos. Ang kandidato sa pagka-pangulo ay ni hindi man lang daw siya kinakabahan sa kasong tax evasion na ito. Hindi naman daw siya pasok sa mga sinasabi ng mga kalaban niya dahil ang naging hatol lang naman daw sa kanya ng Court of Appeals ng iapela niya ito ay multa (fine) lamang. Pakulo lamang daw ito ng mga kalaban na mga nagpa-panic na dahil lalo itong nagugustuhan at minamahal ng mga tao habang nilalaiit, tinatapaktapakan, inaaglahi, sinisiraan, binabastos at sinasalaula! Kaya hangad ng mga Maka-Marcos na ipagpatuloy lang ng mga kumakalaban kay BongBong Marcos na siraan lang nila ito nang siraan. Pabor daw ito kay BongBong!


Akala ko, ako lang ang nababagalan sa takbo ng mga pagbabakuna. Iyon pala mismong si PRRD nababagalan sa mga pagbabakunang ginagawa ng mga dapat gumawa. Sobra-sobra na ang bakunang dumadating sa bansa pero dito sa atin ni hindi pa yata nangangalahati ang pagbabakuna sa mga taga-Catanduanes? Anyare? Sa ibang lugar ang pinagkakaabalahan na ay ang pagbabakuna sa mga edad 12-17 at ang tungkol sa booster shot. Sa atin ano, dati pa rin?Ang labas nito, marami ang mamamasko sa mga isolation center. Mga tigas ulo, pabakuna na kayo! Pag namatay kayo, hindi na kayo muling mabubuhay! Wala na ngayong milagro. Sabi ni Nora Aunor walang himala! Ang milagro ngayon ay sa pelikula na lamang at sa panaginip!


Itong mga matitigas ang ulong mga tao na hindi naniniwala sa bakuna at Covid-19 sa maniwala kayo sa hindi kaya nila ginagawa ang katigasan ng ulo nila dahil hindi pa sila tinatamaan. Pero maniwala kayo sa hindi, pag tinamaan iyang mga iyan, tiyak na lahat ng santo tatawagin nila! Pati iyong mga santo ng mga adik, santo ng mga holdaper, santo ng mga korap kung meron mang mga santong ganito, tiyak yan makikiusap sila na pagalingin na sila at susunod na sila sa mga sinasabi ng mga kinauukulan. Pero huli na, malala na tama nila! Sige lang kayo!


Banggaang Viwad vs Sangguniang Panlalawigan. Ang sabi ng SP, legal ang ginawa nila at ito ay naaayon sa batas. Ang sabi ng Viwad, tama naaayon ito sa batas pero ang hinihingi nila ay ang tulong na kung pupuwede huwag muna itong ipatupad dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng mga kalamidad at itong ngang pandemya. Nagkasagutan at tiyak iyan nagkaroon ng matinding pagsasaliksik ang magkabilang panig. Maganda ang sagutan at napasama nga ako at nakisawsaw. Parehong may katuwiran at matindi ang mga pangangatuwiran ng magkabilang panig. Sabi ko nga, sigurado akong nagamit ng husto si SCRA, si Google at iba pang mga aklat tungkol sa taxation. Tindi ng bakbakan! Pero ang akin ay ito lang: ano mang bagay na ginawa mo kung gusto mong ipatigil ito, magagawan mo ng solusyon kung gusto mo! Pero kung ayaw mo, napakaraming puwede mong idahilan, lalo ang ipinaglalaban mo at basehan mo ay naaayon sa batas. Kaya sa labanang Viwad vs. SP na ayaw sa pakiusap ni GM ng Viwad, dapat tuldukan na iyan. Sabi ng SP, wala silang kapangyarihan para gawin ang gustong mangyari ng Viwad. Ang kanilang armas ang ginawa nila ay naaayon sa batas (pero ang totoo may magagawa sila kung gugustuhin nila)? Hindi naman nila sinasabing hindi sila magbabayad kundi ang kanila ay ipagpaliban muna dahil nga sa mga hindi inaaasahang mga pangyayari. Pero umabot na sa sukdulan ang bangayan kaya nagpataasan na ng ihi ang magkabilang panig. Wala nang kahihinatnan ang isyung iyan. Pero kung magpupumilit ang bawat isa, napakarami pang ibang pamamaraan para ipagpatuloy ang banggaan? Pero saan ito hahantong? Iyong SP nakakapit sa kung ano isinasaad ng batas. Ang Viwad, may mga sinasabi rin tungkol sa batas sa taxation? Saan nga ito hahantong???? Samaan ng loob! Sino kawawa? Siyempre iyong humingi ng pabor na hindi pinagbigyan lalo at malaki babayaran sa buwis. Sabi sa isang pelikula, hindi pa tapos ang laban!


Ito po ang ilan sa mga kandidato: Governor: Joseph Cua, Vice Governor: Peter “Bos Te” Cua, Congressman: Cesar V. Sarmiento,
Sangguniang Panlalawigan-West District: Atty. Fred Gianan, Jr., Doc Zafe, Sonny Francisco, Jan Alberto, at Innah Popa. East District: Obet Fernandez, Gil Templonuevo, Jr.
For Kagawad-Virac, Rosie Panti Olarte, Arman Zafe, Cesar Angeles, Hernandez “Idol” Sarmiento, Anthony Arcilla.
For Kagawad – Pandan, Salvador Isorena, For Vice Mayor, Lino Trinidad
For Vice Mayor-San Miguel Alexander Teves.


Sabi ng isang Pastor, wala naman daw problema kung ang maging presidente ng Pinas ay nanggaling sa kahit anupamang relihiyon. Kahit pa raw ito ay maging sa Iglesia ni Chiquito. Basta ang importante raw ay gagawing maaayos ang panunungkulan niya bilang pangulo. Tama naman di ba? Ang malaking problema lang sa sinabi ng Pastor ay wala namang Iglesia ni Chiquito? Ang alam kong meron ay Iglesia ni Kolakog!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: