COVID-19 ENDEMIC NA

PULIKAT – Pinulikat daw ang dalawang hita ni Pacquiao kaya daw natalo ito kay Ugas sa nakaraang laban nila sa Las Vegas. Ayon sa trainer ni Pacquiao na si Boboy Fernandez, first round pa lang daw ng laban ay hindi na nito maigalaw nang mabuti ang legs at nang umabot ng second round ay umabot na raw ang pananakit nito hanggang sa hita ng dalawang paa. Sa mga atleta, talagang nangyayari ito at ang tawag nila rito ay athlete’s cramp.
Noong matalo si Pacquiao kay Mayweather, ang dahilan niya iyong pilay sa kaliwang balikat niya. Pag natatalo siya, palaging may dahilan bakit siya natalo? Sana sa susunod wala nang maraming sinasabi, kung talo, talo!
Pero tila naa-adik na talaga sa boksing ang idol natin at gustong bumawi kay Ugas. Ayon sa mga sabi-sabi, siya (Pacquiao) lang daw ang makapagsasabing tapos na ang boksing sa kanya? Oo nga naman dahil siya lang nakakaalam ng buhay niya!


SAMPUNG MILYONG ISKUWATER – Tuloy daw ang pagsabak ni Pacquiao sa pagka-presidente ng bansang Pinas. Pag nanalo si Pacquiao, ngayon lang magkakaroon ng pangulo ang Pilipinas na ang kursong AB PolSci ay kinuha lang sa kolehiyo ng tatlong buwan sa University of Makati (UMAK)? At isa pang pinagduduldulan ni Pacquiao na pag naging pangulo siya, mawawala daw ang mga iskuwater sa buong bansa na umaabot sa sampung milyon (10 milyon). Hesus Mariang Garapon, sampung milyong iskuwater??? Baka ibig sabihin ni Paquiao 20 anyos siya sa puwesto niya bilang presidente kung sakali ay nakakaisang milyon pa lang na bahay naipapagawa niya? Sabagay libre mangarap! Tutal libre kaya pag ako naman ang naging presidente ng Pinas, ang sampung milyong iskuwater sa Pilipinas ipagagawa ko ng tig-iisang mansiyon! Kung harambugan ang gusto nindo, sige tigsararong mansiyon ang sampulong milyon na iskuwater sa bilog na Pilipinas! Biyo-biyo na ang harambugan, ang problema sa kuryente sa Catanduanes pagibuhan ta kamo ning sampulong submarine cable. Igua sa itaas flying submarine na dae ko isi kung egwa kaan? Boda submarine cable na puro kabubuwaan! Boda nganing dae ng problema ang tubig sa Viwad, palaugon ta ang tubig ning dagat ipa-convert ta para maging mineral water. Sampulong milyon na iskuwater tatawan ning libreng harong? Ibang klase man kung maghambog si Manny, ano?


FIRST TIME – Ngayon lang ito nangyari sa Pinas at sa admin pa ni Duterte. SEA games overall champion ang Pilipinas. First time! Isang Olympic gold medal, dalawang silver at isang bronze! First time! Iyong si Onyok Velasco na pinangakuan lamang ng isang pulitiko binigyan ni Duterte! First time din sa kasasayan ng sport sa Pinas! First time din na ang Amerika ay hindi napapayuko ang gobyerno ng Pilipinas sa mga kalechehan nila! Sa halip, ang gobyerno ng Amerika ang nakikiusap na huwag iterminate ang VFA? Pero mag-donate naman kayo ng vaccine ani, Duterte at agad-agad tatlong milyong Moderna vaccine binigay ng Amerika. At hindi lang iyan, ang gobyerno ng China nagdonate pa rin ng Sinovac. Ganyan ang administrasyong ito, lahat kaibigan, walang kaaway.
Ngayon din lang ito nangyari na ang Commission on Audit (COA) na tagasilip ng mga ginagastos ng gobyerno ay siya namang ngayong sinisilip sa mga kabulastugan nila. Na nakikita nila iyong mga mali kuno ng ibang ahensiya ng gobyerno pero iyong mga kalokohan nila hindi kasama sa ina-audit nila. Na sila lang ang hindi gumagawa ng mali at sila lang ang tama. First time din ito sa kasalukuyang admin.
At first time din sa kasaysayan ng eleksyon sa ating bansa na ang kandidato ng mga kritiko ni Duterte sa posisyong senador ay ni isa walang nanalo na lahat na kandidato ng oposiyon ay nilampaso at sabi nga nila lahat ay na-shoot sa inidoro! At first time din na magkakaroon ng subway train sa Pinas. At first time din na matatapos ang ilang dekada ng problema sa traffic sa Edsa dahil sa Skyway stage 3. First time din na ang pangit na Boracay noon na napakasikip ng mga kalsada ay malinis na at maganda na ngayon. At first time din na ang maruming Manila Bay ay napakalinis at napakaganda na ngayon. At first time din na nagkaroon ang Catanduanes ng kongresman na kasing sipag ni Cong. Cesar V. Sarmiento na si Cong. Jose Bong Joson Teves, ng TGP, Partylist. Gusto yatang pantayan ni Cong. Bong Teves ang napakaraming accomplisments ni Cong. Cesar V. Sarmiento.


COVID 19 ENDEMiC NA – Ayon sa mga eksperto ang Covid-19 ay magiging endemic na raw na sakit ito. Na ang ibig sabihin hindi na ito mawawala na kumbaga habang tayo ay nabubuhay ay kaakibat na natin ito. Kaya’t ang tanging pinakamabisang panlaban dito ay walang iba kundi bakuna. Sa ngayon kasi kaya hindi pa mawala-wala ang natatamaan ng sakit na ito ay dahil sa marami pa ang hindi pa nababakunahan. Marami pa ang nag-aalangan, nangangamba, natatakot o nagtitigas-tigasan. Doon sa mga umaasang mawawala pa ang sakit na ito, good luck na lang! Iyong iba nga, gusto may booster shot pa. Para tayong manok na pinakakain ng booster. Chick booster baga! Meron pa ngang Ivermectin! Pero magpabakuna tayo para may panlaban!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: