Tingnan Natin:

IMBESTIGASYON SA MGA PULIS NA MAY KASO, DAPAT PATAS LANG

Ayon sa PNP lnternal Affairs Service (lAS), nasa mahigit dalawang daang mga pulis  ang nahaharap sa kasong kriminal at administratibo dahil sa mga palpak o ilegal na gawain habang sila ay tumutupad sa kanilang tungkulin. Naririyan daw ang hulidap, tanim ebidensiya, pangongotong, sangkot sa illegal na droga, at napakarami pang ibang mga kasong kakaharapin ang ilang mga pulis natin. Meron pa ngang panggagahasa at iyong pinakahuli ay murder ng mag-ina. Kamakailan lang ay iyong sinasabi na massacre daw at iyong sinasabing shootout kay Mayor Aquino ng Calbayog City sa Samar, bagama’t ang dalawang insidenteng nabanggit ay sumasailalim sa imbestigasyon ng NBI. Ang mahigit dalawang daang kaso na sangkot ang mga pulis ay kasalukuyang iniimbestigahan kaya’t sinuman sa atin ay wala dapat karapatang husgahan na sila ay “gullty” sa mga akusasyon o mga alegasyon laban sa kanila. Kumikilos ang mga ahensiya ng gobyerno sa mga kasong nabanggit at hintayin natin kung totoo ang mga akusasyon laban sa kanila.

******

Dahil sa sunod-sunod na mga pangyayari kung saan sangkot ang mga kapulisan natin, tila pasama nang pasama ang imahe ng ating mga pulis. Halos lahat ng mga kaganapan ay kapalpakan sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin. Siyam na pulis nakapatay ng apat na sundalo, mga pulis nakapatay ng mga taga-PDEA, mga pulis nakapatay ng mayor at mga bodyguard nito. Grabe…! Ang tawag sa mga ganyan ay palpak. Totoo, nangyayari ang mga ganito na kung tawagin nila ay misencounter. Pero kung halos puro na lang misencounter ay hindi naman kapani-paniwala ang ganyan? Tunay na katangahan at kapalpakan na ang tawag diyan. Dapat ang mga tanga ay hindi iyan dinadala sa pagtatrabaho lalo ikaw ay isang alagad ng batas. Buhay mo bilang isang alagad ka ng batas ang nakataya diyan lalo na ang buhay ng mamamayan na sinisilbihan mo at pinoprotektahan. Hindi pinapatay, hindi ninanakawan, hindi tinataniman ng ebidensiya, hindi ginagahasa, hindi tinotorture, at iba pang mga hindi dapat ginagawa sa mga taong pinagsisilbihan at pinoprotektahan! Ang lalong masama diyan kung sa bandang huli, ang lalabas pang masama ay iyong inapi na at napatay pa. At nagtatawanan iyong mga naabsuwelto! Masaklap na mga pangyayari! At sana naman ay iyong parehas lang ang imbestigasyon. Kung walang kasalanan ang mga pulis so be it! Kung talagang gumawa naman sila ng labag sa batas magdusa sila. Sana ganun ang kalabasan ng imbestigasyon. Parehas lang! Iyon ang tunay na hustisya!

******

Kamakailan ay napabalitang isa sa mga hinuli si Efren “Bata” Reyes dahil diumano sa paglabag sa Covid-19 protocol. Ano sa palagay ninyo ayos ba ang ginawa ng mga otoridad sa ginawa nilang paghuli sa mga lumabag sa batas kasama ang living legend sa larong bilyar? Isang taong kinikilalang pinakamagaling sa nasabing larangan sa buong mundo, hinuli?? Iyan po ang totoo. At lahat po ng kagamitan sa nasabing bilyaran ay kinumpiska ng mga otoridad. Hindi po sinabi sa balita na ang nasabing bilyaran ay pag-aari ng living legend at hindi rin po sinabi sa detalye kung naglalaro ito. Basta lahat ng nandoon sa bilyaran ay dinala sa barangay. Lahat naman daw ng hinuli ay mapayapang sumama sa barangay lalo na si Efren na napakabait at bibihirang ibuka ang bibig para magsalita. Ang tanong ngayon ng marami, dapat daw bang ginawa ito sa kanya? Isang alamat at nirerespeto sa buong mundo tapos huhulihin dahil sa paglabag sa Covid-19 protocols? Ito ang sagot  diyan; ang batas ay batas at dapat ito ay sinusunod maging sino ka man. Ki mahirap ka o pinakamahirap ka pa o kung mayaman ka o pinakamayan pa, pagdating sa batas tayo ay pantay-pantay. Iyan din ang nakasaad sa ating Saligang Batas. Sa batas ng mga mangmang at mga nagmamagaling, mga pabida, mga papansin at mayayabang, iba naman ang mga batas na sinusunod nila. Hindi Iyon saklaw ng ating Saligang batas. Kaya ang paghuli kay Bata Reyes ay makatuwiran lamang at naaayon sa batas. Tunay na lumabag sila sa itinatadhana ng batas na ipinatutupad ng ating pamahalaan. Huli ka bata!

*****

Sa ngayon ay wala pa tayong napapàbalitang mga kakandidato sa mga lokal na posisyon maliban sa bayan ng San Andres at bayan ng Virac. Tulad ng tinuran ko noon, si Mayor Bos Te ng San Andres ay tapos na ang kanyang termino. At ayon sa balita ang tatakbong alkalde ng bayan ng San Andres ay si Atty. Nonong Mendoza sa 2022 election. Iyon ang balita na direktang nakaabot sa akin. At dito naman daw sa bayan ng Virac muling maghaharap ang dating alkaldeng si Mayor Sammy Laynes at ang kasalukuyang alkalde Posoy Sarmiento. May mga nagtatanong kung sino raw ang maganda ang performance sa dalawa? Mahirap sagutin yan. Masasagot iyan ng mga Viracnon sa Mayo 2022.

******

Samantala, sa Caramoran tulad din dito sa Virac malamang daw parehong personalidad ang maghaharap at parehong babae. Ang tinutukoy nila ay walang iba kundi  Popa vs. Aguilar. Sa Bato ay ganoon din, wala raw mababago Rodulfo vs. Rodriguez. Iyong sa ibang bayan sa susunod na.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: