Isang residente ng barangay Bigaa dito sa munisipyo ng Virac ang nagrereklamo dahil sa ginawang road concreting ng isang kontratista na nagngangalang Dominic Co na kung saan ay hindi raw tama ang ginawang pagkaka-semento sa harapan ng kanilang gusali. Ang totoo raw, sa halip na mapabuti ang daan sa lugar nila ay napasama pa raw ito, dahil dito raw naiimbak ang mga tubig sa halos lahat ng lugar sa kanila. Mahina man o malakas ang ulan, tambak ang tubig sa kanila, dahilan kung kaya’t ang building na dati ay tindahan ay iniwanan ng nangungupahan dahil wala nang bumibili rito dahil mistulang may ilog na sa nasabing lugar. Ayon kay Gng. Maricris Arcilla, nakiusap na raw siya sa kontratista ng nasabing road concreting project pero ang sabi wala na raw siyang magagawa maliban kung iyong mga may-ari ng nasa kaliwa at kanang bahagi ng kanilang building ay papayag na sirain o gibain ang harapan ng kani-kanilang mga concrete road para magawan ng drainage.
******
At sa akin ngang nakikita dahil dumadaan ako doon araw-araw, tila lubog nga ang lugar at laging may tubig at mistulang abandonado na ang nasabing lugar at wala nang mag-aaksaya ng oras para bumili pa sa dating tindahan. Ayon kay Ms. Arcilla, dinala na raw nila ang pakiusap nila sa DPWH provincial office pero ang sabi daw sa kanya ay sumulat daw siya sa DPWH Regional Office. Naman…naman! Sa totoo lang, palpak ang pagkakagawa. Lubog ang lugar at maiimbak nga ang tubig doon kahit konting ulan lang dahil walang pagdadaluyan ng tubig. Maiimbak ang tubig doon ng kung ilang araw at puwedeng pamahayan ng lamok at puwede pang maging dahilan ng aksidente. Sa katunayan, marami na raw nadulas doon at muntik na rin daw na may sumemplang na motor na may angkas pa. At sa lagay pala, kailangang regional office pa ang reresolba sa problemang ito? Come on!!!
******
Ang mga katanungang ito ay patuloy na magiging isang katanungan lamang hangga’t hindi dumadating ang mga bakunang hinihintay natin. Pababakuna ba tayo o hindi? Sabi kasi nitong buwan ng Pebrero ay nandito na sa atin at may mga lugar na nga na sinasabi ang ating gobyerno kung saan ito dadalhin o iimbak. Tanong muli, handa ba kayong pabakuna? Kasi sa survey, marami ang may agam-agam. Ako handa ba ako? Sabi ko nga 100% handa ako! At sabi ko pa rin nga kung halimbawang pumalpak ang bakuna, OK lang sa akin dahil marami akong kasama na matetepok. At isa pa, at least meron akong sisisihin. Una diyan ang gumawa ng bakuna, pangalawa ang gobyerno at marami sila. Kaysa naman matitigok ka sa Covid na ang sisisihin si coronavirus. Kaya iyong ayaw magpabakuna, karapatan nila iyon at good luck! Iyon namang may lakas ng loob at tiwala sa Diyos, good luck din lalo at kakampi natin ang Diyos.
******
Sa social media, matagal nang matindi ang bakbakan pagdating sa pulitika. Pati mga artistang mga uhugin at walang alam kung ano ang pulitika, bumabanat na rin na para bang may mga alam sila kung ano ang pulitika. Pag tinanong mo kung ano ibig sabihin ng pulitika, ang sagot sa iyo eleksyon. Kawawa pero bilang paalaala kung hindi natin kabisado ang isang bagay, tumahimik na lang tayo.Sabi ko nga papalapit na ang taong 2022 kaya papalapit na rin ang payabangan, kasinungalingan, bilihan ng boto at ang iringan ng mga kandidato. Iyong mga dati magkakaibigan ay pansamantala munang hindi magbabatian, magkakamurahan at magsusuntukan pa nga na akala mo sila ang mga kandidato. Nakakahiya tayo sa totoo lang pero parte na iyan ng kulturang Pinoy.
******
Ilang buwan na lang at filing na naman ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga gustong ika nga manilbihan sa bayan.
Ang tanong: may eleksyon naman kaya? Kung susundin ang batas, meron. At kung susundin din ang batas nang halimbawa may mga pangyayari sa ating gobyerno na hindi maiiwasan na kailangang wala munang eleksyon, susunod tayo dahil ang hindi pagkakaroon ng eleksyon ay may mga kadahilanan marahil ang ating gobyerno kung bakit wala munang .eleksyon. Lalo ngayon, may mga grupong gusto magdeklara ang pamahalaan ng Rebolusyunaryong Gobyerno (RevGov) para isulong ang Federalismo. Merong kontra, lalo iyong mga maapektuhan ang kanilang pamilya na lahat pulitiko. Lalo kung ang pag-uusapan ay dynastiyang politikal. Ayaw na ayaw iyan ng mga pamilyang mga pulitiko. Itong mga bagay na ito ang maaaring sanhi na kung bakit hindi matutuloy ang eleksyon. Senaryo lang po ito na maaaring mangyari o hindi.
******
Ang alkalde ng Manila na si lsko masyadong pa-Epal! Talo pa si Duterte. Kung umasta, akala mo presidente ng unyon. Masyadong ambisyoso àt gusto naka-Facebook ang bawat kilos niya. Bakit kaya ganoon sila? Kamala-mala, gusto rin pala maging presidente ng Pilipinas. Masyadong ambisyoso! Tulad din dito sa atin na akala mo porke’t mayor na siya na ang pinakamagaling na tao sa probinsiya. Mayor pa lang iyan. Sa lahat ng mayor, dito ang nag-iisang hinahangaan ng mga tao ay ang mayor ng San Andres, Mayor Bos Te. May narinig o nabalitaan na ba kayong nagmayabang iyan? May nabalitaan na ba kayong may minura o binastos na tao iyan? May ginawa na bang panlalamang si mayor sa mga nasasakupan niya at maging sa ibang lugar sa Catanduanes? May nabalitaan na ba kayong may inapi si Mayor Bos Te? Ako sa totoo lang, marami akong nababalitaan sa kanya. Sa totoo lang! Pero lahat na nababalitaan ko ang tungkol sa pagiging makatao niya, ang kabaitan niya at higit sa lahat ang pagiging totoo niyang tao!! Ang iba kasi diyan tao kunwari pero saan ka may lahing sa demonyo at ang laging nasa tuktok ng ulo niya delihens!!! Pero hindi naman lahat!
Sa mga nagtatanong kung kakandidato daw bang gobernador si Mayor Bos Te ng San Andres, ang sagot ko po ay hindi ko pa po alam. Aalamin ko po muna dahil ang alam ko lang ay last term na ngayon. Hindi ko po alam kung last term na rin ngayon ni Gov. Boboy Cua. Kung last term na rin ngayon ni Boboy Cua, sigurado ako 100% ang susunod na gobernador Mayor Bos Te!!