TINGNAN NATIN:

TRILYONG PISONG UTANG NG ABS-CBN BAYARAN MUNA SA GOBYERNO, AYON KAY DUTERTE

Ayon kay Kong. Mike Defensor, umutang daw ang mga Lopez ng ABS-CBN sa Development Bank of the Philippines (DBP) noon ng halagang 1.6 bilyong piso na walang kolateral. Ang DBP ay banko ng gobyerno tulad din ng Land Bank of the Philippines (LBP). Sa ngalang pag-utang sa kahit anong bangko pribado man o sa gobyerno lalo kung medyo malaki-laki uutangin mo, hindi pupuwedeng walang kolateral. Maliban lang marahil kung special kang tao at malakas ka sa gobyerno tulad ng sinasabi ni Kong. Defensor. 1.5 bilyong piso ang inutang at walang kolateral at lumalabas yata na hindi binayaran lahat, ayon kay Defensor. Bilyonaryo na at saksakan ng yaman kung umutang walang kolateral pero pag mahirap ang kolateral mo, buong kabuhayan mo pati buhay mo pag pumalya sa pagbabayad, iiliting lahat. Ayon pa rin sa sabi ng ilang mambabatas, kung susumahin sa haba na ng panahon ng hindi pagbabayad ng nasabing network baka umabot na raw ito ng trilyong piso. Whew, ikaw na ang maging mayaman na mayaman na malakas pa sa gobyerno! Tunay na oligarch!

*****

Sa Lower House, ang bumubuhay na gustong mabigyang muli ng prangkisa ang ABS-CBN ay ang pamunuan ni Speaker Velasco pero ang masigasig ay si Vilma Santos at Lito Atienza. Sa Upper House naman ay si Tito Sotto at Grace Poe na hindi naman nakapagtataka. Sa Lower House ay tinatalakay na ito pero si PRRD ay nagsalita na na kahit ilang libong bill ang ipapasa nila sa Kongreso ay hindi raw ito aaprobahan ng Malakanyang at hindi ipatutupad hangga’t hindi nagbabayad ng mga utang ang nasabing network na umaabot na ng trilyong piso sa gobyerno ng Pilipinas. Anang pangulo, magbayad muna sila (ABS-CBN) ng mga pagkakautang nila sa gobyerno. Trilyong piso ang utang ng ABS-CBN? Baka babayaran ni Vilma Santos, Angel Locsin, Coco Martin, at ni Tito Sotto at Lito Atienza?

*****

Ang baklang komedyante na si Vice Ganda pinatutsadahan si Spox Harry Roque na dapat makapamili daw ang mga tao sa bakunang dapat ituturok sa kanila. Ang perang ipambibili ng gobyerno ng Pilipinas ay Ipangungutang pa lang. Ang presyo ng bilihan ng bakuna ay napakataas. Tapos ang sabi ng komedyanteng ito na nagmamarunong dapat daw ay pipili ang mga tao ng gusto nilang bakuna sa kanila na para bang napakayaman ng gobyerno natin. Tuloy sinabihan ito ni Roque na mas marunong pa raw ito sa mga nakakaintindi sa bakuna. Na ayon pa rin kay Roque ang expertise daw nito (Vice Ganda) ay pagiging komedyante at hindi sa bakuna. Oo nga naman!

******

Pinasinayaan na ang katatapos na Skyway Stage 3 sa EDSA at dito ay kitang-kita ng mga motorista ang malaking pagbabago ng trapiko. Lumuwag daw ito at ang trapiko ay siyempre lumuwag din at naibsan ang paghihirap ng mga motorista. Ang nasabing proyekto ay joint venture ng SMC at ng gobyerno ng Pinas. Laking pasasalamat ng SMC sa pangunguna ng CEO nito na si Ramon Ang sa administrasyong Duterte. Ang proyektong ito ay dinaanan na ng dalawang pangulo at tatlo pa nga yata pero sa limang taon lang na panunungkulan ni Duterte ay natapos ito. Ramos, Arroyo, Aquino, walang nangyari. Isang Duterte lang solved ang traffic sa EDSA at may nakikisabit na proyekto raw ito ni Aquino. Pero ang pinasalamatan ng SMC sa pangunguna ni Ramon Ang sa pagkayari ng Skyway Stage 3 ay si Duterte.

******

Ang kahalintulad nito ay ang mga proyekto sa probinsiya natin na road concreting na kung tutuusin ay baby project ito ng yumaong Governor at Congressman Leandro Verceles, Sr., naiwanan ni Cong. Joseph Santiago at Jun Verceles. Ipinagpatuloy ni Cong. Cesar V. Sarmiento at naisakatuparan sa 9 years na panunungkulan niya. Meron ding humihirit na kung wala raw si si kong.???? ay hindi matatapos ang road concreting sa buong probinsiya ng Catanduanes sa panahon ng panunungkulan ni Cong. Sarmiento. At tulad din sa madaliang pagka-convert ng CSC to CSU kung saan ay inumpisahan ito ni Cong. Jun Verceles at sinubukan din ni Cong. Santiago at naging isang unibersidad sa panahon ni Cong. Sarmiento. Ang kredito ay buong-buo kay Cong. Sarmiento. Kaya ang Skyway Stage 3 bagama’t tatlong pangulo ang sumubok nito at naging totoo sa panunungkulan ni Duterte, ang buong kredito nito ay solong-solo ni Duterte.

******

Sports naman tayo! Pag-usapan natin ang FIBA third window na gaganapin dito sa ating bansa kung saan ay makakatunggali natin ang lndonesia, Thailand at ang mabigat na South Korea. Dalawang beses kakaharapin ng Pinas ang South Korea. Allowed dito ng isang naturalized Player ang bawat bansa tulad sa atin ang nilalakad ng SBP ay ang import ng Ateneo na si Ange Kouame at ang sa Korea ay ang matagal nang si Ratliffe na dating import ng Magnolia ng PBA. Ang magandang balita ay pinayagan daw ng NBA-G League ang kababayan nating si Kai Sotto na ngayon ay 7”3’ na ang taas. Na sa tantiya ng marami ay baka pagdating nito ng 20 years old ang taas nito ay umabot ng 7”5’ na mas mataas pa ng isang pulgada kay Yao Ming ng China. Ang masamang balita ay hindi kasama sa RP team si Junmar Fajardo at Japhet Aguilar .

******

Ayon sa mga usap-usapan dahil daw sa hindi umepekto ang mga gimik ni VP Leni Robredo kaya kakandidato na lang daw itong governor ng CamSur at ang makakaharap nito ay ang mga Villafuerte. Kaya ang mga oposisyon ay hindi malaman kung sino itatapat nila sa pipiliin ni Duterte. Si Sarah ba, si BBM, si Bong Go, si Manny Pacquiao, o si lsko Domagoso o si Skylee? Kahit sino dito mahihirapan ang oposisyon?.Ang bet ko sa oposisyon na panlaban sa magiging bata ni Duterte ay si Sharon at anak niyang si Khakie o di kaya si Maong.

-30-

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d