KUNG PULITIKA ANG DAHILAN, BAHALA KAYO SA BUHAY NINYO

ni: Jex F. Lucero

 

Matindi ang mga kumokontra sa Kongreso para sa renewal ng TV Network na ABS-CBN sa pangunguna ni Deputy Speaker Paolo Duterte at Rodante Marcoleta. At kasama pa diyan ang katotohanang majority sa mga kongresista ng Mababang Kapulungan ay pro-Duterte. At napakaraming ibinabato ng mga paglabag sa batas sa nasabing network kung kaya’t kung titingnan mo, pilay na pilay na ang dalawang paa, dalawang kamay at halos bugbog sarado na ang buong katawan. Kaya ang maririnig mo na lamang ay ang mga paawa effect na ipinalalabas nito sa Myx, sa Cinema l, sa Cinemo,  Jeepney TV at iba pa. Pero sabi ng ABS, sinisikil daw ang kalayaan sa pamamahayag sa pag-shutdown ng nasabing network. Ang totoo lang naman, ang nawala talaga iyong baklang kabayo at si Kardo lalo na si Tata Delfin na umiihi na sa pantalon niya. ABS-CBN shutdown forever, kasama iyong baklang kabayo!

******

Ano na ba ang nangyari doon sa sinasabing construction ng shipyard diyan sa may barangay Palmab? Marami daw paglabag ang nasabing ginagawang shipyard? Pero may barangay permit at mayor’s permit daw ito? Papaanong nakapagsimula itong mag-construct ganoong marami daw paglabag ito lalo sa DENR? Ang pinakamalaking paglabag daw ay iyong tungkol sa mga nasirang coral reefs. Kasinglaki ba ng isang barangay ang coral reef na nasira para maging isang hadlang ito sa isang malaking proyektong tulad nito? Ang shipyard na ito ay makapagbibigay ng maraming trabaho kung saka-sakali sa mga kababayan natin sa ating naghihingalong ekonomiya dahil sa Covid-19. Kung maliit lang naman ang mga naging damage sa ating kalikasan at malaking tulong naman ang maibibigay sa atin ng nasabing proyekto, dapat timbang-timbanging mabuti natin ito para sa ganoon ay makabangon ang mga kababayan natin sa nanlulupaypay nating ekonomiya. Kung pulitika ang dahilan, bahala kayo sa buhay ninyo!

******

Metro Manila isasailalim na sa GCQ. Maliwanag na ang totoong dahilan kung bakit nailatag na ito sa GCQ ay dahil sa naghihirap na ang mamamayan lalo na ang gobyerno. Isa pang pamimigay ng SAP, lugmok nang tuluyan ang ekonomiya natin. Mabuti na lang at ang pangulo natin ay mapamaraan sa kung papaanong matutulungan ang mamamayang Pilipino. Kung iba ang naging pangulo natin, baka matagal ng nagpapatayan tayo.  Sa ngayon magsisimula ang sa bayang Pilipino halos sa wala. Marami ang walang trabaho, marami ang lalong maghihirap, marami ang susulpot na mga magnanakaw, lalong magiging demonyo iyong mga dati nang magnanakaw sa gobyerno para mabawi iyong mga nawala sa kanila dahil sa COVID at lalong magiging bold at daring sila ngayon. Kung dati pino ang mga pagnanakaw nila, ngayon ay face to face na’t wala nang lagay-lagay ng face mask. Kahit magpustahan tayo, babawi at babawi ang mga magnanakaw sa gobyerno dahil malaki ang nawala sa kanila. Ang isa pa, ilang buwan na lang matatapos na ang taong 2020 at pag 2021 iyon na ang susunod, eleksyon na. Kung wala pa o kulang pa ang nakurakot ng isang pulitiko at malapit na eleksyon, tagilid na sa laban si Manoy. Abangan ninyo at marami pang mga milagro ang mangyayari. Pero kung lahat ng magnanakaw tamaan ng COVID, ayos lang. Lockdown na siya, shutdown pa at knockdown pa.

******.

Balik tayo sa pagka-shutdown ng ABS kung saan sinasabing bawat araw ay milyon- milyong piso nawawala sa nasabing network. Pag stockholder ka sa isang malaking kompanya tulad ng ABS at nakatengga ito, ano ang mangyayari sa kompanyang kinasasaniban mo? Siyempre lugi! Nganga kayong lahat, sabi nga nila! Ang mas masaklap pa pati mga artista mo na pinagkakakitaan ng kompanya mo ay tigil din dahil hindi nga sila umeere. Lalong masakit dahil sa sobrang daldal ng mga artista mo ay inalisan sila ng mga produktong iniindorso nila tulad ni Angel Locsin, Kim Chiu, at ni Coco Martin at nitong huli ay si Maris Racal. Nag-atrasan na mga endorser nila. Milyon.-milyong piso ang pumapasok sa kompanya ng ABS at sa mga artistang nag-iindorso ng iba-ibang klase ng produkto nila. Pero ngayon ay wala na, nag-atrasan na mga endorser dahil sa masasamang ugaling ipinakita nila sa publiko dahil sa pagtatanggol nila sa network nila na hindi  naman nila alam kung ano ang puno at dulo kung bakit ipinasasara network nila. Sabi sato, ayot sanang ayot kaya nakua ninda hanap ninda.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: