ni Jex F. Lucero
Miyembro ng Valenzuela City Epidemiology Unit gumawa ng bahay-bahay na covid-19 testing. Ito marahil ang pinakatamang dapat ginagawa ng mga taga-DOH para malaman kung sinu-sino at kung ilan sa bawat pamilya ang may tama. Sa ngayon, hindi matantiya kung sino at kung ilan na talaga ang may mga sakit na COVID. Basta malalaman na lang natin sa balita na ganito ang bilang ng mga namatay at ganito rin ang bilang ng mga gumaling at ganito rin ang bilang ng mga tinamaan ni COVID. Pero sabi, accurate daw ang bilang na ginagawa ng mga taga-DOH. Sana nga para malaman natin kung dumarami ba o kumukonti ang tinatamnan ng sakit? Ang sitwasyon sa kasalukuyan ay masyadong nakababahala pa rin. May paniwala akong pag dumami pa ang bilang ng mga tinatamaan ng sakit na ito, malamang sa malamang gagawa at gagawa ng panibagong hakbang ang ating gobyerno. At sa kasalukuyan ang pamamalakad na ginagawa ng ating gobyerno ay eksakto lang.
******
Tama lang ang pamamaraang ginagawa ng pamahalaan natin; ang hindi lang tama ay ang ginagawa ng mga kababayan nating may mga topak sa ulo. Lahat ay ginagawa na ng ating gobyerno pero hindi pa rin kontento ang ilang mga kababayan natin na may mga sayad ang ulo. Ang gusto nila, nakahilata lang sila at susubuan ng pagkain habang nakanganga. Hindi kontento sa anim hanggang walong libong piso dahil kulang ang anim na libong piso para sa isang linggong paglamon nila. Lahat naghihikahos ngayon pero itong nabigyan na nga lahat, siya pang numero unong mga reklamador. Dapat naman sana matutong magtipid para sa ganoon ay may makakain pa sa mga darating na araw hangga’t sa maging normal ang sitwasyon sa atin. Huwag namang iaasa sa gobyerno ang lahat. Galaw galaw at sa panahong ito gamitan na ninyo ng pinakamagaling ninyong diskarte basta huwag lang kayong gagawa ng iligal. Maraming paraan ang magagawa ng bawat isa sa atin. Diskarte lang ang kailangan.
******
Ngayon marami ang pumuputak tungkol sa 4Ps dahil marami raw napasali sa 4Ps na hindi naman dapat. Maalaala ko noon kung saan nagpatawag ng presscon ang mga taga-DSWD. Sa totoo lang, kontra ako sa konsepto ng programang ito. Nailabas ko noon ang tungkol sa mga beneficiaries ng programang ito lalo iyong hindi naman talaga qualified at iyong mga nagsasangla at ipinangsusugal lang. Pero kinontra ako ng isang taga-radyo dahil napakaganda raw ng programa ng gobyerno at totoo naman talaga. Lalo iyong mga nagsasangla, ipinangsusugal at hindi naman napupunta sa pamilya kundi sa mga bisyo. Maganda nga! Palakpakan mga taga-DSWD pagkatapos magsalita ang isang taga-radyo. Ngayon nasaan na at anong klase ang programa ninyong maganda? Nagsasangla, nagsusugal, mga reklamador pa na kulang daw pinamamahagi ng gobyerno? Napakagandang programa kung tama ang pagpapatupad at kung tama ang mga napipiling mga beneficiaries. Kaya dapat repasuhin at pagkatapos pagsabihan at bigyang babala ang mga bepisyaryo na kung mahuhuling nagsasangla at ipinangsusugal ang perang bigay sa kanila, huwag na huwag nang bibigyang muli kahit kailan para matuto silang magbanat ng buto.
******
Abot na sa 3,870 ang kaso ng COVID sa buong bansa at nadagdagan ito ng 106 na bagong may tama. Ang pumanaw na ay nasa 182 at ang naka-recover ay nasa 96. Tila mas marami sa ngayon ang namamatay kaysa nakaka-recover. Tila hindi maganda ang ganoong trend. At sabi karamihan sa mga tinatamaan ay iyong mga senior citizen ngayon ay wala nang pinipili pati batang one month-old tinatamaan. Kaya ang labanan ngayon ay COVID vs. marisestensiyang katawan vs. katawang marunong mag-ingat at hindi tigas ulo. Sa ganoong laban, panalo ang maresistensiyang katawan at disiplinado pa. Palakasin ang immune system at sumunod sa ipinapayo ng mga kinauukulan at huwag susundin ang mga pilosopo at mga sira-ulo.