
Sa mga hinirang na miyembro ng Sangguniang Bayan, at sa lahat ng naririto ngayong araw.
Sa ating mga kapwa Catandunganon na nasa iba’t ibang dako ng mundo at nanonood sa atin nang live sa social media.
Ngayong umaga, ako po ay puno ng pasasalamat at kagalakan.
Narito ako, kasama kayo at ang mga kapwa lingkod-bayan mula sa iba’t ibang sektor, na puno ng determinasyon at pagkakaisa sa paglalakbay patungo sa isang mas nagniningning na Bayan ng Virac.
Inaasam natin ang isang bayan na nagbibigay-lakas sa bawat mamamayan, kumikilos bilang responsableng tagapangalaga ng ating likas na yaman, at buong pagmamalaking iginagalang ang kasaysayan at kulturang nagtatakda ng ating natatanging pagkakakilanlan.
Ngayon, masasabi kong muling nabibigyang kulay ang Virac, at, sa maikling panahon ng isang termino, nahubog natin ang Virac patungo sa isang matatag na komunidad.
Sa nagdaang taon, ang mga pangarap at mga plano para sa Virac ay nabuo, naumpisahan at patuloy na pinupunan sa pagsisimula ng 2025.
Sa kabila ng mga problemang patuloy na sumusubok sa katatagan ng ating bayan, panahon na upang balikan ang ating mga nagawa at ilatag ang mga kailangang gawin sa mga susunod na buwan.
Ang kuwento ng pag-unlad ng Virac ay malinaw na makikita sa buhay ng bawat Viracnon at mga komunidad na nabigyan ng oportunidad, bagong pagkakakitaan, at pag-asa para sa kanilang sarili at mga pamilya.
Sa bawat ayudang pangkabuhayan na ating naipagkaloob, bawat pay-out na naisagawa, at mga bagong proyektong naipatupad, nabigyan natin ang ating mga kababayan ng pagkakataong makaahon sa kahirapan at mangarap ng mas maliwanag na kinabukasan para sa kanilang sarili at sa susunod na henerasyon.
Karamihan sa ating mga kababayan ay umaasa lamang sa pang-araw-araw na kita, kung kaya, isa o dalawang araw lamang ang mawala, ay apektado na ang gastusin ng pamilya.
Kaya naman po higit ang ating pasasalamat sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa ating Pangulo, Ferdinand Marcos Jr., Senator Joel Villanueva, Ako Bicol Partylist, Cong. Jose “Bong” Teves Jr., ng TGP Partylist at Provincial Local Government of Catanduanes dahil mayroon tayong 4,708 benepisyaryo sa ilalim ng DOLE Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) nitong 2024.
Mula sa dating 30 beneficiaries, mayroong 35 estudyante ang nabigyan ng short-term employment at naipasok natin sa Special Program for Employment of Students (SPES) ng DOLE at Munisipyo, upang sa gayon ay matulungan din sila na magkaroon ng dagdag pantustos sa kanilang pag-aaral.
Nagkaroon din tayo ng Special Recruitment Activity at Job’s Fair sa tulong ng iba’t ibang pribadong ahensya at kompanya para magbigay ng oportunidad sa ating mga kababayan na nais magtrabaho sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Upang higit pang maiangat ang buhay ng maraming Viracnon, siniguro rin natin na inklusibo at tumutugon sa mga pangangailangan ng ating komunidad ang mga Livelihood Training and Technical Education ng ating Community Technical Education and Livelihood Office.
Ang hanay ng Rural Improvement Clubs (RICs) ay nagkaroon ng pagkakataon matuto ng Salted Egg Processing, Swine Breeding, at Broiler Chicken Production.
Ang ating Persons with Disability (PWDs) naman ay sumailalim sa meat and fish processing at yeast bread making naman ang naging skills training ng ating mga solo parents.
Hindi rin mawawala ang dalawa sa tampok ng livelihood source ng ating bayan na torones making at pili processing, at sa taong ito, 55 mula sa ALS at barangay constituents ng Brgy. Rawis at Brgy. Palnab ang ating naging beneficiaries.
Mas nadagdagan pa ang kaalaman sa basic hair cutting, massage, at kakanin making sa tulong ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa isinagawa nitong Sanayang Pangkabuhayan Livelihood Program nitong Hulyo sa Barangay Buyo.
Patuloy rin po nating sinusuportahan ang ating mga maliliit na negosyo at ang mga kababayan nating nagnanais na makapagsimula ng sariling kabuhayan. Sa pamamagitan ng DOLE Assisted Livelihood Project, kung saan natulungan natin ang Taga Ibong Sapa Rural Improvement Club (TIS-RIC), isang civil society organization na nagbebenta ng Turmeric at Salabat Powder.
Sila ay nakatanggap ng pondo at mga makinarya para sa pagpapabilis ng produksiyon at makapag-innovate pa ng kanilang pangkabuhayan na hindi lamang nagtatapos sa salabat at turmeric powder.
Sa ilalim naman ng DSWD SLP Livelihood Assistance Grant, dalawang organisasyon ang nabigyan ng panimulang puhunan para makapagsimula ng kanilang mga kabuhayan.
Kasama rito ang ASPIRE SLP ng Brgy. Calabnigan na nakapagsimula ng livelihood project na nagpopokus sa poultry and feeds supply mula sa pondong natanggap niya mula sa DSWD-Livelihood Assistance Grants.
Nakakaantig damdamin na personal nating masubaybayan kung paano unti-unting nabago ng mga progmang pangkabuhayan na ito ang buhay ng ating mga kababayan.
Congratulations po sainyo at maraming salamat sa ating mga partner National Government Agencies lalo na sa ating Public Employment Office sa pangunguna ni PESO Manager, Laarni Pantino, Municipal Social Welfare and Development Officer, Jean Triumfante at Community Technical Education and Livelihood Officer-Designate Anthony Campado, na nagtulungang maisakatuparan ang mga proyektong ito.
SOCIAL SERVICES
Nitong 2024, 1,882 indigents ang ating natulungan sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). Ang ating naipamahaging tulong ay umabot sa 3.5 milyong piso mula Enero hanggang Nobyembre, kung saan halos 673 ang nabigyan ng tulong medikal at bayarin sa ospital, 231 naman ang nakinabang sa tulong para sa pagpapalibing.
Nagpapasalamat din po tayo kay Deputy Majority Leader, TGP Representative, Jose “Bong” Teves Jr., dahil umulan ng tulong pinansiyal sa ating bayan mula sa TGP Partylist.
Sa kasalukuyan nagpapatuloy po ang ating pamamahagi ng tulong medikal para sa pagpapagamot sa ospital, bayad sa laboratoryo, at gamot sa mga indigent patients natin sa Immaculate Heart of Mary Hospital at Catanduanes Doctors Hospital Inc., dahil sa allocated budget na ibinigay sa atin ng TGP.
Tunay ngang kapag nagkakaisa ang mga lider ng ating lipunan maraming buhay ang ating madudugtungan at mga pamilyang matutulungan.
Sa mga hindi po nakakaalam, maliban sa ibinibigay ng DSWD na P100K cash award, tinapatan din ito ng Bayan ng Virac kung saan naglalaan tayo ng P100,000 cash incentive para sa ating Centenarians.
Sinuportahan ito ng ating Sangguniang Bayan at nagpasa ng Municipal Ordinance upang patuloy po itong ma-implement kahit magpalit man ng administrasyon.
Nitong Marso, tumungo tayo sa Barangay Bigaa upang igawad ang Centenarian Award sa ating nag-iisang awardee nitong 2024 na si Nanay Maria Molina Datiles. Siya ay nag celebrate ng kanyang ika-100 kaarawan nitong Setyembre at nanatiling malakas at matibay sa kabila ng kanyang edad.
Samantala, 32 Nonagenarians naman po ang ating nabigyan ng P10,000 cash incentive each sa nakaraang taon. Sa ating termino, umabot ng 86 ang kabuuang bilang ng ating mga nonagenarians beneficiaries. Palakpakan po natin ang ating mga lolo at lola.
Naging mabilis din ang daloy ng ating 2024 Social Pension Payout para sa ating 3,191 identified indigent senior citizens sa pagtutulungan ng Municipal Treasurer’s Office, MSWDO, at Office of Senior Citizens Affairs.
Kaliwa’t kanan din ang mga aktibidad ng ating OSCA at Virac Municipal Seniors Citizen Federation Association kung saan sa isinagawang Elderly Month at namahagi po tayo ng bigas sa bawat BASCA members ng ating bayan.
Sa tulong ng ating masisipag na staff ng Municipal Social and Welfare Development Office, Municipal Health Office, barangay at iba pa, nasa 259 PWDs ang ating naitala sa online Philippine Registry for Persons with Disability. Lahat sila ay nabigyan na ng Purchase Booklet at PWD ID’s upang magamit sa diskwento sa pagbili ng kanilang mga pangangailangan.
Gayunpaman, sa kabila ng ating tagumpay, hindi maitatanggi na may mga batang patuloy na naaabuso. Sa tala ng MSWDO ngayong 2024, mayroong 66 na kaso ng pang-aabuso kabilang ang rape, violence against children, at children in conflict with the law.
Kaya’t binigyan natin ng lakas ang Child Abuse Prevention and Intervention Network (CAPIN), katuwang ang ating mga barangay at VAWC desk officers.
Ang Local Council for the Protection of Children at Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children na sandigan ng proteksyon para sa ating kabataan.
Ang pagtatayo ng Child Protection Unit sa Barangay San Isidro Village ay isang tagumpay na dapat ipagmalaki. Ito ay lugar upang magsilbing direct psychosocial services for women and children, including temporary shelter, psychological counselling and other awareness drives for elimination of violence against women and children.
Maraming salamat sa Consuelo Foundation at Humanitarian for Legal Assistance Foundation Inc., dahil sainyo ay natapos na ang phase 1 ng ating CP Unit.
Sa mga proyektong tulad ng SHIELD Program, nakatuon tayo sa pagtulong sa mga street children at child laborers. Patuloy rin ang pagsasanay para sa mga guro, opisyal, at tagapamahala ng mga programang pangkabataan.
Pagdating naman sa proteksyon ng kabataan, aktibo nating partner ang iba’t ibang ahensya. Kabilang ang Peace and Order Council, Anti-Drug Abuse Council, PNP-Virac Municipal Station na nagpapanatili ng kaayusan sa ating komunidad, BFP, public order safety office, city security office at mga barangay.
Activated din ang ating mga WCPD sa Virac MPS as well as sa ating mga barangays.
Proud po tayo sa mga programa ng ating lokal na pamahalaan na aktibong nakakapagparticipate ang mga miyembro ng ating Local Council for the Protection of Children, Local Committee on Anti – Trafficking and Violence against Women and Children, maging ang ating Barangay Council for the Protection of Children o BCPC at VAWC Desk Officers.
Mga kababayan, ang lahat ng ito ay patunay na ang ating bayan ng Virac ay isa sa mga huwaran sa pagtataguyod ng karapatan ng kabataan. Ang Seal of Child-Friendly Municipality na natamo natin sa tatlong magkasunod na taon ay isang indikasyon na tayo ay nasa tamang direksiyon at patuloy na umuusbong ang ating social services.
Masigabong palakpakan po sa ating Municipal Social Welfare and Development Office sa pangunguna ng ating Social Welfare Officer, Jean Triumfante.
HEALTH & NUTRITION
Sabi nga ng ating Pambansang Bayani na si Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan. At lubos kong pinaniniwalaan iyon. Kaya naman, ang aming mga programang pangkalusugan ay nagsisimula kahit bago pa man makapaglakad ang isang bata.
Pinaglalaanan natin ng puhunan ang kalusugan ng mga ina at bata sapagkat nauunawaan natin na a healthy start, leads a hopeful future.
Sa ilalim ng Maternal and Child Health Program, para masiguradong naalagaan, at nagagabayan ang mga kabataan kahit nasa tiyan pa ng kanilang nanay. 72% ng kabataang ina ang nabigyan natin ng libreng konsultasyon at pre-natal care upang ma-monitor kung sila ba ay nakakapagpa-check up regularly, natatanggap ang libreng gamot at vitamins at iba pang gabay para sa nanay at sanggol.
Ang ating libreng pagbabakuna ay isa sa pinakamalaking tagumpay—93% o 794 sa 857 na bata ang nabakunahan.
Sa Vitamin A Supplementation, naabot natin ang higit pa sa 100% ng ating target na populasyon.
Kasabay nito, ang libreng pamulate ay naihatid sa 100% ng mga bata, edad isa hanggang 18 taon.
Bahagi din ng serbisyong itinataguyod natin ang libreng serbisyo sa ngipin. Nakapagtala tayo ng mahigit tatlong libong “Dental Check-ups and Fluoride Application” mula Enero hanggang Disyembre.
At sa tulong 4P’s Program, mayroong 325 na bata ang nasisiguro na may konsultasyon sa Health Center o Klinika para mapanatili ang kanilang kalusugan, walang sakit at maayos na pangangatawan.
To serve our rural barangays, sa pagtutulungan ng Department of Health at LGU Virac, nabigyan natin ng Barangay Health Station (Non-Birthing Facility) ang Barangay F. Tacorda.
Mayroon din tayong on-going upgrading, repair and rehabilitation ng mga Barangay Health Stations sa pitong barangay (Bigaa, Sto. Domingo, Capilihan, Hawan Grande, Magnesia Del Sur, Palnab del Sur at Palnab Del Norte) kung saan pinondohan ng Department of Health sa ilalim ng kanilang Health Facility Enhancement Program Project.
Inaasahan na 2,644 na residente ng Brgy. Dugui San Isidro at Danicop ang mabebenepisyuhan ng itinatayong Barangay Health Station na mula naman sa ating DILG-LGSF SBDP.
Matagumpay din nating inilunsad ang Bakuna Eskwela: School-Based Immunization Program ng Department of Health sa ating bayan dahil umabot sa 3,531 na mag-aaral mula baitang isa, apat, at pito ang ating nabigyan ng libreng bakuna kontra Tetanus, Diphtheria, Tigdas at Rubella at Human Papillomavirus.
Pinagsisikapan natin ang modernisasyon ng ating Rural Health Unit sa pamamagitan ng pag-upgrade ng ating mga pasilidad at kagamitan.
Nagdagdag tayo ng mga kagamitan for pre-natal care tulad ng ultrasound machine at newborn hearing device.
Meron din po tayong biniling X-Ray machine at upang maging fully functional na ito, nag-allocate tayo ngayong taon ng P3.6M para sa purchase ng Digital Radiology System.
Binigyang diin natin ng ating Municipal Office ang mga advocacy campaigns laban sa: – –
Paninigarilyo: Kung saan 400 kabataang Viracnon ang ating naging kasangga sa pagpapalaganap ng masamang epekto ng paninigarilyo sa ating katawan.
Kabilang dito ang ating Sangguniang Kabataan, Nursing students ng Catanduanes State University, atleta
At sports enthusiasts.
Cervical Cancer: Pagtaas ng kamalayan ng 35 kababaihang nasa edad ng reproduktibo sa pamamagitan ng mga talakayan tungkol sa maagang pagtuklas, paggamot, at pamamahala ng kondisyon. – –
Mental Health: Activation ng ating Mental Health Helpline Desk at pag-improve ng ating mental health approach sa pamamagitan ng partisipasyon sa 10TH Bicol Mental Health Congress Mental Health Fair.
HIV at AIDS: Sa pakikipagtulungan sa ating partner NGOs at institutions, tumutungo tayo sa mga barangays, eskwelahan, at mga invited activities upang palawakin ang kaalaman at matulungan ang mga magulang, sektor ng kabataan at local officials sa pagtuldok sa stigma laban sa HIV at AIDS.
Aktibo rin po tayo sa pagpapabuti ng pangangalaga sa kalusugan ng mga ina at bata. Sa nakaraang Buntis Congress ay nakapagbigay tayo ng libreng laboratory examinations at dental check-up, pre-natal consultation at micronutrient supplementation.
Sa tulong ng Rotary Club of Virac at Third World Eye Care Society (TWECS) – Canada, humigit kumulang 6,000 Catandunganon ang nakinabang sa isinigawang eye mission noong Pebrero 19-26 sa Virac Local Government Rural Health Unit at Virac Community Hub sa San Isidro Village, Virac.
Mula sa kabuuang bilang ng mga pasyenteng sumailalim sa refraction test at iba pang optometric examination, 4,475 ang nakatanggap ng libreng salamin sa mata.
Tinatayang 200 mag-aaral mula sa San Isidro Village Elementary School sa Virac ang sinuri rin ng TWECS team kung saan apat na mag-aaral na natukoy na may problema sa paningin ang isinangguni sa Rural Health Unit (RHU) para sa karagdagang pagsusuri.
Maraming salamat po sa Rotary Club Former President Maria Cleofe Laynes, Governor Joseph “Boboy” Cua, Catanduanes Vice-Governor Peter ‘Boss Te’ Cua, at Former Ambassador Zenaida Tacorda-Rabago at sa lahat ng bumubuo ng TWECS.
Ipinagpatuloy din natin ang ating adbokasiyang sinimulan noong 2023 kung saan tayo ay nagsasagawa ng Free CBC and Medical Consultation sa mga incoming freshman ng Catanduanes State University (CATSU). Nitong 2024, umabot sa 794 na mag-aaral mula sa 11 bayan ng Catanduanes ang ating nabenepisyuhan.
Misyon ng ating Lokal na Pamahalaan na wakasan ang problema ng open defecation sa mga komunidad upang masiguro ang maayos na sanitasyon para sa ating mga kababayan.
Nitong Disyembre, kinilala natin ang tatlumpung barangays na pumasa sa criteria ng Zero Open Defecation (ZOD) Status kung saan ang mga kabahayan ay tumigil na sa pagsasagawa ng open defecation at gumagamit na ng maayos at malinis na pasilidad sa palikuran, at walang nakikitang dumi ng tao na lantad o nakakalat sa kapaligiran.
Sa kasalukuyan, nakapagbigay na po tayo ng 25 toilet bowls sa iba’t ibang barangay sa buong Virac at ngayong taon inaasahan natin na ang natitirang barangays ay matulungan nating maabot ang ZOD award.
Ang unang performance-based grant (PBG) ay personal kong natanggap noong Agosto 9, 2024, mula sa DOH Bicol Center for Health Development, na nagkakahalaga ng Php 3,346,203.09.
Sa pamamagitan po ng proyektong ito, ang ating munisipyo ay makatatanggap ng suporta mula sa PMNP sa anyo ng PBG, serbisyong pangkalusugan at pangnutrisyon, municipal grant allocation para sa mga sakop na komunidad/barangay, at mga pakete para sa pagpapalakas ng kakayahan at teknikal na tulong.
Makakaasa kayo na sa tulong ng Philippine Multisectoral Nutrition Project (PMNP) bababa na ang insidente ng stunting at malnutrisyon sa mga bata sa ating bayan.
Ang isang malusog na bayan ay isang produktibong bayan. Sa gitna ng krisis pangkalusugan, mas pinapalakas pa natin ang kahusayan ng sektor ng kalusugan at pagtiyak na may access ang bawat Viracnon sa anumang uri ng health services.
Malinaw na ang serbisyong pangkalusugan sa ating bayan ay isa sa ating pinakamalalaking tagumpay.
Maraming salamat sa pagtutulungan ng ating Municipal Health Office at Department of Health sa pangunguna ni Dra. Elva Joson at Municipal Nutrition Office, sa pangunguna ni Municipal Nutritionist Jocelyn Quinones.
EDUCATION
Nagpursige po tayong makapamahagi ng mga school supplies sa mahigit 1,800 na mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 6 sa pamamagitan ng Educational Support to Underprivileged School Children Program. Isa ito sa hakbang ng lokal na pamahalaan ng Virac upang maibsan ang mga hamon na kinakaharap ng mga magulang sa mataas na presyo ng mga bilihin at sa ating pagnanais na bigyang suporta ang pag-aaral ng kabataang Viracnon.
Patuloy ring lumalago—mula 99 na iskolar ng Catanduanes Colleges at Christian Polytechnic Institute of Catanduanes, ngayon ay umabot na tayo sa 194 Municipal Scholars para sa kasalukuyang taon.
Mahigit 23,869 na mag-aaral ang ating nabigyan ng pagkakataon sa kalidad na pag-aaral mula elementarya hanggang sekondarya. Sa 54 na Child Development Centers, mahigit 1,506 na bata ang natulungan at 177 Special Needs Education learners ang nabigyan ng developmental assessments.
Hindi rin po nawala ang ating rice assistance program kung saan limang kilong bigas ang natanggap ng bawat guro mula sa Virac North at South District sa nakaraang World Teachers Day bilang pagkilala sa kanilang pagod at sakripisyo.
Ang dekalidad na pampublikong edukasyon bilang isa sa pinakamahalagang puhunan para sa pagpapatibay ng bansa at pag-unlad ng ekonomiya, ay aming sinisigurong nabibigyan ng sapat na atensyon ang mga pangangailangan ng mga mag-aaral at guro upang malampasan ang mga hamon sa ating sistema ng edukasyon.
AGRICULTURE & FISHERY
Ang 2024 ay naging taon ng tagumpay para sa Municipal Agriculture Office (MAO), kung saan ipinamalas nito ang dedikasyon at komprehensibong suporta para sa ating mga minamahal na magsasaka at mangingisda.
Ang mga pangunahing proyekto tulad ng Palay Seeds Dispersal at Fertilizer Subsidy ay nakapaghatid ng malaking benepisyo sa daan-daang magsasaka.
Sa tulong ng Department of Agriculture (DA) at iba pang stakeholders, mahigit 548 rice farmers ang nakinabang sa libreng inbred at hybrid seeds, habang ang fertilizer subsidies ay nagbigay ng suporta sa halos 500 magsasaka. Ang ganitong mga inisyatiba ay hindi lamang nagpalago ng kanilang ani kundi nagbigay din ng inspirasyon para sa mas masaganang ani sa hinaharap.
Hindi rin nagpahuli ang MAO sa pagpapakilala ng teknolohiya sa sektor ng agrikultura.
Ang Digital Farmers Program ay nagbigay ng makabagong farm tech packages sa mga rice farmers, samantalang ang paggamit ng biocontrol agents ay nag-ambag sa sustainable pest management.
Ang mga ganitong hakbang ay nagpatunay na ang digitalisasyon at teknolohiya ay maaaring maging kaakibat ng tradisyunal na pagsasaka para sa mas mahusay na resulta.
Sa ilalim ng Fisheries Program, natutukan ang kalikasan sa pamamagitan ng mga aktibidad gaya ng coastal clean-up drives at monitoring ng sea turtle nesting sa Kisingsing, Bosdak, at Taelan Beach.
Magandang indikasyon po ang pagtaas ng 5% ng ating hatchlings kung saan mula 2,269 noong 2023, umabot sa 2,743 green sea turtles ang bilang ng hatchlings na ating na irelease sa karagatan nitong 2024.
Naging aktibo rin tayo sa fish catch monitoring at fisherfolk registration na nagbigay-daan sa mas organisado at ligtas na pangingisda.
Tayo rin ay naging partner ng Philippine Society of Otolaryngology-Head and Neck Surgery (PSO-NHS) at Bicol ENT Specialist (BEST) sa kanilang inilunsad na Project Gasang Artificial Reef Project kung saan nag-install tayo ng anim na konkretong module ng artificial reef para sa rehabilitasyon ng tirahan sa Barangay Balite sa tulong ng BFAR.
Bukod sa mga produktong pang-agrikultura, ang MAO ay nagbigay ng iba’t ibang pagsasanay at materyales para sa sustainable livelihood. Ilan dito ang training sa salted egg processing, broiler chicken production, at lumpia wrapper production. Ang ganitong mga aktibidad ay nagpalawak ng kanilang kaalaman at kasanayan, na naging pundasyon ng kanilang pangmatagalang kabuhayan.
Bilang pagkilala sa mahalagang kontribusyon ng mga magsasaka at mangingisda, idinaos ang Farmers and Fisherfolk Month Celebration na nagkaroon ng iba’t ibang aktibidad gaya ng Palay Quiz Bee at habulan ng baboy na nagbigay-aliw at nagpatibay sa pagkakaisa ng komunidad at sektor.
Sa kabuuan, mahigit 2,904 livestock ang nabakunahan laban sa mga sakit, habang 221 ang na-castrate upang mapabuti ang kanilang kalidad. Ang vitamin administration, deworming, at disease treatment ay nakapagbigay ng karagdagang proteksyon sa mga hayop, na nagresulta sa mas mataas na produksyon.
Bukod dito, ang Swine Dispersal Program ay nagbigay ng 18 piglets sa mga benepisyaryo upang panimula sa sustainable swine production. Ang mga ganitong inisyatibo ay hindi lamang nakapagbigay ng kabuhayan kundi nagtaguyod din ng food security sa mga komunidad.
Malaki rin ang naging papel ng Animal Welfare Program sa pagtitiyak ng responsableng pag-aalaga sa mga hayop. Nitong Agosto ay activated na po ang ating Animal Shelter sa community hub at sa pagtutulungan ng iba’t ibang NGOs at private individuals ay napapanatili natin na maayos ang kalagayan ng ating mga nahuling alaga.
Sa ilalim naman ng RBO Program, naipamalas ang kahalagahan ng pagtutulungan at pagsasanay para sa mga miyembro ng rural organizations. Ilan sa mga natatanging pagsasanay na isinagawa ay ang Training on Salted Egg Processing, Swine Breeding, Ube Molido Making, at Promotional Video Making. Ang mga ito ay nagbigay ng bagong kaalaman at kasanayan sa 7 asosasyon, na naging pundasyon ng kanilang pangmatagalang kabuhayan.
Bukod dito, ang Livelihood Development Program ay nagbigay ng mga kagamitan at materyales sa 23 Rural Improvement Clubs (RICs), na sinigurong maipapatupad ang kanilang mga proyekto nang episyente.
Nagsagawa rin tayo ng MAFC/MFARMC/4H Club Educational Tour upang may exposure ang mga miyembro ng rural organizations sa mga makabagong teknolohiya at pinakamahuhusay na praktis sa agrikultura.
Ang tagumpay ng mga proyektong ito ay hindi magiging posible kung wala ang suporta ng mga partner stakeholders tulad ng Department of Agriculture, PhilRice, ATI Bicol, Bureau of Fisheries & Aquatic Resources, Philippine Society of Otolaryngology-Head and Neck Surgery (PSO-NHS), Bicol ENT Specialist (BEST), Bureau of Animal Industry, Provincial Agriculture Services Office, Provincial Veterinary Office iba’t ibang NGAs at CSOs.
Lahat ng mga proyektong ito ay nakalaan upang mapaunlad ang ating sektor ng agrikultura at mabigyan ng nararapat na tulong ang ating mga magsasaka at mangingisda na siyang nagdadala ng pagkain sa ating mga hapag-kainan araw-araw.
Umaasa ako na sa lahat ng suportang natatanggap nila ngayon, mas maraming Viracnon ang mahihikayat na pasukin o balikan ang pagsasaka at mapabuti ang kita ng Virac sa pamamagitan ng agrikultura at kabuhayang rural.
INFRASTRUCTURE
Kasabay ng pagbubukas ng taong 2024 ay isinagawa rin natin ang blessing and inauguration ng ating bagong Municipal Treasurer’s Office na matatagpuan sa Old PNB Building. Ngayon ay maaliwalas at maluwag na ang kanilang opisina upang tiyakin ang mas maayos na karanasan para sa mga kliyente, pati na rin ang pagpapabuti ng saklaw at kalidad ng serbisyong ibinibigay.
Naglaan din tayo ng pondo sa renovation ng ating COMELEC Office, Bids and Awards Committee Office, MUGOVEA Office at Municipal Legislative (Sangguniang Bayan) building, waterproofing ng Rural Health Unit 1 sa Community Hub at pagpapatiles ng ating MSWDO Office.
Dahil na rin sa sunod-sunod na pag-uulan na ating nararansan, minabuti na rin nating maisaayos ang lagay ng bubong, pinagkukunan ng tubig, within the vicinity ng ating opisina sa pamamagitan ng waterproofing, construction of covered walk, paglalagay ng deep well with submersible pump at construction ng sewage treatment facility.
This shows our commitment to provide our personnel a conducive space to work and improve their efficiency.
Ilan pa sa mga karagdagang proyektong natapos nakaraang taon ay ang mga sumusunod:
Road concreting sa Calatagan Tibang to West Garden Phase II, Del Rosario St. Palta Big at; diversion mula Gogon Centro papuntang Imelda Boulevard sa bandang Virac Memorial Garden.
Ngayong taon asahan po ninyong magpapatuloy ang Phase 2 ng mga nasabing proyekto dahil may allocated budget na po tayo para sa mga ito.
Samantala, completed na ang mga naunang road concreting projects natin sa Sto. Cristo, Purok 4&6 San Isidro Village, Sogod Simamla. Pajo Baguio, at Marilima.
Naisaayos na rin natin ang mga sira-sirang kalsada sa mga sumusunod na barangay: Pajo San Isidro, Cabihian, Hawan Iilaya. Sta. Cruz to Rawis at JMA Poniton.
Napalawak din natin ang daan sa Antipolo Del Norte, Antipolo Del Sur, Buenavista, at kalsada sa tapat ng Taytay Elementary School.
Idagdag pa natin diyan ang concreting ng mga footpath o eskinita sa mga barangay ng Balite, San Vicente, Dugui Too, Hicming, Marcelo Alberto, Lanao, Sta. Elena, Rawis, Francia, Calampong, Calabnigan, Concepcion, San Juan, San Pablo, Tubaon, Bigaa, at Sogod Tibgao.
Iwas baha na rin sa Barangay Rawis and Real St. Calatagan dahil sa bagong drainage canal na inilagay natin nitong 2024.
Malugod ko ring ipinapaalam sainyo na malapit nang matapos ang pagpapatayo ng makabagong “AA” Slaughterhouse sa Barangay Bigaa sa tulong ng PHILIPPINE RURAL DEVELOPMENT PROJECT (PRDP) na nagkakahalaga ng 44 milyong piso. Bahagi ito ng ating planong modernisasyon ng VIRAC SLAUGHTERHOUSE.
Ngayong taon ay naghahanda naman tayo para sa pag-construct ng mga additional improvements na kinakailangan bago maging fully-operational ang ating slaughterhouse.
Sa tulong naman ng AKO BIKOL PARTYLIST SA PAMUMUNO NI CONGRESSMAN ELIZALDY CO, may ilang barangays na po ang nakikinabang sa Solar Water System – Level II project.
Good news din po sa lahat dahil may 29 units ng streetlights na tayong na-install sa mga barangays at main roads ng ating bayan. Tinitiyak natin na bago man matapos ang 2025 ay maliwanag ang bawat daan upang mapalayo sa kapahamakan ang ating mga residente at motorista.
Hindi na rin namomroblema ang ating mga Child Development Workers sa San Isidro Village dahil ating pinaayos ang nasirang Early Childhood Care and Development Bldg.
ni STY Rolly noong 2020. Ito po ang nagsisilbing day care center ng mga bata sa ating SIV Relocation Site.
Pinakahuli po ay para sa Brgy. Calabnigan, kung saan pinagsikapan natin na mabili ang lote na nagkakahalagang P400,000 na pagtatayuan ng kanilang Brgy. Plaza.
At sa tulong ng Chinese Embassy ay napondohan ang construction nito at ngayon ay may sarili na po silang lugar na pagdadausan ng iba’t ibang barangay activities.
ENVIRONMENT & URBAN ECOSYSTEM
Simula pa noon, naging malinaw at consistent na po ako sa aking adbokasiya—ang protektahan ang ating kalikasan, palakasin ang kakayahang makabangon mula sa mga sakuna, umangkop sa pagbabago ng klima, at bawasan ang mga epekto nito.
Ayon sa batas, lahat ng LGU ay dapat magkaroon ng solid waste management plan. Batay sa pinakahuling datos ukol sa pagsunod sa ESWM, mula sa National Economic Development Authority (NEDA) ay nagpakita na 620 lamang sa 1,634 LGU sa buong bansa ang nakasunod sa pambansang plano.
Kaya naman po siniguro natin sa ating termino ay makapagsumite na tayo ng ating 10 year solid waste management plan. Dahil sa ating pagpupursige, na-aprubahan po ang ating plano ng National Solid Waste Management Commission noong 2023.
Sa ilalim ng ating SWMP, pinondohan natin ang rehabilitasyon ng Temporary Residual Containment Facility na matatagpuan sa Brgy. Magnesia Del Sur.
Tinutukan din natin ang pag-implementa ng Materials Recovery Facilities (MRFs) sa ating mga barangay, at pagpapatupad ng “No Segregation, No Collection” policy at sistematikong waste collection.
Nitong Marso 2024 ay lumagda naman sa isang Memorandum of Agreement ang LGU Virac at Department of Agriculture – Fertilizer and Pesticide Authority para sa itatayong Composting Facility for Biodegradable Waste sa ating bayan.
Umabot naman sa 68,724 piraso ng bote ang ating nakolekta mula sa mga sumali sa ating Plastic to Rice Exchange Program. Nakakatuwa po na lahat ng 63 barangays ay nagpamalas ng pagmamalasakit sa ating kapaligiran bilang pakikilahok sa ating alternative approach to a Zero-Waste Virac.
16,651 assorted fruit trees at native hardwood trees naman ang ating naitanim sa Sibanhan Sub-watershed at Padurong watershed bilang parte ng ating reforestation efforts sa ating kabundukan.
Nakilahok din po tayo sa kabila-kabilang mangrove tree planting initiatives ng iba’t ibang NGAs at NGOs ng ating probinsiya.
Sama-sama po tayo sa adbokasiyang ito, let’s all be part of the solution not the pollution, ika nga.
DISASTER RESPONSE
Marami na ang nasabi tungkol sa resilience ng mga Pilipino pagkatapos ng bawat sakuna. Gayunpaman, ang banta ng natural hazards and extreme weather events sa kaligtasan ng ating mga komunidad ay nangangailangan na pantayan natin ng angkop na paghahanda.
Hindi na lamang ito usapin kung paano tayo tumutugon sa mga kalamidad, kundi kung paano natin sinusubukang pigilan o bawasan ang mga ito, lalo na ngayong ang matitinding kalamidad ay naging bahagi na ng tinatawag na “bagong normal.”
Nitong 2024 ay hinagupit tayo Super Typhoon Pepito at Tropical Storm Kristine na parehong sinubok ang katatagan ng bawat Catandunganon lalo na ng ating disaster response.
Dahil sa tuloy-tuloy na pag-uulan ay binaha ang ilang barangay sa ating bayan at may ilang mga residente ang nangailangan ng rescue. Dito ipinamalas ng ating magigiting na MDRRMO staff ang kanilang efficiency at strong resolve sa kanilang gampanin.
Katuwang ang ating mga kaibigan mula sa construction na nagpahiram ng kanilang water tankers, ay nag-ikot din ang ating MDRRMO water tank para sa Water Rationing sa mga lugar na apektado ng pagkaputol ng water supply.
Buong 2024 ay naging busy sa pag-conduct ng drills, first aid and basic life support training at emergency response ang MDRRMO sa ating mga barangay, paaralan, NGAs, at CSOs.
Nagsagawa rin tayo ng orientation on road safety and accident management sa ating mga tricycle drivers katuwang ang iba’t ibang TODA groups.
Kabilang sa ating mga proyekto ngayong taon para sa hanay ng mga mangingisda ang pamimigay ng lifejacket with whistle. Ito ay bilang bahagi ng ating kampanya sa pagpapalakas ng kamalayan ng publiko at pagbibigay-diin sa kaligtasan tuwing masama ang panahon.
Ang mga nasabing benepisyaryo ay mga registered fisherfolks mula sa barangay Batag, Francia, Ibong Sapa, Igang, Magnesia Del Sur, Magnesia Del Norte, Marilima, Palnab Del Norte, Palnab Del Sur, Rawis at San Vicente. Ngayong 2025 ay mamamahagi naman tayo sa natitirang mga coastal barangays ng Virac.
Pormal din na naiturnover nitong Hulyo ang mga emergency communications equipment sa tatlong barangay sa Virac (Dugui Too, Dugui Wala at Dugui San Isidro) mula sa Philippine Disaster Resilience Foundation (PDRF) sa ilalim ng Project REACHED o Resilient Emergency Communications for Enhanced Disaster Response.
Isa itong proyekto na pinondohan ng Australian Government sa pamamagitan ng Australian Aid, na sinusuportahan ng Office of Civil Defense, DICT, World Food Program at ng PLDT Smart at Globe.
TOURISM
Ang bayan ng Virac, Catanduanes, ay patuloy na nagiging modelo ng maayos at makabagong pamamahala sa turismo sa pamamagitan ng pagtulay ng kulturang pamana, proteksyon sa kalikasan, at pagsulong ng ekonomiya para sa kabuuang kaunlaran.
Matagumpay ang ating 11th Summer Barakalan Trade and Tourism Fair kung saan tampok ang mga Micro and Small Enterpreneurs katuwang ang DEPARTMENT OF TRADE AND INDUSTRY sa pamumuno ni MS. MA. BELMA ESCUETA.
Layunin nito na mas makahikayat ng mga dumarating na turista na tangkilin ang mga local na produkto sa ating bayan katulad ng Abaca handmade bags, mga local na kakanin, furniture at produktong agrikultura bilang pagsuporta na rin sa mga maliliit nating negosyante.
Sinusuportahan din natin ang mga umuusbong na eco tourism farms na nakakatulong sa pagpapaganda ng ating bayan at kaunlaran ng ating ekonomiya.
Ngayong taon ay nakapokus ang ating tourism section sa pag-improve ng digital marketing at paunlarin ang mga programang sa sustainable tourism.
Bibigyang-diin ang mga heritage sites upang gawing sentro ng cultural tourism. At pagtibayin ang data monitoring system para sa mas mahusay na pagpaplano ng turismo.
HOUSING PROGRAM
200 pamilya mula sa mga informal settlement at danger zones ang pinagkalooban ng kanilang lote para sa row housing units sa Virac Resettlement Project sa barangay San Isidro Village sa isinagawang orientation and raffle of house and lot nitong Nobyembre.
Ang unang batch na ito ay sumailalim na po sa beripikasyon ng NHA at LGU ng Virac noong nakaraang taon batay sa listahan ng mahigit sa isang libong kwalipikadong aplikante para sa Our Lady’s Village Resettlement Project.
Ngayong 2025 ay susunod na ang pagproseso ng mga lalagdaang agreements at magbubukas muli ng aplikasyon for 300 slots na isasama sa susunod na proseso ng beripikasyon.
REVENUE GENERATION
Base sa datos mula Enero hanggang Nobyembre 2024, nakapagkolekta tayo ng P79,168,663.97 local sources collection. Kung susuriin, ito ay bahagyang bumaba ng 1.8% kumpara sa ating nakolekta noong 2023 na P80,629,257.40.
Ang nakikita nating mga dahilan nito ay ang mga sumusunod:
Sinimulan natin ngayong taon ang construction ng Double A Slaughterhouse sa Brgy. Bigaa kung kaya’t naging limitado ang serbisyo nito. Ang kinikita sa slaughterhouse ang isa sa may pinakamalaking ambag sa ating LSC.
Pangalawa, kasalukuyang ipinapatupad ang RA 12001 o Real Property Valuation and Assessment Reform Act kung saan mayroong two years moratorium sa mga tax penalties related sa Real Property Tax.
Bagaman bumababa ng bahagya, bumawi naman tayo sa ating kinikita sa service and business incomes na nagpapakita ng pagiging business-friendly ng ating bayan.
Ang pagkakaroon ng Double A slaughterhouse ay isang mahalagang investment para sa isang bayan dahil nagdudulot ito ng pangmatagalang benepisyo sa agrikultura, kalusugan, at ekonomiya.
Maaari na tayong mag-ambag sa pag-export ng dekalidad na karne, lalo na sumusunod ito sa mataas na pamantayan sa kalinisan at operasyon, na ini-regulate ng National Meat
Inspection Service (NMIS) sa Pilipinas. Kaya naman ito po ay pagsisikapan nating matapos ngayong taon.
Nakamit din natin ang gantimpala para Collection Efficiency para sa taong 2023 at Top Performing Municipal Treasurer din ang ating Municipal Treasurer, Concepcion M. Benavidez na iginawad ng Bicol Association of Assessment and Treasury Inc., at Bureau of Local Government Finance Region V.
SPORTS & YOUTH DEVELOPMENT
Buhay na buhay ang larangan ng sports sa ating bayan nitong 2024. Ipinagpatuloy natin ang pagpapaunlad ng palakasan dahil mabisang paraan ito upang mailayo natin ang kabataan sa pagkakalulong sa bisyo lalo na sa paglalaro sa mga online games.
Nagkaroon din tayo ng mga paligsahan para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno, alumni, TODA drivers at iba pang kategorya.
Matagumpay ang ating Go Shine Catanduanes Tournament 2024 kung saan itinampok ang paligsahan sa iba’t ibang larangan ng sports tulad ng basketball, volleyball, badminton, table tennis, boxing, sepak takraw, futsal, dart, billiard, dodgeball, dancesports, mountainbike, motorista challenge, chess. Lawn tennis, at yakyakan tournament.
Nagpaabot din tayo ng tulong sa ating mga atleta na sumali sa Virac Municipal Meet, Palarong Bicol at Palarong Pambansa at sa iba’t ibang sports-related civil society organizations.
Asahan po ninyo na lalalawak pa ang ating sports program at sisikapin nating may suporta ang bawat Atletang Catandunganon mula sa akin.
EMPLOYEE EFFICIENCY
Sa taong 2024, 62 bakanteng posisyon ang napunan kung kung saan labing tatlo (27) ang nabigyan ng promosyon at dalampu’t lima (35) ang mga bagong talagang permanenteng empleyado. Sa kabuuan mayroon na tayong 185 LGU Virac workforce.
Pagpugay din po sa ating mga kapulisan dahil sainyong masigasig na pagpapanatili ng peace and order sa ating bayan at pagpapatupad ng KABATAAN KONTRA DROGA AT TERORISMO (KKDAT PROGRAM) na may layong mamulat at iiwas ang ating mga kabataan sa impluwensya ng masamang bisyo at ng panghihikayat ng mga teroristang grupo.
Sa pinakahuling assessment na ginawa ng Regional Oversight Committee for Barangay Drug Clearing Program ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nitong Setyembre 2024, dalawang barangay sa bayan ng Virac ang naideklarang Drug Cleared Barangays. Kinabibilangan ito ng Barangay Concepcion at Palnab Del Norte.
Isang taon na rin ang nakalipas mula nang opisyal na-i-turnover ang dalawang bagong 1000-gallon capacity firetruck unit sa ating Virac Fire Station mula sa BFP Central Office at Department of Interior and Local Government (DILG).
Hindi magiging serbisyong mabilis at serbisyong malinis kung hindi dahil sa ating mga Department and section heads, LGU employees mapa COS o Job order man. Ang ating pagtutulungan ang ating pinakamabisang puhunan lalo na kung ito ay may kasamang pagpapakumbaba, pasasalamat, at pagsusumikap.
Kayo at ang mga Viracnon ang kumikilos para sa pag-unlad ng ating bayan. Maraming maraming salamat po sainyo.
Ilan lamang ito sa mga proyektong patuloy nating isinusulong para sa mga Viracnon.
Bagama’t nalalapit na ang pagtatapos ng aking termino bilang inyong Alkalde, asahan ninyo na hindi dito magtatapos ang patuloy na pag-unlad ng ating bayan.
Marami nang naumpisahan pero marami pa ring kailangang punan. Sabi ko nga, minsan ang tunay na tagumpay hindi nasusukat gamit ang measuring tape o ng kung ano mang ranking. Minsan ang tagumpay ay nakikita:
Sa bawat batang nakapag-aaral, may isang pamilya ang may pagkakataong makaahon sa kahirapan.
Sa bawat magsasakang nabibigyan ng binhi at iba pang mapagkukunan, isang buong komunidad ang nagkakaroon ng mas masustansyang pagkain.
Sa bawat barangay na nabibigyan ng tubig at kuryente, isang bayan ang maipagmamalaki ang mas mataas na antas ng produktibidad.
Sa bawat pamilyang ating inaabot, tayo ay nag-aambag sa pagpapabuti ng buhay ng buong komunidad.
Ang mga nakamit nating parangal ngayong taon, kabilang na ang 2024 Seal of Good Local Governance ay isang pagtapik na tayo ay nasa tamang landas at maayos nating naihahatid ang mga serbisyo para sa bawat mamamayan.
Ang may higit na halaga ay ang hindi mapapawing marka na iiwan natin sa buhay ng mga taong tunay nating pinaglingkuran.
Kaya naman po, ngayong 2025, sisimulan na po natin ang renovation ng ating Rural Health Unit 1 upang mas makapagbigay tayo ng mabilis at malinis na serbisyong medikal.
Ang pondo nito ay magmumula sa nakuha nating SGLG Incentive Fund bilang isang Municipal LGU Awardee.
Dagdag pa rito pagsisimula ng renovation ng ating old municipal building kung saan ating iha-highlight ang cultural heritage at pagtampok ng sense of identity ng ating bayan.
Sa pagpirma natin ng Memorandum of Understanding para sa implementasyon ng paggamit nin DOST technologies sa mga programa at proyekto ng ating lokal na pamahalaan asahan ang tuloy-tuloy na roadmap development para sa SMART future ng Virac!
Bibigyang pansin din natin ang mga on-going water system and solar water pump construction lalo na at malapit na ang summer, kokonti na ang ating water supply.
Pagtutulungan din nating mabigyan ng sariling lote ang ilan sa mga barangay ng ating bayan upang makapagpatayo na ang mga ito ng kanilang sariling barangay plaza.
Sa paglingon sa nakalipas na dalawang taon, nagkaroon ako ng pribilehiyo na masaksihan nang personal kung paano ang diwa ng bayanihan ay maaaring humubog ng mas mabuting Virac na maipagmamalaki nating ipamana sa susunod na henerasyon.
Nagpapasalamat po akong muli sa ating Padaba, Governor Joseph Boboy Cua, at sa kanyang kapatid Vice Governor Peter Boss Te Cua pati na rin sa ating kapwa Bicolano, ang ama ng Probinsiya ng Sorsogon, Governor Jose Edwin Hamor dahil sainyong pagmamalasakit at pagtugon sa pangangailan ng Virac, ay nabigyan ng construction materials ang mga residenteng labis na apektado ng Bagyong Pepito.
Kung may isang bagay akong natutunan sa kalagitnaan ng aking paglalakbay, ito’y ang pagdiskubre ko sa aking lakas kung bakit ko pa ninanais magsilbi at manatiling tuparin ang aking pangako mula pa noong unang pag-upo ko bilang alkalde Ito ang kagustuhang mabigyang ng pagkakataon ang isang Viracnon na iangat ang kanyang buhay, lumikha ng makabuluhang pagbabago, at bigyan ng pag-asa ang ating mga kababayan na mas mangarap pa.
Baguhin, hindi lamang ang kasalukuyan, kundi pati ang maaaring dalhin ng kinabukasan.
Sa biyaya ng Poong Maykapal, idinadalangin ko ang masaganang buhay at isang mapagpalang araw para sa ating lahat.
Para sa kapakanan ng ating mga kababayan at sa patuloy na pag-unlad ng ating bayan, maaasahan ninyo na ipagpapatuloy ko ang SERBISYONG MABILIS, SERBISYONG MALINIS. GO SHINE VIRAC! GO SHINE CATANDUANES!
