TINGNAN NATIN:

LOCKDOWN NA NAMAN

NALOKO NA, LOCKDOWN NA ULI – Sa Amerika at maging sa ibang bansa na ang populasyon nila ay halos bakunado na lahat ay bigla na namang tumataas ang bilang ng mga tinatamaan ng Covid na ngayon ay Delta variant na. Ayon sa ulat, ito ay 97% na mabilis na nakakahawa at wala itong pinipili bata man o matanda. Ang Amerika na kung tutuusin ito ang bansang nabakunahan na ang buong populasyon nila ay kasalukuyan ngayong namomroblema sa biglang pagtaas ng bilang ng mga natatamaan ng Covid-19 at Delta variant na ayon sa ulat una itong nadiskubre sa UK hangga’t sa kumalat ito at dumami sa bansang India at ngayon ang sentro ng Delta variant ay naririto na sa Indonesia at ngayon nga ay nakarating na dito sa ating bansa.

******

DAHILAN KUNG BAKIT NAALARMA ANG ATING GOBYERNO?  Ang talagang maliwanag na dahilan kung bakit muling ipinatutupad ang mga kuwarentinas ay para mapigilan ang pagpasok sa ating bansa ng Delta variant na positibo ng nakapasok sa ating bansa dala ng ilan nating mga kababayan galing sa ibang bansa. Pero pinipigilan nating huwag makapasok ang Delta variant, ito namang lokal na Covid-19 ay hindi pa rin natin masugpo-sugpo! Katunayan ang maraming tinatamaan ng Covid-19 ay ang  buong bansa halos. Kaya nasa tamang hakbang ang ginagawa ng gobyerno natin na hikayatin ang mamamayang Filipino na lahat magpabakuna na dahil mayroon  na tayong sapat na bakuna at maaaring bago matapos ang taong kasalukuyan ay baka lahat ng Filipino ay bakunado na. Lumabas na tayong lahat, magpabukuna na tayo para may laban ang katawan natin kontra Covid at Delta variant.

******

KAKASA LABAN KAY SANCHEZ – Totoo ba ang balitang kumakalat na meron daw isang taga-Virac ang tatakbong congressman para harapin ang kasalukuyang congressman Hector Sanchez sa eleksyon 2022? Hindi kumpirmado ang balitang ito? Pero sabi tiyak may kalaban daw ito si Cong. Sanchez? Ang sigurado ako, hindi ako ang makakalaban ni Sanchez! Isa pang balita na tiyak na rin daw na may makakatapat si Gov. Bobby Cua. Ganun din daw si Vice  Governor Shirley Abundo. Biniro ko si Atty. Dexter Francisco at malamang daw na baka makisali siya sa katuwaan! Ang magandang balita ay ang balita sa Viga kung saan ay wala raw gustong tapatan si Mayor Bong Tarin. Iyon daw gustong lumaban sana kay Mayor Bong Tarin ay nagpasiya na lang na hintaying matapos ang termino ni Mayor Tarin. Tulad sa San Andres si Atty Nonong Mendoza ay tila wala ring gustong tumapat sa kanya. Puwede na siguro akong umaply na street sweeper kay Mayor Nonong Mendoza at kay Mayor Bong Tarin ng Viga? Sa Pandan talagang masaya ang laban doon. Maraming gustong tapatan si Mayor Tabligan. Samantala sa bayan ng Panganiban sa Norte babalik daw si dating PBM Greg Angeles. Kaya ang mayor ng Panganiban magkakaroon ng kalaban.

*******

MGA KANDIDATONG NAGMAMARUNONG – Ang mga kakandidatong pangulo ngayon mga mayayabang. Kung umasta, akala mo pagkagagaling. Tulad ni Isko Moreno kung umasta, akala mo kung sinong abogado na maalam masyado sa batas. Pero hindi naman abogado, natuntong lang ng College of Law sa Arellano University, kung umasta abogado na. Si Lacson, isa pa, kung umasta may alam sa international law hindi naman abogado pero akala mo maalam sa foreign policy. Isa pa itong si Pacquiao, natuto lang ng konting paliko-likong English akala mo may alam na sa kung papaano patatakbuhin ang gobyerno ng Pinas? Sa totoo lang ang totoong mga abogado sa kanila ay si VP Leni Robredo at si Mayor Sarà Duterte ng Davao City. Pero ang gusto ko at hindi mahambog at hindi nagmamarunong hindi ipinagyayabang ang karunungan niya ay ang mayor ng Davao City. Abogada pero hindi mayabang, hindi nagmamarunong, at saksakan pa ng ganda, huwag lang babastusin at gagaguhin at may pag lalagyan ka. Mamili na tayo Sarà Duterte o Leni Robredo ang ating kababayan. Iyong mga nagmamarunong itapon na natin sa kangkungan. Puro lang kayabangan ang mga ulikba na iyon! PabIda kontrabida, mayabang, nagmamarunong kahit hindi naman marunong at walang alam talaga, papogi, nakakahiya!

*******

Dapat manalo uli ang TGP Partylist ni Bong Teves. Maganda ipinapakita ng kongresman na ito. May Covid o wala nagpapakita siya at gumagawa, kumikilos at ginagampanan ang trabaho niya. Kahit buong bansa ang sakop niya ginagampanan niya at tinutupad niya ang kanyang tungkulin na siya namang dapat. Sana muli siyang maluklok sa nasabing puwesto. Mga katulad niya ang kailangan natin.

********

Sana madagdagan ng isa pang kongresman ang TGP partylist para may kasama si Cong. Bong Teves. Magagawa natin iyon kung tayong mga taga-Catanduanes ay magtutulong-tulong na maging 80 mil ang boto natin sa TGP sa darating na eleksyon. Tangkilikin natin ang nakakatulong sa ating probinsiya.

*******

Ibinulgar ni Onyok Velasco ang ginawa sa kanya ng siya ay manalo sa Olympic ng silver medal sa boksing na kung saan may mga pangako sa kanyang pabuya pero hanggang pangako lang at hanggang ngayon hindi pa niya natatanggap. Sana raw ay hindi ito mangyari sa mga mananalo ngayon tulad ni Diaz, Petecio, Marcial at iba pa na maaaring mag-uwi ng medalya ng karangalan. Panahon pa Iyon ni Ramos kung hindi ako nagkakamali.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: