Tingnan Natin:

REVOLUTIONARY GOVERNMENT IKINAKASA

Ibinasura ng Korte Suprema ang protesta ni Bongbong Marcos laban kay VP Leni Robredo sa isinagawang en banc sesyon nito kamakailan. Ayon sa mga nakakaalam ng batas tungkol sa kasong ito, puwede pa raw mag-file ng motion for reconsideration si Marcos. Pero hanggang sa ngayon ay tila wala nang pagpakitang interesado pa ang kampo ni Marcos. Ang tanging maririnig na lang galing sa kampo ni Marcos ay pagsasabi raw nitong kakandidato itong pangulo. Na siya namang dapat na gagawin niya dahil kung magpapatuloy pa siya sa protesta ay kapos na sa oras. Malapit na ang eleksyon at ito dapat ang paghandaan niya kung totoong tatakbo siyang presidente. Isa pa, ibinasura na ang protesta (niya) Marcos at iyon ay marumi na, nahalo na sa iba pang basura. Kaya move on ka na, Marcos. Huwag ka lang kakandidatong pangulo dahil si Grace Poe ang kandidato ng oposisyon at hindi si Robredo. Nabalitang kapatid mo raw si Grace Poe kaya hindi magandang magkapatid ang maglalaban. Robredo uli ang labanan mo, Marcos, para rebansa. Sabi nga at diyan makikita ang kung sino ang totoong panalo.

******

Samantala ang Run Sarà Run ay kumikilos na sa halos buong bansa at sa tingin ko ay hindi na ito mapipigilan. Mayor Sara Duterte ng Davao City ang tinatangkilik nila. Kamakailan, may grupo ring inilunsad ang mga Sarà Duterte at ang pangalan ay ISDA, na ang ibig sabihin ay INDAY SARA DUTERTE AKO.

Ang mayor ng Manila na si Isko Moreno ay nagpahayag na rin na kakandidato ring pangulo. Sana si Gordon at Lacson magpahayag na rin na kakandidato rin silang pangulo. Si Pacquiao tila nagpapagibik din. Itong sina Sotto, Recto, Drilon naghihintay lang na kalabitin sila at tiyak ang tatlong iyan pero sa pangalawang pangulo. Mga graduating na sila sa senador kaya kung hindi sila mapansin sa pangalawang puwesto malamang sa kongresman o sa gobernador ang sabak nila.

******

Ang trending ngayon ay ang grupong inaakit si Pangulong Duterte na magdeklara ng Revolutionary Government para sa pagtatatag ng bagong gobyerno na Federalismo. Ayon sa source, buong bansa ay kikilos para maisakatuparan ni Duterte ang Federalismo na ipinangako niya noon. Sabi pa rin ng mga tagapagsalita ng grupo, panahon na rin daw para baguhin na ang ating Saligang Batas. Mahigit 30 taon na ito at marami nang dapat baguhin para mapabuti ang takbo ng ating gobyerno, sabi pa ng grupo ng nanghihikayat kay Duterte para ideklara ang RevGov. Panahon na rin daw na mawala ang pagiging imperialista ng Manila na kung saan ay centralized ang pondo ng gobyerno natin sa ilalim ng unitary government. At ang sagot daw sa pagiging imperialista ng Manila ay ang Federalismo. Sa Federalism ang pondo raw ng bawat rehiyon ay tiyak na para lamang sa nasabing rehiyon. Sa kasalukuyang sistema ng gobyerno natin, ang nagdidikta raw ay ang Manila bilang sentro ng ating gobyerno. At totoo naman dahil sa ngayon lahat halos na malalaking proyekto ng bansa natin ay nakasentro lamang halos sa Metro Manila. Ang ibang rehiyon ay naghihintay sa kung ano ang matitira ng taga-Manila. Tama lang sa mga sinasabi nila na federalismo ang sagot sa problemang ito. At least kung ano ang para sa rehiyon Bikol ay nakalaan para sa atin at hindi puwedeng pakialaman ng taga-ibang rehiyon. Tama naman, di ba ?

******

Ang problema ay kung makukumbinsi ng mga grupong maka RevGov si Pangulong Duterte? Ano ba ang kilos ba nila ay naaayon sa batas o hindi? Ang kilos ng mga nasabing grupo ay naaayon daw sa batas dahil People’s lnitiative daw ito kaya nga ang ginagawa nila ay kumbinsihin ang pangulo na ideklara ang RevGov para sa isang layunin na maisulong ang Federalismong Gobyerno. Medyo masalimuot pero ginawa na rin ito ni yumaong Cory Aquino at nabago nga ang ating Saligang Batas. Iyon ay 34 taon na ang nakararaan. Sa ngayon nga ay hinog na hinog na para baguhin ang mga dapat baguhin sa ating Konstitusyon.

******

Ano naman kaya dito sa atin? Makahabol kaya sa funding para sa pambili ng number one merchandise ng mga seller ang mga buyer? Ang eleksyon dito sa atin ay para sa dalawang tuso lang naman, di ba? Ang seller at ang buyer! I am the seller and you are the buyer. Ang seller iyong mga botante at ang buyer ay iyong mga  kandidato (politico). Ito ay ginagawa na sa buong bansa at mas malala pa sa ibang lugar dahil nagpapatayan pa sila. At least dito sa atin buy and sell lang. At nagkukumahog na sila dahil sa baka kapusin sa oras. Wala pa silang hawak na pang-buy ng boto. Delikado at oras de peligro na! Pero sa mga dating gumagawa ng kawalanghiyaan, madali lang dahil maadbans na para sa proyekto. Ayos, di ba?

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: