Tingnan Natin:

CHARTER CHANGE MALABO; REVGOV ISINUSULONG PARA SA CHACHA

Hindi raw mapipigilan ni Duterte ang kanyang anak na si Mayor Sarah na tumakbong pangulo ng bansang Pinas. Katunayan ay nagpahayag na raw itong tatakbong pangulo. Si Bongbpng Marcos ay interesado rin sa panguluhan. Wala pang nagpahayag sa dalawa na nagsasabing sigurado na sila sa isa’t-isa. Pero may isang siguradong-siguradong tatakbong alkalde ng bayan ng San Andres si Atty. Nonong Z. Mendoza.

*****

ABS-CBN, tapos na ang mga pagpupunyagi ng mga nagsusulong na muling mabigyan ng prangkisa ito. Sina CHARTERSoto, Grace Poe, at iba pang mga senador at mga kongresman sa pangunguna nila Atienza, Vilma Santos at iba pa ay finish na, ani Cong. Marcoleta at Mike Defensor.

Ang dahilan ay ang maramihang paglabag nito sa batas. Kaya ayon kay Duterte, kahit ilang bill daw ang ipapasa nito sa Kongreso, hindi raw ito maaaring ipatupad. Magbayad daw muna ito sa gobyerno ng mga pagkakautang nito na abot na raw sa trilyong piso. Matatandaang pinagbabayad ang ABS-CBN ng Supreme Court sa milyong-milyong pisong mga pagkakautang nito sa mga empleyadong pinagtatanggal sa trabaho nila. Isa pa rin ito sa mga paglabag sa batas na sanhi ng hindi pagka-renew ng prangkisa ng nasabing network.

*****

Diyan sa Senado, may mga senador diyang mga pabida na akala mo pagkagagaling sa halos lahat ng bagay. Isa diyan si Lacson. Grabe, akala mo alam lahat. Hindi pa ginagawa at hindi pa nangyayari, may hatol na agad. Sabi nga, sobrang judgmental! Diyan sa SP ng probinsiya natin, meron din daw diyan PBM na kung umasta akala mo kung sinong pagkagaling-galing. Hoy…gasgas na plaka mo. Hindi na bebenta yan! Balik tayo sa Senado. Isa pa sa sobrang sihungan sa senado na puro satsat at wala namang naipapakitang nagawa niya sa kanyang panunungkulan ay si Gordon. Walang ibang inaatupag kundi Red Cross. Sana mag-resign na siya sa pagiging senador at mag-full-time siya sa Red Cross.

******

Sina Senador Drilon, Sotto, at Recto ay graduating na sa Senado kaya huling pagmamayabang na ang mga ipinakikita nila. Mag-iisip na sila kung sila ba ay kakandidatong kapitan ng barangay, kagawad o tanod kaya? Puwede rin silang mag-transfer dito sa Catanduanes para kumandidatong kagawad sa mga munisipyo dito sa Virac, sa San Andres, at iba pang munisipyo dahil marami ring mga magtatapos na ang kanilang termino. Puwede ring kumandidato silang PBM marami na ring magtatapos ang termino nila. Huwag lang si Drilon na madalas natutulog sa sesyon! Si Sotto walang problema dahil dati siya sa Eat Bulaga. Madali lang naman mag-transfer ng rehistro, di ba?

******

Malamang na hindi matuloy ang Charter Change (cha-cha) dahil diyan sa Kongreso sa Upper at Lower House ay hindi sila magkasundo. Nagpapataasan ng ihi at feeling pagkagagaling nila?  Iyong mga kongresman, gusto pagdating sa botohan dapat joint o isa ang pagboto sa kung anumang napagkasunduan nilang mga pagbabago sa Saligang Batas. Ayaw naman ng mga senador dahil lugi sila dahil 24 lang bilang ng mga senador samantalang mahigit 300 ang mga kongresman. Kaya malabong matuloy ang ConAss.

******

Samantala, merong mga grupong ang isinusulong ay ang Revolutionary Government (RevGov) kung saan hihimukin ng mga taong bayan si Duterte para magdeklara ito ng RevGov para lang maisulong ang Chacha. Sa pamamagitan nga ng RevGov, walang makakapigil sa pangulo para palitan ang ating Saligang Batas. At ito ay ginawa na noon ni Cory Aquino kaya itong 1987 Constitution ay naisakatuparan sa ilalim ng Rebolusyonaryong Gobyerno. Ang tanong, gagawin din kaya ito ni Duterte para lang sa pagpapalit ng ating Saligang Batas na kung saan ito ang bukambibig niya sa panahon ng kanyang pangangampanya sa panguluhan at maging nang siya ay nahalal ng pangulo?

******

Kung matuloy ang Federalismong gobyerno, natin magkakaroon ng malaking pagbabago sa ating gobyerno. Sa mga panukalang pulitikal, ang mga senador ay ihahalal by region. Tatlong senador bawat rehiyon at magkakaroon na rin ng regional governor bukod sa dating mga provincial governor. At marami pang mga dapat baguhin lalo iyong tungkol sa economic reforms. Ito ay kung matutuloy ang ChaCha? Pero kung hindi matutuloy, malamang matutuloy pa rin ang pantomina mayor boda menor!

******

Pebrero o Marso ang mga buwang nakatakdang dadating ang bakuna sa ating bansa na bibilhin ng ating pamahalaan at iyong mga iba pang mga nagmamadaling makakuha ng bakuna. Sa ginawang survey, marami ang nag-aalangang magpabakuna sa pangambang baka sa halip na mabuhay sila nang matagal ay baka lalo pang mapadali ang buhay nila. Kung ako ang tatanungin, laban na ako. At least kung matepok, may mga taong sisisihin kung ano ang sanhi ng kamatayan mo. Kaysa naman namatay ka ng dahil sa Covid. Wala kang puwedeng sisihin kundi sarili mo lang. Pero kung namatay ka dahil sa bakuna, may mga taong mananagot sa kamatayan mo. Di ba at least?

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Discover more from Catanduanes Tribune

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading