Maliwanag na tinatakpan lang ang paghihirap ng mga Pinoy. Inilihis ng landas ang mga isyu, inilalagay ang mga isyu sa South China Sea at doon naka-focus ang lahat ng isyu, hindi sa paghihirap ng mga Filipino. Maliwanag na pambubudol na naman, continuation ng dating ginagawa ng kasalukuyang admin. Kailan kaya titigil ang panlolokong ito sa mga Filipino? Harap-harapan na lokohan na talaga, wala nang humpay na panloloko ang ginagawa sa atin. Kung makayanan pa natin, gawin lang natin ang nararapat dahil mahirap naman kung gagawa tayo ng hakbang na ikasisira ng bawat isang Pinoy. Sanay naman tayo sa pagpapasensiya habang kaya pa natin gawin natin hanggang sa matodas tayo sa kawalanghiyaan ng mga lider natin na mistulang nagpapaalila sa mga dayuhan. Wala tayong pakialam kung ang pakikitungo sa kanila ay makakasama. Ang importante nabubuhay tayo na punong-puno ng pagpapasensiya at matiyaga nating itinataguyod ang batas kuno na ipinatutupad ng ating mga lider.
*****
Ang tanong, bakit tayo ang number one target ng mga kalaban ng mga Amerikano? Samantalang kung gagawin naman nating maging neutral ay magagawa naman natin? Sabi kailangan daw magpaalila muna dahil sa proteksyon sa ating sarili. Kailangan daw munang himuran ang wetpu ng bankala dahil kung hindi hindi ka tutulungan paris ng ginagawa sa atin na parang sarili na ang bayan natin ng mga dayuhan. Napakasakit kuya Eddie, nagiging target tayo ng mga kalaban dahil kung hindi di tayo matutulungan dahil naaayon ang lahat sa kasunduan. Pero alam nyo bang ang pangulo natin ay ayaw sa EDCA o pakikipagkasundo sa USA. Anong nangyari at kung puwedeng himurin ang wetpu ng mga Amerikano ay gagawin niya? Ang buhay nga naman. Ngayon kalaban mo kunwari, bukas makalawa kasama mo na at handang ipaglaban ang lahat mapagbigyan lang ang pagiging pretentious mo. What the heck, sabi nga ng kaibigan kong isang manunulat. Tama, no man is an island, pero dapat ilagay sa tama ang pakikipagkaibigan. Hindi naman pupuwede iyong kahit wetpu ng kaibigan mo, hihimuren mo na rin dahil kaibigan mo. Grabe na iyan lampas na sa pagkakaibigan. Ang tawag diyan babuyang pagkakaibigan!
*****
Ano kayang hitsura natin kapag naging target tayo ng mga kalaban ng USA? Ano kayang gagawin ng mga Pinoy? Ang daming kalaban ng Amerika, siguro tulad ng dati uubusin muna tayo ng kalaban at pagkatapos sasabihing I shall return kung saan ubos na ang damo saka dadating ang tulong ni Biden kasi marami ang kalaban eh. Pero kung naging katulad tayo ng ibang bansa na walang kalaban at kinakampihan siguro, hindi tayo magagalaw dahil neutral nga tayo. Ngayon number one target na tayo at maaaring tamaan tayo ng mga mapaminsalang bomba ng kalaban ng amerika. Huwag naman sanang manyari at gawin sana ito sa mga humihimud sa wetpu ng mga Kano. Masakit tanggapin ang katotohanan pero nandiyan na tayo, ang mga lider natin ang may gawa ng lahat at tayo ay mga tagasunod lamang ng kagaguhan ng ating mga lider na bukod sa mayayabang ay mga hambog pa.
*****
Sports muna tayo. Nakakabanas na puro digmaan ang pinag-uusapan natin pero ang totoo wala namang tayong kakayahan. Ang ipinagyayabang lang natin kakayahan ng ibang bansa, hindi ang sarili nating bansa na kahit insurgency hindi kaya tapusin, magyayabang pang magiging superpower tayo sa mga hinaharap. Nakakahiya pero totoo naman hindi nga malutas-lutas ang inflation sa bansa, magus-superpower pa? Ang kakapal ng mukha! Maanong magpakatotoo nga kayo, mga hambog! Balik sports tayo dahil sa nangyari sa CCS na dalawang talo na at malamang hindi na makapasok sa semi-final. Pero ang tumalo sa kanila na Angels pinataob nila kamakailan. Unpredictable talaga ang laban at ang hirap mahulaan. Ang tinutukoy ko po ay ang PVL o ang larong volleyball sa mga babae. Abangan natin at parang labanang Ukraine vs Russia.
*****
Nakalagay sa balita na handa na ang Pinas laban sa China pero ang nakalagay pa sa isang balita rumesbak na nag-USA laban sa China. Lumalabas na ngayon na ang kalaban ng China ang USA at hindi na ang Pinas. Pero pag nagkatuluyan ang Pinas vs China, ang number one target ng China ang Pinas. Iyan ang tandaan natin walang duda yan number target ng China ang Pilipinas kaya maraming Pinoy ang kawawa sa atin dahil sa paghahamon ng digmaan ng Pinas.
*****
Sa basketball naman, sa labanang Magnolia vs Northport, nagwagi ang Magnolia sa score na 104-97 starring si Ian Sanggalang. Maganda ang laban lalo ang magagandang tirang 3-points ni Paul Lee, ang tinaguriang angas ng Tondo, nagpakitang gilas na naman siya at nakakatuwa talaga. Ganoon din si Barroca at Jalalon, lalo na ang pagbabalik ni The Beast.
*****
Noong nakaraang linggo, April 8, maraming lumabas na kababalaghan sa ating pali-paligid at maraming sinasabi ang mga tao lalo na ang mapagpaniwala sa mga kababalaghan. Maraming mga paniniwala tungkol sa eclipse. Ang sabi masama daw lumabas yung buntis ka dahil hindi raw matutuloy ang pagubuntis mo. Ang iba naman ang paniniwala nila, kung nagpapatayo ka ng bahay, hindi matutuloy ang pabahay mo at ang bahay mo mananatiling nakatayo na lamang. Ang iba naman nagsasabing tatlong zodiac signs daw tatamaan nito pero hindi ko babanggitin kung anong mga zodiac sign yan, baka makasagasa pa ako, sumama ang loob sa akin ng tao.
*****
Ang tungkol sa tatlong zodiac signs ay ito: sa mga lalaki, sila ay magkaka-asawa kung binata pa pero ang masama magkakaroon sila ng buntot sa likuran at harapan at ang masama pa magkakaroon lang ng isang malaking mata sa noo. Ang sama ng hitsura at nakakatakot. Ang babae naman, halimbawang magbubuntis pa lang, magkakaanak naman ito ng dalawa ang ulo, ang isa sa halimaw at ang isa pagkagandagandang mukha. Pero may kakambal pang ahas na mga dalawang metro ang haba at parating naka linya na parang nag-aabang ng matutuklaw. Ang masama pa. lumalabas ito kung gabi at naghahanap ng matutuklaw.
*****
Ang isa pang zodiac sign, na kung ito raw ay babae at wala pang anak. pag nag asawa ito ito ay pilay pero magtataka ang mga tao pilay ito gayong tatlo na ang paa. To make the thing worse, apat ang kamay nito, ang mga daliri, daliri ng sa manok na mayroon ng tari handa nang isabong. Ang masama pa ay may kakambal itong baboy at kambing. Kaya bale tatlo ang magiging anak niya. Kung lalaki naman, pag nag-asawa siya, ang magiging asawa niya may palong at mukhang zombie pero hindi nanakit ng tao. Dangat nga lang ang iniinom niya dugo ng langka kaya malamang maubos ang langka sa Pinas. Ang masama pa ang gustong pagkain karne ng daga. Ang pangatlo irereserba ko sa susunod na labas ng CT, huwag lang kayong magtataka dahil masyadong horror ito. Ang lahat epekto ito ng eclipseng kadadaan pa lang sa atin. Hanggang sa muli mga ka-horror! At pakikinggan nyo palagi ang Total Eclipse of the Heart ni Bonnie Tyler dahil maski pa natutulog kayo maririnig nyo!
