TULOY SI MAYOR PETER “BOS TE” CUA SA BISE GOBERNADOR

TULOY NA TULOY SI MAYOR PETER “BOS TE” CUA – Isang mapagkakatiwalaang source ang nagbunyag sa akin kamakailan na 95% daw ang pagkandidato ni Mayor “Bos Te” Cua sa pagka-bise gobernador sa probinsiya ng Catanduanes. Tanong: bakit 95% lang? Bakit hindi na niya itinodo? Sabi sa akin ng source ko, tila meron daw ilang kumokontra pero maaayos daw at malamang na kung magkakaroon man ng problema, tiyak na mapaplantsa ito hanggang sa pag-filing ng COC. Napag-alaman ko rin na may ilan pang nagbabalak kumandidatong bise gobernador bukod kay Mayor “Bos Te” ng San Andres.
Samantala tila wala yatang gustong tumapat kay Gob. Boboy Cua sa pagka-gobernador, ang kasalukuyang gobernador natin. Ang nabalitaan kong pinag-aagawan ay ang puwesto ni Cong. Hector Sanchez. Bakit kaya? Bakit naman kaya walang gustong lumaban kay Gob. Boboy Cua? Kay Sanchez, maraming gustong labanan ito. Dahil ba sa bihira nitong bisitahin ang probinsiya at hindi siya masyadong malapit sa mga tao o dahil sa magpapakita lang siya dahil eleksyon na naman? Hindi natin alam ang totoong dahilan. Sa parte naman ni Gob. Boboy Cua, simple lang dahilan kung bakit walang gustong tumapat sa kanya. Gusto siya ng mga tao at madali siyang nalalapitan! Opposite ni Sanchez si Cua. Kasi nga naman ang opisina ni Sanchez ay sa kongreso. Pero ang sabi naman ng iba, bakit daw si Cong. Bong Teves at si dating Cong. Cesar Sarmiento noon visible sila sa probinsiya? Iyon ang hindi ko na alam at kayo na ang bahalang alamin kung bakit. Sa tandem na Cua at Cua, saludo ako diyan. Bakit maganda ang takbo ng gobyerno sa Davao? Ang mayor Sarah Duterte, ang bise alkalde Baste Duterte. Kaya kung mangyayari ang Cua at Cua, lalong gaganda ang takbo ng probinsiya! Sa Isabela ganyan din Dy ang governor, kongresman Dy, pati mayor Dy at napakaganda ng takbo ng nasabing lalawigan. Sa Taguig ganyan din. Kongresman Cayetano, Mayor Cayetano, at Sen. Cayetano. Sa Cavite, ganyan din Governor Remulla at ang kongresman Remulla din maging sa Bacoor, Cavite, mayor Lani Revilla, kongresman Strike Revilla at Senador Bong Revilla. Sa Cam. Sur, Gov. Migz Villafuerte, Cong. L Ray Villafuerte at marami pang iba na maganda ang takbo ng gobyerno nila. Tingnan ninyo mga Binay sa Makati mahal sila ng mga taga Makati! Mas lalong gaganda ang takbo ng probinsiya natin kung ang gobernador ay Cua at ang bise gobernador ay si “Bos Te” Cua.


Dito naman sa Virac, apat na pumasok sa radar ko na kakandidatong mayor: Mayor Posoy Sarmiento, dating alkalde Sammy Laynes, PBM Bani Balmadrid at si Mr. Macario Arcilla, Jr. Sa bise alkalde hindi ko po sure kung sino sila dahil iba nababalitaan ko. Samantala sa San Andres, tila wala ring katapat si Atty. Nonong Mendoza. Hindi ko alam kung sino isasabak ni Atty. Mendoza na bise alkalde niya. Pero wala talaga siyang mabigat na makakatapat. Bossing, puwede nang mag-blow out! Baka puwede akong janitor sa munisipyo ng San Andres? Punta tayo sa Bato, may bali-balitang ibang posisyon daw ang target ng dating mayor ng Bato? Pero sabi ng mga taga-Bato, style lang daw iyan? Mayor lang daw puwedeng takbuhan ni ex-mayor? Sa Baras, maganda anf performance ni Mayor Paolo Teves at may kahirapang banggain ito.
Sa Caramoran, return bout ang nakikita kong labanan doon, Popa vs Aguilar.
Samantala amg friend kong si Manding Vargas Zafe, target niya ang maging kagawad ng Virac o kung pupuwede raw ay provincial board member. Mas lamang siya as kagawad kasi nasa probinsiya na si Doc Zafe.
Ano naman kaya si ex-gob Chavez at ex-gob Suplig, magrere-election kaya sila? Puwede siguro dahil walang gustong lumaban kay Gob. Cua?


President Lacson, Vice President Sotto. President lsko Moreno, Vice President Willie Ong, President Manny Pacquiao, Vice President wala pa. Grupo ni Duterte at Robredo, wala pa rin. Sa mga senador wala pa, lahat naghihintay ng bendisyon ng kanilang diyos?


Ayon sa yumaong senador Miriam Santiago, iyon ikang gustong mag-pulis dapat college graduate. Kaya naman daw dapat ang gustong manilbihan sa gobyerno tulad ng mga senador, kongresman, gobernador at iba pang mga nasa gobyerno, dapat college graduate! Ang tanong, papaano na iyong mga ambisyosong gamit lang ay popularidad at kayamanan? Sa ngayon wala silang problema dahil maliwanag ang isinasaad ng ating Saligang Batas, marunong bumasa at sumulat pasado na iyan. Ang problema lang marami diyan ang marunong magsulat lang ng pangalan nang pahirapan at nababasa lang pangalan nila. Ang tawag na diyan can read and write! Napakaraming dapat baguhin sa ating Saligang Batas pero hindi nabibigyang pansin dahil sa mga mambabatas na ang pinagkakaabalahan ay kung papaano kikita sa mga proyekto ng gobyerno. Puro pandurugas ang nasa kukote ng mga lingkod bayan kuno! Kaya pati walang natapos natuto lang ng ABCDEFG, gusto na magpresidente? Anong malay ng isang taong gusto magpresidente na wala namang alam kung papaanong patatakbuhin ang isang gobyerno na pinananahanan ng 110 milyong Filipino? Ah, oo nga aasa doon sa mga nakatapos ng pag-aaral na umabot ng limang taon, anim na taon hanggang sampung taon na siyang nagdidikta sa kanya na ganito gagawin mo, presidenteng bobo, gago, walang alam, at tatanga-tanga pero dakila naman? Dapat tama, sabi ni yumaong Sen. Miriam Santiago, na at least tapos ng college tulad din ng mga pulis!


Toktik: Sabi ng isang babae na pag siya raw ay naging isda,. lahat daw ng mga isda tuturuan niyang maglakad sa lupa! Sabi naman ng isang isda, pag siya raw ay naging tao tuturuan niya raw ang mga taong lumangoy sa lupa!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: