Tingnan Natin ni Jex F. Lucero:

ANG COVID VARIANT DELTA AT ANG VARIANT PLUS

Kamakailan ay nasaksak ako! Pero isang nurse ang may gawa ng lahat! Akala ko masasaktan ako pero hindi naman pala at ni hindi ko naramdaman kung ako ay nasaksak. Iyon ang unang tusok na isinagawa sa akin bilang first dose ng bakunang Pfizer. Sabi sa akin ng nurse, magkikita kaming muli sa July 14, 2021. Iyon ang pangalawang pagtusok (hindi na saksak) ang gagawin sa akin at kumpleto na bakuna ko. At least kampante na at maka pamamasyal na sa mga puwedeng puntahan.

Ang masama, napasok na ang Pilipinas ng mga bagong kalaban at lalong matitindi ang mga anak ng virus nila! Covid-19 tapos Variant Delta at ngayon ay meron na namang Variant Plus. Ang mas delikado kung iyong Variant Plus ay baka maging Variant Multiplication? Sana Variant Minus na ang sumunod para masaya lahat!

Ayon sa balita, meron ng 17 kaso ng Variant Delta dito sa Pinas at kung hindi ito mapipigilan matutulad tayo sa India. Lalo may mga kababayan tayong ang titigas ng mga bao ng ulo nila. Good luck sa mga tigas bao ulo. Variant Delta and Variant Plus is now on your way! Bahala kayo sa buhay ninyo!

******

Ang mga natatamaan ng Covid-19 ngayon sa napupuna ko ay pabata nang pabata? Bakit kaya? Siguro dahil ang sakit na ito ay para sa lahat at hindi lang pang senior citizen at lalong hindi pang mahirap lamang at ito para rin ay sa mga hindi nag-iingat at lalong ito ay doon sa mga tigasin ang ulo! Mga tigas ulo at hindi nag-iingat, muling paalaala sa inyong lahat!!

******

May mga loyalista si Marcos na tumututol sa paglilibing kay yumaong pangulong Noynoy Aquino na dapat daw ay huwag ipalibing ito sa Libingan ng mga Bayani tulad din daw ng ginawa nila kay Marcos na umabot ito ng kung ilang dekada bago ito nailibing sa Libingan ng mga Bayani. Gumaganti kumbaga! Kung ako ang tatanungin, nararapat ba ang ganyan? Siguro sa mga nasaktan lalo sa mga pamilya….puwede pero kung totoong tao ka para sa akin, dapat kalimutan na iyan. Tutal matatala naman sa kasaysayan kung sino ang gumawa ng malaking pagkakamali sa buong buhay nila! Kung ang mga Aquino ang gumawa ng pagkakamaling hindi makakalimutan ng mga Filipino, kanila yon. At sana huwag nang gayahin pa ang pagkakamaling iyon!

******

Hanggang ngayon ang problema natin sa kuryente ay problemang habang tayo ay nakatira sa Catanduanes ay mananatiling pangunahing peste sa buhay ng mga  taga-Catanduanes. Kahit kailan ito ay mananatiling peste at pinaka-peste sa buhay natin. May mga pakulo kamakailan na nagka-pirmahan na raw ang Ficelco at DOE sa sinasabi nilang submarine cable? Kung kailan ito mangyayari ay hindi pa natin alam? Dahil May palagay akong ang panukalang ito ay dadaan ito ng Kongreso dahil mangangailangan ito ng malaking halaga ng budget. At ang totoo niyan ay ni hindi pa yata ito naikakalendaryo ng Kongreso para talakayin at pag-usapan? Tapos na ang tatlong taon ng panunungkulan ng mga nasa gobyerno natin, ano na naman kayang kasinungalingan ang lalabas sa bunganga ng mga matabil nating mga kandidato? Di ba sabi ko noon na ang tungkol sa mga plataporma de gobyerno na sinasabi ng mga kandidato ay huwag na huwag ninyong paniniwalaan dahil puro pambobola at kasinungalingan lahat ng iyan. Tumubod-tubod nindo sa bubuwa. Ang paniwalaan ninyo iyong 1k, 700 pesos, 20 pesos, 50 pesos, 100 pesos  at 500 pesos na pambili ng boto ninyo! Doon kayo maniwala! Plataporma de gobyerno, katarantaduhan yan!

*******

Itong si Pacquiao kung magsalita akala mo pagkagaling-galing! Lahat daw na walang bahay lalo na mga squatter ay bibigyan niya ng mga bahay at ni piso ay hindi sila gagastos! Ang galing ng boksingerong ito, ano? Pero kung pupunta ka sa lugar niya ni hindi niya magawang mapaunlad mga kababayan niya! Kongresman kapatid niya, bise gobernador asawa niya, senador siya pero ang reklamo ng mga taga-roon sa kanila ay wala naman daw nagagawang para sa ikauunlad ng lugar nila. Tapos nagyayabang buong Pilipinas ang paasensuhin niya? Baka akala niya boksingero makakaharap niya? 110 milyong Pinoy ang makakalaban niya at lahat ito responsibilidad niya. Ngayon naman tumututok siya sa korapsyon naman! Aalisin niya raw ang mga korap sa gobyerno! Lahat ng naging pangulo ng ating bansa tinutukan din nila iyan pero lahat sila nabigo. Tapos itong isang graduate ng UMAK na ni hindi natin alam kung papaanong nakatapos ng kurso niyang AB magsasabing tatapusin niya ang korapsyon sa ating gobyerno? Hello! Hello! May tao po ba sa bahay ninyo? Ang lahat naman ng sinasabi niya ay kung siya raw ay magiging pangulo ng bansang Pinas! Hello, tinatawagan po lahat ng mga ambisyoso!! Libre po namang mangarap!!

*******

Isang babae ang nagsisigaw dahil may nakita raw siyang aswang. Hinabol daw niya ito ng taga at muntik na raw tamaan sa bandang ulo kung hindi raw nito nagawang lumigid sa lupa. Nakakuha ng atensiyon sa mga tao ang pagsisigaw ng babae kahit alas dos na ito ng mag-uumaga. Hinanap nila ang aswang bagaman at medyo takot ang mga tao. Tanong ng isa sa mga sumaklolo na kung ano raw ang ginagawa ng aswang nang makita niya. Ang sabi ng babae kitang kita niya raw ng inaaswang iyong katulong nilang si Inday. Tanong ng isa pang usisero, hindi mo ba tinawag ang asawa mo para patulong ka? Ang sagot hindi.  Ng tanungin naman ang katulong kung totoong inaswang siya, ang sagot naman ng katulong ay opo. Tinanong pa ang katulong kung makikilala niya ito at ang sagot ay hindi kasi naka-face mask.Tinanong pa siya kung bakit hindi siya nanlaban o sumigaw man lang ang sagot ay niyakap at hinalikan man lang daw siya ng aswang at isa pa raw mabait daw ito at binulungan daw siyang “I love you” at huwag daw akong magsusumbong sa kay Ate! Aswang ngang tunay! Maghanda kayo ng pangontra sa aswang. Numero uno diyan bawang! Pero kung katulad ng aswang na itong mabait, magpa-aswang na kayo! Huwag lang kayong magsusumbong kay Ate!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: