Tingnan Natin:

MAG-HARAKIRI NA KAYO!

Ang mga bakunang ginagamit ng gobyerno ng Pilipinas ay galing sa China at ito ay ang SinoVac. Ito ay donasyon ng China sa ating bansa. Ang kamakailan namang bakunang dumating ay ang AstraZeneca. Sa pagkakaalam ko ay galing ito sa lndia o gawa ito sa India. Ayon sa ulat, meron walong iba pang pagawaan ng bakuna laban sa Covid ang mapagkukunan ng gobyerno ng Pilipinas para lahat ng mga Filipino ay mabakunahan. Pag nabakunahan na lahat, meron pa yatang espesyal na bakuna para sa mga nagtatrabaho sa gobyerno na ang trabaho sa gobyerno ay magnakaw ng kuwarta ng gobyerno tulad ng mga nakasuhan ng mga taga-Philhealth, mga taga-DPWH, mga nasa Kongreso, mga taga-LTO, at iba pang ahensiya ng gobyerno. Ang espesyal na bakuna yata sa kanila ay galing sa ahas na cobra! Delikado, pag nagkataon ay nanganganib ang mga tao dahil dadami ang mga ahas sa Pilipinas! Malamang iyong balak kong pumunta ng Hawaii ay itutuloy ko. Sabi kasi ng anak kong nasa Hawaii, wala raw ahas doon.

*****

Ang magsisigaw ka sa ngayon sa buong Pilipinas na kakandidato kang presidente, senador, gobernador, congressman o kung anumang elective posisyon sa gobyerno ayon sa Comelec ay hindi labag sa batas. Iyon ay sapagkat wala pa namang eleksyon. Pero iyong mayor ng Manila na si Kikoy Domagoso daw siya ay alala ng alala dahil sa mga pagkakaroon ng mga grupo na nag-iikot sa buong Pilipinas dala-dala ang pangalang RUN SARÀ RUN! Kasi nga wala yatang balak si Duterte na kunin siyang kandidato sa pagka-pangulo kaya nagpapapansin. Sana para makatabla sa laban si ISKO dapat kumuha rin siya ng grupo na TUWAD lSKO TUWAD.  O di kaya HABOL ISKO HABOL. Tutal hindi naman bawal, di ba?

*****

Ang pinag-uusapan ngayon sa Sangguniang Bayan ng Virac, kumbaga trending, ay ang tungkol kay Kag. Toy Gianan na mahigit isang taon na raw itong nawawala sa SB ng Virac pero hindi pa raw napagpasiyahan kung ano na ang katayuan nito kung kagawad pa raw ba ito o kung gumagawad pa ng suweldo bilang kagawad? Kung AWOL na, di AWOL na! Kung hindi pa, di sabihin sa mga tao na kagawad pa rin siya kahit isang taon ng hindi nagtatrabaho! Maraming mga taong matutulungan kung hindi na siya kagawad dahil iyong pondo na dapat para sa kanya ay magagamit na pang-suweldo para sa mga  casual at iba pang mga empleado sa munisipyo. Isang taon na ba talagang mahigit? Come on, mga kagawad, gumawa na kayo ng desisyon! Ang nakakatuwa nito baka sa bandang huli ay kayo pa mga kagawad ang kakasuhan ni Kag.  Gianan sa hindi ninyo pagtanggal sa kanya bilang kagawad sa kabila ng dapat ay tanggal na siya.

*****

Ang gusto ni Duterte, kung dito gagawin ang military exercise ng mga Amerikano sa Pilipinas, dapat ay magbayad sila. Iyong mga epal sa senado tulad ni Lacson na tulad kong wala ring sapat na kaalaman sa batas pandaigdigan ay nagngangawa na para daw pangingikil ang ginagawa ng gobyerno natin. Si Robredo na isa pa ring epal tulad ni Lacson at Hontiveros ay pare-pareho ang paninindigan nila sa sinabi ni Duterte na dapat bayaran ang Pilipinas. Lumalabas na ang mga kumokontra sa gusto ng pangulo ay sumisipsip sa mga Amerikano. Nagpapapansin kumbaga! Ang siste at hindi pa nila alam o nagpapapansin sa mga Amerikano na ang hinihingi pa nga noong si Marcos pa ang pangulo noon ay dalawang bilyong dolyar ang iniuungot nito sa paggamit ng ating mga facilities. Na siya namang dapat! Ngayon ay kinatigan ng Amerika ang gustong mangyari ni Duterte at bibigyan ang puwersa armada ng Pilipinas ng mga makabagong armas pandigma. Tameme ang mga sipsip sa Amerika na sina Lacson, Robredo, Hontiveros at lahat ng komokontra sa ideyang gusto ni Duterte. Pinaboran si Duterte dahil siguro naisip nila ang matagal ng pagkakamali nila na parang inuuto na nilang matagal ang pamahalaang Pilipinas na sabi kaalyado nila pero ang mga ibinibigay na gamit pandigma ay mga bulok at mga pang museum na dapat. Dito sa East tayo ang sinasabing numero unong kaalyado nila pero on our own ang mga gamit pandigma natin. Sa parte ng Europe ang NATO, lahat ng makabagong armas nandoon sa kanila. Tayo dito iyong mga ginamit pa sa Vietnam, iyon ang para sa numero unong kaalyado nila sa Asya! Iyong Huey chopper at iba pang mga gamit pandigma na ginamit pa yata laban ki Magellan ki del Pilar at Aguinaldo. Hindi na nila nauto si Duterte. Meron China, may Russia, may Israel, may France at pati sa India at Jordan. Hindi na tulad noon ang Pilipinas sa administrasyong Duterte  na para bang sila lang mga Amerikano ang dapat nasusunod sa kung ano ang gusto nila na akala nila ay pag-aari pa rin nila tayo. Para kay Lacson na numero unong pabida ang nagpapansin na si Hontiveros, ang bise presidente nating pinakukuha  ng refresher course ni Duterte. Ano na ngayon nang kinatigan ng mga kano ang gusto ni Duterte at hindi iyong pa-epal ninyong ideya? Magharakiri na kayo!

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: