ni Jex F. Lucero
Ano kaya kung sabay-sabay na sumabog ang mga bulkan sa buong Pilipinas? Nakakatakot siguro, ano? Taal volcano pa nga lang kagulo na sa Calabarzon, paano kung magsabay-sabay ang Mayon, Pinatubo, Bulusan, Kanlaon, Taal at iba pang bulkan sa Pinas? Para sigurong malaking delubyo, ano? Pero papaano nga kaya kung mangyaring magkasabay-sabay ang pagsabog ng lahat ng mga bulkan sa Pinas o di kaya sa buong mundo? Imposible ba?
*****
Buti na lang hindi nangyayari ang ganoon, ano? Ano naman kaya kung ang mga bagyo sa atin ay sabay-sabay na pumasok sa ating area of responsibility? Meron sa Luzon, Visayas at Mindanao. Walang ganun, ano? Pero papaano kung mangyari? Kasi maraming mga pangyayari ngayon na hindi natin inaasahang mangyayari pero nagaganap, hindi ba? Hindi naman natin hinahangad ang ganitong mga kalamidad o mga pangyayari at sana huwag namang mangyari at hindi naman talaga mangyayari dahil hindi pahihintulutan ito ng Diyos.
******
Pero merong sabay-sabay na ginagawa sa atin ang mga magnanakaw sa gobyerno natin. Talo nila ang mga bulkan, mga bagyo, kahit lindol pa. Sabi nga ng mga mismong nasa gobyerno natin na kahit kailan ang nakawan sa gobyerno natin ay hindi mawawala. Puwede raw mabawasan pero ang maalis o mawala nang lubusan ay hindi mangyayari. Sumatutal, talo ang mga bulkan, mga bagyo at mga lindol ng mga magnanakaw sa gobyerno natin. Kahit magsabay-sabay pa ang mga bagyo, mga pagbuga ng bulkan at mga paglindol.
******
Isa na namang Pinay ang tinigbak sa Kuwait. Kamakailan ay nangyari din ang ganito sa isang Pinay at sa nasabi ring bansa. Pero hindi nadadala ang mga kababayan natin. Sige pa rin ang punta nila sa Kuwait at sa datos ng DOLE napakarami pa ring mga Pinay ang papuntang Kuwait at napakarami pa ring uma-apply. Bakit nangyayari ang ganito? Simple ang sagot diyan: ang mga kababayan natin ay hindi kuntento sa buhay nilang tinatamasa sa ating bansa. Gusto nila iyong umasenso sila, hindi na baleng magahasa o mapatay ng mga demonyong mga taga-Middle East. Siyempre hindi naman lahat sila ay ganoon? Tulad din dito sa atin, may mga kababayan din tayong malulupit din sa mga katulong.
******
Ang isa sa kailangang-kailangan dito sa ating probinsiya o kahit saan mang lugar sa Pilipinas ay ang pagkakaroon dapat ng mga evacuation centers. Ito ang dapat unahin ng mga pulitiko nating magagaling. Dapat bawat malalaking barangay ay mayroong evacuation centers. Iyong evac centers na matibay hindi iyong evac centers na magiging libingan ng mga evacuees. Ito ang dapat gawing priority projects ng mga magagaling na mga pulitiko natin. Ang nangyayari kasi ngayon ang ginagawang mga evacuation centers ay ang mga eskuwelahan. Dito nga sa Virac ang ginagawang evacuation center ang kapitolyo. Hindi puwede diyan sa kapitolyo dahil napakaraming mga salamin diyan at napakadelikado sa mga evacuees. Meron daw evacuation center na ipinagawa ang DPWH. Ano kaya tapos na kayang gawin ito? Wala nang balita. Ang nagkaroon ng malaking balita noong nakaraang bagyong Tisoy ay ang kapitolyo bilang evac center .Iyong ipinagawang evac center walang balita?
******
Tila maganda ang pagpapatakbo ng kasalukuyang gobyerno pagdating sa pagbibigay ng mga relief kumpara sa nakaraang adminstrasyon na kung saan pagkadami-dami ng relief galing sa kung saan-saan pero hindi nakarating sa mga biktima ng bagyo. May mga balita pa nga na napakaraming nabulok na mga bigas pero hindi naipamigay. Mga pabahay hindi natapos hanggang ngayon ay mga pabahay pa rin. Kung hindi ako nagkakamali ang kalihim ng DSWD noon ay iyong matambok ang mukha na si Dinky Soliman. Saan na kaya siya ngayon?