ni Jex F. Lucero
Magtatanong kayo kung ano ba ang mga Ninja? Sila iyong mga napapanood natin sa mga pelikula na may mga suot na itim na damit at may mga takip ang mukha at may mga matatalas na parang mga espada na nakasukbit sa likuran nila. At meron din silang taglay na kapangyarihang lakas na kakaiba kaysa karaniwang tao. At may taga-bulag din sila na basta lang sila nawawala. Magpapausok lang sa harapan mo kung kalaban ka nila at mawawala nang bigla. Iyan ang mga Ninja. Ano naman ang mga cops? Iyan ang katawagan ng mga taga-diyaryo o mga taga-media sa mga pulis. Ano ngayon ang tawag sa Ninja cops? Simple, sila ang mga pulis na gumagawa ng mga pagmimilagro habang sila ay tumutupad sa kanilang tungkulin. Ano ang tungkulin nila sa ating mamamayan? To serve and protect!
******
Ano? To serve and protect? To serve and protect who? The druglords, the kidnappers, the holduppers, the carnappers, human traffickers, the smugglers, at iba pang mga iligal ang mga transaksyon? Marami nang mga imbestigasyong ginawa ang iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno tulad ng NBI kuno, ng Senado na hanggang mga pagdadakdak lang naman, meron pang SOGO na mga pulis din ang may hawak, may PDEA pa, may mga kongresman pa lahat lumalabas sa mga imbestigasyon nila na sangkot ang mga masasamang pulis. Ang pinakahuli ang imbestigasyong ginawa sa mismong PNP chief na ang nagdiin sa kanya ay mga kasamahan niya rin at kapareho sila ng uniporme. Dinikdik ng husto sa Senado ang hepe ng pulis at lumalabas na may kinalaman ito sa hulidap sa isang Intsik sa Pampanga at sinasabing kumita rin daw ng konti.
******
Diyan isinilang si Ninja Cops! Ni-recycle daw iyong drogang nakumpiska ng mga raiding team na mga pulis sa halip na itabi para gawing ebidensiya lahat at sa imbestigasyon dahil hulidap nga, kumita pa iyong mga sangkot na pulis? Diyan nabansagan ang mga pulis na Ninja cops. Pero sa totoo lang ang mga Ninja cops na tinatawag nila ay matagal nang mga nagni-ninja? Hindi lang sila Ninja cops sa iligal na droga. Sa halos lahat ng mga iligal sa buong bansa ay mga Ninja cops na sila. Sangkot sa nakawan, kidnapping, carnapping, holdup, bank robbery, human trafficking, smuggling, at kung kulang pa mga nabanggit ko bahala na kayong magdagdag. Ngayon kilala na ninyong lubos kung sino ang mga Ninja cops at kung bakit sila tinawag na mga Ninja cops.
******
Ngayon alam ba ninyo kung bakit walang ina-appoint na PNP Chief si Duterte? Maliwanag na ang dahilan ay nag-aalangan ang pangulo na baka ang ma-appoint niya ay isa ring Ninja? Baka nga naman ang ma-appoint niya ay tumaas lang ang ranggo dahil malakas sa mga superior nila o di kaya tulad din doon sa nangyari sa Pampanga raid na sa halip na makasuhan iyong mga pulis na gumawa ng mga milagro ay tumaas pa ang mga ranggo. Iyan ang dahilan kung bakit ayaw ng kumuha ng PNP Chief ni Duterte kaya hanggang ngayon bakante ang puwesto. Sa ngayon ang mga pulis ay parang may uling mga mukha nila. Kung baga may dungis mga pagmumukha nila. At iyon ay dahil sa kagagawan ng ilan lang sa mga kabaro nila
******
Alam ba ninyong marami sa mga kababayan natin ang naniniwala na totoo ang mga Ninja Cops at ayon sa survey ng SWS, 78% ng mga Pinoy na totoo at naniniwala sila sa Ninja Cops. Maliwanag lamang na palatandaan ito na marami ang nawawalan ng tiwala sa mga ginagawa ng mga pulis natin. Pero ako iba naman ang obserbasyon ko. Iyon ang sinasabi sa survey at talagang mataas. Ang survey kasi kung ano ang trend o naririnig ng mga tao sinasabayan nila ito. Pero iyong totoo may mangilanilan lang naman talaga ang mga gumagawa diyan. Sa pakiwari ko, mas marami ang mga pulis na hindi gumagawa ng milagro. Kasi ang totoo, sabi ni Nora Aunor, ay walang himala. Milagro lang!!