Editoryal ni: Justin Cabrera:

KALINTURA NG AGRIKULTURA

Sa unang tingin, tila masagana’t maunlad ang agrikultura ng Catanduanes, ngunit sa likod ng sigla ay isang sektor na naghihingalo’t balisa.
Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang lalawigan ng Catanduanes ang nagtala ng pinakamataas na pagbaba ng produksyon ng palay noong 2023 sa buong Rehiyong Bicol, na umabot sa 34.11%, kasunod ang pagbagsak sa produksyon ng mais ng 85% at manok ng 23% para sa taong 2024. Patunay ang mga datos na ito na: sa kabila ng ating karangalan bilang pangunahing tagapagluwas ng abaca, nananatiling ilusyon ang kasiglahan ng agrikultura. Sapagkat, hindi sapat na panlunas ang tagumpay ng abaca sa mga komplikasyong unti-unting sumasakal sa sektor ng agrikultura sa ating probinsiya.
Hindi maitatanggi na nangunguna ang isla sa pag-ani ng abaca. Sa katunayan, idineklarang Philippines’ Abaca Capital ang lalawigan ng Catanduanes sa ilalim ng Republic Act No. 11700 dahil sa kontribusyon nito sa produksyon ng abaca, na bumubuo ng mahigit- kumulang 2/5 ng kabuoang produksiyon ng bansa. Subalit, ang titulong top producer ay nagsisilbing pansamantalang ginhawa lamang sa larawan ng agrikultura, na nagbibigay ng ilusyong ang sektor ay nasa malusog na kalagayan.
Base sa datos ng Department of Agriculture (DA) noong 2022, 70% ng bigas na kinokonsumo sa isla ay mula pa sa Camarines Sur––isang malupit na kabalintunaan sa imahe ng probinsiya bilang malusog at sagana. Kung tunay na masagana ang agrikultura sa isla, dapat nitong matugunan ang sariling pangangailangan at makapagluwas pa ng maraming produkto, tulad ng ginagawa ng mga karatig-lalawigan. Sa kabila ng produksyon ng 56,000 metriko tonelada ng palay noong 2022, napakalayo nito sa higit 300,000 metriko toneladang output ng Camarines Sur, ayon sa PSA. Mula rito, tiyak na nahuhuli ang Catanduanes sa awtput ng mga kalapit na lalawigan, at nagiging malaking hamon sa seguridad ng pagkain sa probinsiya.
Bukod dito, noong 2023, iniulat ng PSA na ang kita ng mga magsasaka sa Catanduanes ay nasa ₱2,500 hanggang ₱4,000 kada buwan lamang, malayong-malayo sa poverty threshold na ₱12,030 para sa pamilyang may limang miyembro. Dagdag pa, 60% ng mga magsasaka ay umaasa sa maliit na ani at kulang sa suportang teknikal at pinansyal, ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA). Ang agrikultura, na dapat maging haligi ng kaunlaran, ay nagiging mukha ng kahirapan sa probinsiya. Sa mababang kita ng mga magsasaka, kitang-kita ang kabiguan nitong maging sandigan ng ekonomiya at ng buhay ng mga nasa sektor. Kung ang mga nagpapakain sa bayan ay hindi man lamang kayang
buhayin ang kanilang pamilya, malinaw na nawawala ang pag-asa sa ating agrikultura.
Ang pangunahing dahilan ng kahinaan ng agrikultura sa Catanduanes ay ang kawalan
ng makabagong teknolohiya. Kung patuloy na maaapi ang ating mga magsasaka sa luma at
hindi epektibong pamamaraan, hindi lamang sila maghihirap, kundi pati na rin ang buong
ekonomiya ng probinsiya. Ang tanging solusyon ay ang mabilisang pagpasok ng makabagong
teknolohiya: mga makinarya, advanced farming techniques, at mga sistemang pangirigasyon.
Sa ganitong paraan, matutugunan ang mataas na gastusin, mapapataas ang ani,
at maibabalik ang lakas at sigla ng agrikultura bilang pangunahing industriya ng
Catanduanes.
Malinaw na malinaw, na ang agrikultura ng Catanduanes ay isang sektor na nagtatago
ng matinding komplikasyon sa likod ng ilusyon ng kasaganaan. Ang patuloy na pag-asa sa
abaca bilang tanging produkto ay nagsisilbing pansamantalang lunas na hindi kayang
tugunan ang malawak na pangangailangan ng isla. Kung ang mga suliraning ito ay
magpapatuloy, ang agrikultura ng Catanduanes ay mananatiling isang sektor na
nagmimintina ng kaniyang pag-iral, patuloy na nagtataguyod sa laban upang mabuhay,
ngunit hindi kailanman matatamo ang tunay na kaunlaran at tagumpay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Discover more from Catanduanes Tribune

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading