TINGNAN NATIN | Jex F. Lucero:

MARAMING KANDIDATONG MAY LAHING LACOSTE

Ito ang nakakatakot lalo na sa mga taga-bayan ng Bato at San Miguel. Mga ilang araw na ang nakakaraan mayroon daw namataang parang buwaya sa ilog ng Bato. Dahil nga sa ito ay daanan ng mga tao, natural na maraming mag-uusyuso rito. Linapitan daw ang nasabing bagay na tila mga buwaya raw, natural inalam nila ang nasabing bagay at laking gulat ng mga tao dahil kaunting pitik lang daw ng nasabing kakaibang bagay napag-alaman nilang ito pala ay mga buwaya. Dalawang buwaya daw at tila namamahinga, mukhang lalaki raw ito dahil mahaba at ang isa ay babae raw ito dahil malaki ang tiyan at medyo mababa ng kaunti. Nakakabahala ang bagay na ito dahil maraming mga bata ang dumadaan sa nasabing lugar. Ang delikado pa, gumagala pa yata ito kung oras ng gabi at siyempre delikado ito sa mga magsing-irog baka ma-timing-an tapos ang maliligayang araw nila. Hanggang ngayon hindi pa rin makumpirma ang lahat dahil ang may kuwento ay bagong gising pa lang at magdamag na naglasing at ang ininom ay siyoktong, ang pulutan ay napagalaman kong sardinas at tatlong turay kaya nang mainterview ko, amoy sardinas pa. Ang nakakagulat pa ang nasabing buwaya dahil nagkakatawangtao at kulay na parang hunyango, namimigay pa daw ito ng ayuda. Grabe, ano pandemya? Ibang klaseng buwaya?

*****

Ang Quadcom na binuo ng kongreso lumalabas na quad comedy at napatunayan ni Congressman Richard Gomez na nakatulong ito ng malaki sa pamumuno niya bilang isang alkalde noong mayor pa siya. Malaki raw naitulong nito sa kanya sa war on drugs. Sinegundahan ito ni LucyTorres, ang magandang may bahay ni Richard Gomez. Kaya nagmukhang tulala ang nagtatag ng Quadcom para imbestigahan EJK killings sangkot ang mga pulis at ang dating pangulong PRRD. Bakit hindi nila imbestigahan ang mga na-rehabilitate na mga tao, bakit ang mga pulis lang? Media mileage lang siguro ang habol kasi malapit na ang election? Halata naman!!!!

*****

Ayuda ni Marcos, pinag-aawayan ng mga buwaya. Hindi raw ito binibigay ng DSWD. Ito ay nangyari sa Zamboanga, Cotabato Bukidnon at iba pang lugar ng Pilipinas na dapat ito ay para sa mga Pinoy at alam nating naghihirap at ito ay programa ng pangulo. Sinabi nga ng mga nagrereklamo na ang DSWD ay masyadong selective at sinasabi na kaya hindi daw sila nagbibigay dahil utos ng itaas. Sabi pa ng mga nagrereklamo na ng malaman na nagfile na sila CoC saka itinigil ang pamimigay ng ayuda. Sabi ni Imee Marcos, huwag daw mamumulitika ang mga taga-DSWD. Ganoon din ang panawagan ni VP Sara na ang pagbigay ng ayuda ay huwag dadaanin sa pamumulitika. Si Rex Gatchalian, isang alipores ni Marcos, ang kalihim ng DSWD.

*****

Grabe ang dynastiya ngayon, akalain mong mag-iina, mag-asawa, magkakapatid, magpamangkin, magkakamag-anak, mag-ama at marami pang iba. Tunay na malaki ang kuwarta sa pulitika. Sa Taguig ang mga Cayetano, ang mga Tulfo, ang pasimuno ang mga Marcos, Dy sa Isabela, mga Villar, mga Revilla, Remulla, mga Santos mag-iina at magkakapatid. Grabe na talaga kaya ayaw nila sa drafted na Konstitusyon ni dating Chief Justice Puno dahil gusto nila ang binalahura na Saligang Batas. Tingnan mo, gusto nila ang binaboy na Constitution at ang tatakbo baboy din. Iyong ina governor, anak congressman, ama cabinet secretary, anak kandidato, siguro iyong pusa nila kong hindi ako nagkakamali magse-senador din dahil balita ko iyong alaga nilang aso magkakagawad daw. Grabe ang mga hayop na ito, mga ganid sa kuwarta.

*****

Totoo palang may lihim na anak si Robin Padilla kay Sharon Cuneta?  Ang alam ko may anak din ako kay Sharon, Cubeta nga lang, hindi Cuneta. Totoo yan, ninong nga namin si Marlon Supply ng inidoro. Kasi sa totoo lang naglalabasan na ngayon ang mga lihim na anak. Halimbawa ang anak namin ni Andrea Suba, Pilita deleon, Brooke Shields, ni Ibana Karwahe, at Janine Posporo. Ang dami kong anak pag nagkataon pero mayroon pang pinakahuli ang anak ko kay Alice Kuan Song Chin Shao.

*****

Sa mga kalye survey, lalo sa Caloocan, sa isandaang taong tanungin mo, 99 kay Along Malapitan, isa lang ang pabor kay Trillanes, Ganoon din kay Duterte, wala ni isa kay Nograles, naka isaandaan na kay Duterte, zero pa kay Nograles. Ganoon din kay Kikoy. Nakasampu na si Kikoy, wala pa si Honey Lacuna. Ayaw daw nila kay Tamundong, gusto daw talaga nila kay Kikoy kasi para daw ukoy at balimbing pa. Balimbing pa tayo parang si Revillame, kaliwa’t kanan ang kabig. Pero sa totoo lang, hindi ko talaga iboboto si Lito Lapid, Manny Pacquiao, Bong Revilla at Phillip Salvador. Anong gagawin ng mga iyan sa Senado, magba-Batang Quiapo, magboboksing si Pacquiao, mag-alyas-Pogi si Revilla, mag-aalyas-Afuang si Salvador? Ano ito, showbiz? Mahiya naman kayo!

*****

Pag-transfer ng pondo sa ibang ahensiya ay bawal pero sa admin ni Marcos ginagawa nila ito. Ang PhilHealth ay may pondong 90 bilyon pero na withdraw at gagamitin daw sa ibang proyekto. Pero pagka-withdraw ng 90 bilyon, nagsipagkandidato si Vilma Santos, Luis Manzano, mga iba pang kamag-anak ni Vilma Santos pati yata dalawang kasambahay, alaga nilang dalawang aso, limang baboy na alaga din nila at dalawang unggoy na alaga din nila at maraming pinakandidatong mga buwaya sa tubig at lupa. Siguro kung nasa Batangas ako, kandidato rin ako pero ayaw kung makasama ang mga buwaya sa lupa at tubig. Ayaw ko ng buwaya, baka sibain pa ako ng mga hayop na yan. Finance sec si Recto at asawa ni Vilma Santos. Grabe sa waldas ang admin na ito. Ang totoo niyan, bangkrap ang gobyernong ito, Nakakuha na tayo ng  ginto sa Central Bank na nagkakahalaga ng 116 bilyon dollar ba o piso, tapos nagbabayad pa tayo ng kautangan natin tapos ubos na ang ilang trilyon na budget natin for the year 2024. Ang masaklap, baka bawat Pinoy ipagbili tayo ng isang pera na lang.

*****

Ito ang personal choice ko sa pagka-Congressman – SAMMY LAYNES, wala siyang lahing buwaya; Governor – PETER “BOSS” TE” CUA, wala ring lahing buwaya; Vice Governor OBET FERNANDEZ, wala ring lahing buwaya, at vice mayor ng Virac, ROSIE PANTI OLARTE at ang nag-iisang SP ko si FRED BENEDICT at last but not the least FRED GIANAN, kagawad ng Virac. Ang lahat ng ito ay magandang lahi, lahi silang mapagkakatiwalaan ng bayan. Mga wala silang lahi ng buwayang tubig at lupa. Sa Mayor ng Virac, JOSEPH CUA pa rin ako.

*****

Wala raw utang na loob si BBM pagkatapos na maipalibing ni Duterte s Marcos, Sr. Hindi man lang daw nagtanaw ito ng utang na loob. Ang daming nagdaang pangulo itinuring na ordinaryong tao lang ang ama niya pero ni hay ni hoy ang naging pangulong Marcos, Jr. sa mga Duterte. Ang tawag sa mga taong ganyan mga ingrate, mga mambubudol pa. 31 milyong Pinoy nabudol nga sila, Duterte pa kaya?

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Discover more from Catanduanes Tribune

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading