TINGNAN NATIN | Jex F. Lucero:

NADAPO LANG SA LIKOD NG KALABAW, AKALA NIYA KALABAW NA RIN SIYA

Kaya pala galit na galit ang China sa Pilipinas ay mayroon palang kasunduan ang dalawang lider ng bansa na si Xi Jin Ping at FPRRD na matatawag nating status quo lamang ang dalawang bansa, na ang ibig sabihin wala lang galawan maski anong bagay sa kanilang nasasakupan. Pero ang ginawa ng ating bansa ay sa halip magdala ng mga pagkain sa kanilang nasasakupan (sa BRP Sierra Madre) ang dinadala nila ay mga gamit na pangrepair ng barko o ng BRP Sierra Madre. Sa ganoon, nagsalita ang mga Intsik dahil hindi raw sumusunod sa kasunduan ang mga Pinoy. Eh, bagong gobyerno na, ayaw namang makialam ni PRRD dahil baka nga naman sabihin ng bagong pamunuan na pakialamero si PRRD kaya ang kasunduang nabanggit ay nabalewala. Ayaw namang makialam ni PRRD dahil baka nga sabihing hindi naman nIya gobyerno ito, nakikialam pa. Lumala ang awayan. Bilang Pinoy, nagsalita na ang isa sa kanIla at ang sabi nga ay may gentleman’s agreement ang dalawa at nalaman na na ang katotohanan. Ang problema lang, masyadong nililihis ang usapan. Sa halip na pag-usapan ang tungkol sa lumalalang economiya ng bansa, puro pakikipagdigma ang nasa tuktok ng lider nating saksakan ng yayabang. Akala mo naman kaya ang makipagdigmaan samantalang ang totoo nakasandal lang sa kay Uncle Sam. Hindi na kayo nahiya na dapo lang kayo sa likod ng kalabaw, tingin ninyo sa sarili ninyo kalabaw na rin kayo!

*****

Bakit daw ayaw kumibo noon si FPRRD? Iba na ang namumuno ngayon kaya iba na rin ang diskarte niyan. Kung pagsabihan kang sino ka ba at nakikialam ka? Di napahiya ka ng husto sa katangahan mo. Kaya tama ang ginagawa ni FPRRD na huwag siyang makialam dahil hindi na niya trabaho ang lahat. Trabaho na iyan ng kasalukuyang admin na puro kayabangan at pagmamagaling lalo at nakasandal sa medyo malakas na bansa akala kasi niya dahil na dapo siya sa likod ng kalabaw, kalabaw na rin siya. Ang isa pang nakakatawa hindi raw magtatagal magiging powerful country ng Asia ang bansa natin. OMG, hindi nga mabigyan solusyon ang inflation ng bansa ang bigas natin na pangunahing bilihin nanatiling mataas, tapos gusto natin maging super power tayo? Nakakahiya naman yan. Patabain muna ang mga Pinoy bago ang kayabangan. Huwag puro pakikipagdima ang ilagay ninyo sa inyong kukote, matagal pang panahon yon. Insurgency nga hindi natin kayang tapusin, giyera na naman ang hamon ninyo. Sobra namang yayabang Ninyo, wala namang tayong ibubuga. Isang submarino nga wala tayo tapos hangad ninyo digmaan? Saan tayo kukuha ng pandigma sa kahambugan at kayabangan Ninyo? Tapos pag giyera na, tatakbo kayo at ang naiwang Pinoy ang siyang makikipaglaban. Tapos ang mayayabang na mga lider siya ang bida-bida tulad sa nangyayari ngayon sa Senado, akala mo kung sinong magagaling pero ang totoo ni college hindi nakapagtapos. Oorag nindo!

*****

Tinalo ng Cherry Tigo ang champion na CCS. Nagkaroon ng dagta ang CCS pero hindi nangangahulugang talo na sila. Ganyan talaga ang laban may natatalo at may nananalo minsan nga panay talo pero sa bandang huli kampion pa rin. Ganyan talaga ang nature ng laro ngayon. Kampiyon ka, bukas makalawa wala ka na. Ang masama kung puro talo at wala nang panalo ang team na nasalihan mo dahil ang tawag sa team mo ay team ng mga bano. Huwag na huwag kang kakampi sa ganyang team dahil mapapahiya ka ng husto. Anim na team ang puwedeng malalaglag sa All-Filipino Conference sa labanan ngayon. Ang mga puwedeng makapasok ang CCS, CMFT, CHERRY TIGO at ANGELS pero hindi pa ito final. Puwedeng mayroon pang mga pagbabago pero kaunti na lang siguro o baka wala na.

*****

Mabalik tayo sa pakikipag-away sa China, napabalitang hindi na raw magbabago ang stand ni PBBM talagang palaban giyera kung giyera ang hamon niya, Ano naman kaya ang kakayahan ng Pinas kung saka-sakali? Aasa lang tayo sa mga bansang nangako sa atin, nakahanda silang tumulong kung saka-sakali? Paano kung hindi dumating ang tulong? O kung dumating man ubos na tayo. Sabi nga. aanhin pa ang damo kung ubos na tayo. Ang mga lider natin, were they able to exhaust all avenues para sa kalutasan ng sigalot na ito o talagang handa na mga lider nating matodas tayong mga Pinoy? Bawas-bawasan ninyo ang sobrang hambog at tatapang ninyo. Ang Russia ay nagbabala na ring handa na silang labanan ang USA. Saan na tayo pupunta nito kung sakali man? Tingnan ko nga ang gagaling ng mga lider nating walang alam kundi ang makipag-giyera kung saan aabot ang angas ng mga pinutukan ng lintik na ito. Pero alam nyo kung sino ang kawawa sakaling matuloy ang digmaang pandaigdig? Tayong mga sibilyan magtatakbuhan na naman ang mga hambog at mayayabang na lider na iyan. Takbong walang lingon ang gagawin ng mga iyan dala ang mga kinulimbat nila sa gobyerno. Mga kabayan kung hindi na magagawan ng paraan ang kayabangang ito ng mga kababayan natin wala tayong magagawa kundi magtago tayo sa lungga o kung puwedeng bumalik pa kayo sa inyong pinaggalingan bumalik na muna tayo pansamantala.

*****

Bakit nga maraming foreign students ang ume-enroll sa Philippine universities? At karamihan sa kanila ay kumukuha ng medicine? Ito ba ay nagngahulugang maganda ang turo ng medicine sa atin o nangangahulugang mura ang tuition sa atin. Pero ang totoo magaling ang pagtuturo sa atin at mura pa ang tuition at lahat ng bilihin, kayang-kaya ang magpa-medicine. Mura nga ang tuition sa atin at magaling ang turo pero ang tuition sa atin sa pangkaraniwang Pinoy pamatay na ito. Iyong anak ko nagpapa-medicine, may mga oras na iba-ibang santo gusto ng tawagan.

*****

May proposal ako na kung puwede dahil baka hindi na kayang pigilin ang WWIII gawin nating pambala sa kanyon ang matatapang nating mga pangulo, mga senador, mga kongresman, mga cabinet secretaries at mga magnanakaw sa gobyerno. Puwede naman siguro malaking katipiran sa kaban ng bayan dahil pag nagkataon mauubos ang mga kawatan sa gobyerno at sabi ko nga malaking katipiran sa mga Pilipino. Siyempre libre iyong mga hindi corrupt. Marami ang sasang-ayon at iyong magnanakaw sa gobyerno magtatayo na rin sila ng association sa impyerno ng mga korap, bahala na sila kung ano ang pangalan ng association nila. Association ng mga Demonyo sa Impyerno o association ng mga impyernohanon.

*****

Ang dami palang tatakbong kongresman sa nag-iisang distrito ng Catanduanes. Dr. Patrick Azanza, Padeng Sammy Layes, ang dating Cong. Cesar V. Sarmiento, Cong. Bong Teves, ang nag-iisang TGP partylist at mayroon pang iba na hindi ko na alam. Pero sa gobernadora, isa lang. Ewan kung mayroon pa pero ang alam ko tanging si Peter Cua lamang at wala nang iba. Iyong gusto makatikim ng pagkatalo, subukan ninyo lumaban tutal libre namang kumandidato ang lahat. Hindi ito North korea o China o Russia.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Discover more from Catanduanes Tribune

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading