Site icon Catanduanes Tribune

TRIXCIE ANN T. URBE- CATANDUANES NATIONAL HIGH SCHOOL:

Sa Bawat Paghalik ng mga Daliri sa Panulat

Malaki ang gampanin ng isang campus journalist hindi lamang sa loob ng paaralan, pati na rin sa ating lipunan na tila ba nabubulag at nabibingi sa tuwing nawawalan ng akay mula sa mga mamamahayag. Kaya bilang pasasalamat sa kanila, dapat lamang na atin silang saluduhan. Nang sa gayon ang kanilang kapit sa tinatanging panulat ay mas lalo pang paghigpitan, at hindi kailanman bumitaw.

Marami ang mga pawis na kanilang inilalabas para lamang maka-katha ng isang maayos at kaaya-ayang artikulo. Napupuno man ng pawis ang kanilang kamay sa halos lagpas isang-oras na pagsusulat, hindi pa rin sila napapagod na maging gabay hindi lang ng mga mag-aaral at maging ng mga tao sa labas ng paaralan. Nariyan nang ipinaaalam sa mga estudyante ang bawat kaganapan sa loob ng kampus, pati na rin sa mga magulang na kadalasan ay puro reklamo na lamang ang bukambibig dahil sa hindi nila alam kung saan napupunta ang mga school fees na kanilang ibinabayad. Ngunit nariyan ang mga mamamahayag sa kampus, nakatindig ng tuwid at nananatiling nakatindig para ipaalam sa kanila ang mga sagot sa kanilang mga hinaing. Bagay na patuloy na nagiging tulay sa maayos na relasyon ng paaralan at ng mga tao sa labas nito partikular na ng mga magulang para sa maayos na edukasyong hatid ng eskwelahan sa mga mag-aaral.

Dapat lamang nating tangkilikin ang bawat sakripisyo ng mga campus journalist. Dahil para lamang magkaroon tayo ng ilaw sa kadiliman sa loob ng paaralan, marami ring mga bagay ang naisasakripisyo ng mga mag-aaral na mamamahayag. Nariyan na ang samutsaring school tasks, exams, at mga aralin. Kadalasan pa nga ay pati ang kanilang kalusugan ay kanila ring naisasakripisyo. Isa si Hannah Romero Campus journalist ng Catanduanes National High School (CNHS) sa magpapatunay na hindi basta basta ang pamamayag. Ang karanasan niya sa pagco-cover sa school intramurals ay isa sa naging tulay upang maipakita niya ang kaniyang habag na pagmamahal sa pamamahayag. Dahil kahit na namamaos, pinilit niya pa ring ipahayag ang kaganapan sa isports na Volleyball na noong ginaganap ay medyo may kalamigan at kalakasan ang hangin.

Dagdag pa rito, sila rin ang nagiging bintana ng isang paaralan upang maipakita ang dunong at talas ng mga kaguruan dito. Sa pamamagitan ng kanilang pagkapanalo sa mga press conferences, sumasalamin na mayroon silang masisipag na mga guro, partikular na sa asignaturang Ingles at Filipino. Dahilan upang maipakita sa publiko at sa mga magulang na walang nasasayang sa kanilang mga paghihirap sa pagpapa-aral sa kanilang mga anak.

 

Samantala, marami namang paraan upang tayo ay maging magiting katulad ng mga campus journalists. Sa pamamagitan ng pakikiisa sa mga organisasyong ang layunin ay magpahayag, o sa mga publikasyon. Bukod sa tayo ay makakatulong sa lipunan upang magsilbing mga mata at tenga, mahuhubog din ang ating mga kakayahan at talento sa larangan ng pamamahayag o sa pagsusulat.

Sa bawat paghalik ng daliri ng mga campus journalists sa iniibig at tinatangi nilang panulat, kaakibat din nito ang mga sakripisyo at dagok na kanilang nararanasan para lamang makapaghatid ng katotohanan at pawang katotohanan lamang. Kaya naman, nararapat lamang na sila’y tingalain, suportahan, at tangkilikin. Dahil sa huli, tayo rin lang naman ang nakikinabang sa bawat paghihirap at mapapait na haplas na kanilang dinaranas.

Exit mobile version