Site icon Catanduanes Tribune

TINGNAN NATIN | Jex F. Lucero:

MGA IPINAKULONG NG BUWITRE, LAYA NA

Nakulong ang dalawang anchor ng SMNI ng KINGDON OFJESUS CHRIST na si dating CCP-NPA-NDF Ka Eric at Lorraine Badoy na dati nasa NTF-ELCAC. Pinakulong sila ng mga siga sa Kongreso sa pamamagitan ng pagtatanong lamang at hindi pagsagot o pag-reveal sa kung sino ang source ng report sa P1.8 billion na gastos ng big boss nila sa kanilang mga paglalakbay sa ibang bansa at ibang bagay pa kaya nadamay si Dr. Badoy. Naging masalimoot ang bagay na ito na maging si dating senador Kit Tatad ay nagkomentaryo na mga bobo ang mga kongresman sa kanilang ginawang pagpapakulong sa dalawang komentarista. Maski mga international lawyer ay sumuporta sa dalawang ipinakulong sa Kongreso na nagsasabing iligal ang ginawa nila. Ngayon ay pinalaya na ang dalawang komentarista at handang rumesbak sa ginawa sa kanila. Kung tama o mali ang ginawa ng mga buwaya, hindi natin alam. Ang alam ko ang mga buwaya ay mayroong mga buntot at ang mga buwitre kakainin pati laman ng tao lalo at patay na. Ang mga limatik naman, hindi paliligtasin ang dugo ng mga pinagsamantahang mga tao. Kaya’t mag-ingat kayo dahil masahol pa kay Dracula ang mga nabanggit dahil sabi nga ng dating pangulong Duterte, pinakabulok ang pinag-oopisinahan na ang tawag ay Kongreso. Para travel P1.8 billion, lalo na siguro ngayong Pasko ang laki siguro ng pamasko ni Tamba? Paldo ang mga sipsip na kongresman? Sipsip pa lang lalo iyong nagpapel na may mga kaso sa Ombudsman?

*****

Iba naman ang plano ni Tamba, gusto maging Prime Minister. Ang gusto talaga continuity in power, talagang may lahing Marcos. Talagang ang mga tao pag nakatikim ng kapangyarihan, gusto mahawakan ang kapangyarihan habang buhay. Kung nagbabalak ang mga kongresista natin ng pagbabago sa pulitika, dapat mawala na ang political dynasty. Dahil sa totoo lang, kaya tayo naghihirap dahil sa political dynasty. Pagkatapos ni Tatay, susunod si Nanay pagkatapos ni Nanay susunod si anak, minsan pa nagsasabay si Tatay, si Nanay, si anak, si pamangkin at si apo. Grabe ang buwayahan at kasuwapangan. Puro mga walang hiya at ang kakapal ng mukha.

*****

Simula nang depensahan ng CCS ang koronanang hawak nila o kampeonato laban pa rin sa kanilang sister team na walang iba kundi ang CMFT. Ngayon ay malaman natin muli kung sino ang sino.  Bakbakang umaatikabo ang mapapanood ng mga mahihilig sa women’s volleyball at pangungunahan ito ng sikat na sikat na si Phenom Alyssa Valdez at Jema Galanza at Tots Carlos at Michelle Gumabao ng CCS at Sisi Rondina, Deana Wong at mga kasama sa CMFT.

*****

Samantala sa basketball, wala pa ring talo ang Magnolia Hotshots sa kartang na 7-0. Pakitang gilas talaga ang import ng Magnolia na si Tyler Bey. Sa totoo lang, malakas talaga ang naturang import ng Magnolia. Wala pa siyang nakukuhang katapat sa ngayon at maaaring maulit ang kasaysayan na walang makakalaban ang Magnolia sa kampeonato. Maganda kasi ang tambalang Jio at Tyler Bey. Abangan natin at nagpalit ng import ang Barangay Ginebra.

*****

Ang sabi ni Atty. Topacio, nasira daw si Marcos Sr. Dahil kay Romualdez Sr. Ngayon naman daw, ang sisira kay Marcos Jr. ay ang Tamba na anak ni Romualdez Jr. na sumira sa Tatay Marcos Sr. Nangangahulugang nauulit lang talaga ang kasaysayan at hindi nakapagtatakang maulit na muli ang kasaysayan ng mga Marcos at Romualdez. Alalahanin nating madalas maulit ang kasaysayan sa atin sa Pilipinas dahil dating mga tao lang naman ang mga player sa atin. Sila at sila lang naman dahil sa tagal na nila sa pulitika, sila ang may malaking ipon sa tagal na nilang pangungurakot sa kaban ng bayan. Kung papaanong nangyari ito sa kanilang pamilya, itanong natin kay Topacio.

*****

Samantala nga pala, nag-disband na nga pala ang isa sa pinakasikat na volleyball team sa bansa na F2 Logistics Cargo Movers. Management mismo ang umayaw kaya wala nang magagawa ang mga players kundi umayaw na rin sila at mismong management na ang umayaw at ang sabi puro daw may nga tama ang mga player nila at kailangan daw protektahan nila ang kanilang mga player. Sa pagkakataong ito kung totoong ang dahilan para maprotektahan ang mga players na karamihan ay may mga tama, ang pinakatumpak na dapat gawin nga ay magpahinga muna. Dahil hindi puwedeng isabak ang mga player na may mga diperensiya.

*****

Umaasa pa rin ang mga kalaban ni Duterte na matutuloy ang kaso sa ICC samantalang ang sabi ng mga abogado ni Duterte ay nagsasabing tapos na ang kaso dahil matagal na tayong hindi miyembro ng ICC kaya wala nang karapatang mag-usig pa ang ICC sa ating bansa. Pero ang mga galit kay Duterte tulad ni de Lima umaasa pa rin na sasabit pa si Duterte. Kahit ang totoo ay wala na ito dahil nga wala na tayong kaugnayan sa ICC. Matagal na tayong hiwalay at wala na tayong kinalaman sa anupang gawain nila. Ayaw pa ring tumigil ng mga nasaktan tulad ni de Lima at Trillanes. Good luck sa hinihintay ninyo.

*****

Walang nangyari sa pagmamatigas ng Pilipinas laban sa China. Ang dami nilang sinasabi kesyo giyera na, pinaghahanda ang ating Puwersa Armada pero hindi nagklik ang kayabangan nila. Dating ugali pa rin ng China ang inaasal nila at walang pagbabago, nambobomba pa rin ng tubig sa mga Pilipino. Ang hambog ng ating pangulo sa pangunguna ng hambog na Amerika, nanatiling mayabang pa rin sa akala nilang kaya nilang takutin ang China. Ang pinakamabuti siguro makipag-usap na lang tayo. Alalahanin natin na ang kalaban natin ay isa sa tinaguriang Super Power ng mundo. Masakit sa kanila na aariin natin ang kanila, ayon sa paniniwala nila, nang basta-basta lang, Katunayan, tayo lang ang nagbigay ng pangalan na West Philippine Sea, dati ang pangalan niyan ay West China Sea. Mga Filipino, umayos nga kayo at makipag-usap nga kayo nang maayos, hindi puro yabang.

*****

Gustong alisan ng lisensiya ang SMNI at ang daming binanggit nila para maalisan ito ng prangkisa. Pero wala silang magawa dahil bawal na alisan lang ng prangkisa, basta-basta ang katulad ng SMNI. Sabi ng SMNI, hindi raw ito katulad ng ABS-CBN na expired ang prangkisa. Kaya marami daw itong pagdadaanan pa. Sa madaling sabi, hindi Si Ka Eric ang target dito o si Badoy kundi ang mismong SMNI. Malinaw naman, di ba?

Exit mobile version